Kumakalat sa Facebook ang dalawang larawan na pinagmumukhang sina Senator Risa Hontiveros at Father Flavie Villanueva ay nakatingin sa “figurine” ni Kian Delos Santos, isa sa mga pinatay noong drug war ng administrasyong Duterte. Edited ang mga ito.
Ini-upload noong Jan. 28, ang isang picture ay pinagmumukhang nakatingin si Sen. Risa, Fr. Flavie at iba pang tao sa edited “figurine” na may label na “ST. KIAN DELOS SANTOS” at caption na:
“BREAKING NEWS! ‘ADIK MUSEUM’ IS NOW OPEN! Hindi mapigilan ni Risa Honti-Virus at ni Pader Flavie na maiyak pati mga kasama Niya ng makita ang rebulto na ito sa Museum na pinagawa Nila -Adik Museum-”
Ini-upload naman noong Jan. 29 ang isa pang picture na may edited ding “figurine” ni Kian na pinagmumukhang santo at may caption na:
“Risha na-excite sa ginawa nyang St.Runner na request ng taongbayan.”

Gamit ang reverse image search, malalamang ang edited pictures ay galing sa balita ng Inquirer noong Jan. 26, na pinakikita sina Sen. Risa, Fr. Flavie at iba pa na nakatingin sa damit ng isa sa mga batang biktima ng tokhang.
Noong Jan. 30 ay pinasinungalingan ni Fr. Flavie ang dalawang picture at pinaalahanan ang publiko na mag-fact-check.
Ang edited pictures ay kumalat dalawang araw matapos buksan ang exhibit ng Paghilom Lakbay Museo sa Senado, na pinangunahan nina Sen. Risa at Bam Aquino.
Ang exhibit ay alay sa mga biktima ng mga extrajudicial killing o hindi makatarungang pagpatay noong drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ang brutal na pagpatay sa binatilyong si Kian ay nagdulot ng malawakang galit. Tatlong pulis ang nahatulan ng pagkakakulong hanggang 40 taon.
Ang isang edited picture ay ini-upload ni Siklistang Marinero at may lagpas 30,000 reactions, 6,600 comments, at 700 shares. Ang isa pa ay ini-upload naman ni Carl Mike Mallerna Cid at may lagpas 146,000 reactions, 29,400 comments, at 7,200 shares.

