May ipinakalat na Facebook video na nagsabing ipinasara ni dating Transportation secretary Vince Dizon ang mga nangungunang online selling platform sa Pilipinas. Hindi ito totoo. Wala sa konteksto ang pahayag ni Dizon ukol sa mga apps na ito.
Sa Facebook post noong Sept. 4, sinabi ng DOTr na “Hindi ipinasasara ng Department of Transportation ang mga online selling applications na Shopee, Lazada, Facebook Marketplace, Carousell at Tiktok.”
Inilabas ng DOTr ang pahayag para pabulaanan ang kumakalat na video na nagsasabi nito:
“Patay na rider neto
Shopee lazada tiktok Shutdown na”
At may caption na: “Dahil sa mga beepcard na scammer pati shope Lazada tiktok madadamay pa.”

Ang maling video na unang lumabas noong Sept 3, ay ini-reupload ng dalawang Facebook page. Ang isa ay hinihikayat ang mga netizen na “make the most of it and order now” (sulitin ito at umorder na) dahil ang mga online marketplace “will soon be gone” (ay malapit nang mawala).
Sa video ay maririnig si Dizon na sinasabing:
“Susulat kami ngayon, together with the [Philippine National Police] and kami [DOTr]. Susulatan namin ang Lazada, Shopee, TikTok, Facebook, Carousell—lahat ‘to susulatan namin, directing them to shut down these sites. Pinapa-shut down natin ‘to. At ‘pag hindi sila nag-shut down, pati ‘yong mga online selling [apps] na ‘to, papakasuhan ko din. Kasi kinukunsinte nila ‘yong mga ilegal na activities online.”
Nilinaw ng DOTr na ang video ay tungkol sa pagpapasara ng unauthorized online sellers at hoarders ng mga Beep card, na ginagamit na pamasahe sa LRT at MRT.
Ang video ay galing sa press conference ng DOTr noong Aug. 26, kung saan ipinakita ng DOTr at PNP Anti-Cybercrime Group ang inarestong suspek na nagbebenta ng Beep card sa social media sa halagang 200 pesos, sa halip na sa totoong presyong 30 pesos lang.
Hinikayat ng DoTr ang mga pasahero at netizens na maging mapanuri sa mga nababasa nila online at i-report agad ang mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon, na puwedeng managot sa batas.
Ang video ay ipinakalat lagpas isang linggo pagtapos sulatan ng DOTr ang online selling apps na Carousell, Lazada, Meta Philippines, Shopee, at TikTok na hanggang noong Aug. 31 ay dapat tanggalin na ang mga unauthorized seller at ipagbawal ang kahit anong pagbebenta ng mga Beep card.
Ini-upload ni Facebook user Jay-ar Pastrana (ginawa noong Nov. 17, 2014), ang video na ngayo’y na-delete na pero nakakuha ng lagpas 17 million views, 30,000 reactions, at 22,700 comments hanggang noong Sept. 6.
Ang isa namang page na RYE MOTO (ginawa noong Feb. 10, 2024) na nag-reupload ng video ay mayroon namang lagpas 23,175 interactions. Ang iba pang kopya ay ini-reupload din sa TikTok at Instagram.