Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: HINDI sinunog ang bahay ng mga Discaya sa kasagsagan ng mga protesta

WHAT WAS CLAIMED

Kuha sa video ang pagsunog sa bahay ng mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya, na isinagawa ng mga nagpoprotesta laban sa korapsyon noong Sept. 21, 2025.

OUR VERDICT

Mali:

Ang nasa video ay isang council building na sinunog ng mga nagprotesta sa Mataram City, Indonesia noong Agosto 2025, hindi bahay ng mga kontratistang Curlee at Sarah Discaya, gaya ng sinasabi ng ilang post.

By VERA Files

Sep 24, 2025

2-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Sa kasagsagan ng malawakang protesta kontra-korapsyon noong Sept. 21, may mga nag-share ng video ng nasusunog na bahay raw ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya. Hindi ito totoo. Ang ipinakikita sa video ay nasusunog na gusali sa Indonesia.

Ang video na ini-upload ng iba’t ibang Facebook user ay may nakasulat na:

“BAHAY BATO NI DISCAYA? Sinunog na Bahay ni SARAH DISCAYA.”

Isa sa mga post ay may caption na: “Bahay ng Discaya sinunog na.”

Hindi ito totoo. Ang ipinakikita sa video ay council building na sinunog ng mga nagpoprotesta sa Indonesia noong nakaraang buwan. Hindi ito bahay ng mag-asawang Discaya, na iniimbestigahan dahil sa malawakang korapsiyon sa flood control projects na kasama ang DPWH (Department of Public Works and Highways).

Ang nasa video ay isang council building na sinunog ng mga nagprotesta sa Mataram City, Indonesia noong nakaraang buwan, hindi bahay ng mga kontratistang Curlee at Sarah Discaya, gaya ng sinasabi ng ilang post.

Sa reverse image search, nahanap ng VERA Files ang video na ini-upload sa TikTok noong Aug. 30 at may caption na “DPRD Mataram” (Dewan Perwakilan Rakyat Daerah) o Regional House of Representatives ng Indonesia.

Sa patuloy na research, malalamang ang gusali sa video ay ang tatlong palapag na West Nusa Tenggara DPRD sa Mataram City, na sinunog noong Aug. 30. Isa lang ito sa iba pang council buildings ng Indonesia na sinugod at sinunog noong nakaraang buwan dahil sa mga politikal na tensiyon, na tumindi pagtapos masagasaan at mapatay ng pulis ang isang motorista sa isa sa mga protesta.

Ang video ng nasusunog na bahay raw ng mga Discaya ay ipinakalat noong binaha ng mga Pilipino ang Luneta at EDSA sa “Trillion Peso Rally” para singilin ang mga korap na opisyal ng gobyerno.

May mga kaguluhang nangyari sa Mendiola at Recto sa pagitan ng mga pulis at mga nakamaskarang lalaki, pero hindi kasama rito ang pagsunog sa bahay ng mga Discaya.

Apat na Facebook post ng video ay may pinagsamang lagpas 2,800,000 views, 18,000 reactions, 2,500 shares, at 40 comments.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.