May ipinakakalat na Facebook video na ipinagmumukhang naglabas ang PHIVOLCS ng listahan ng mga lugar sa Pilipinas na yayanigin daw ng mga lindol. Peke ito, ayon sa PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Ini-upload noong Oct. 11 ang video na may caption na:
“MAG INGAT PO TAYO SA LINDOL ANO MANG ARAW O ORAS POSIBLE TAYONG TATAMAAN. Ito Ang listahan ng Mga Lugar na tatamaan tingnan: [website link].”
Ipinakikita ng video ang isang newscaster na ibinabalitang inilabas daw ng PHIVOLCS ang listahan. Napaniwala nito ang maraming netizen na totoo ang listahan sa website na naka-link sa caption.

Ipinakikita rin ng video na galing daw ito sa “DSWD Television News and Update,” na hindi totoong TV station. Makikita rin sa video ang logo ng Gemini o ang AI assistant ng Google. Malaking palatandaan ito na gawa-gawa lang ang video, gamit ang AI o artificial intelligence.
Itinanggi ng PHIVOLCS ang video. “DOST-PHIVOLCS did not release any list of specific regions that will supposedly be hit by future earthquakes, as falsely claimed in the circulating AI-generated video,” sabi ni Melissa Tamayo, science research specialist ng PHIVOLCS, noong Oct. 15 sa VERA Files.
(Hindi naglabas ang PHIVOLCS ng kahit anong listahan ng mga lugar na yayanigin daw ng mga lindol, gaya ng maling sinasabi ng ipinakakalat na video na ginamitan ng AI.)
“We understand the public’s heightened concern following the recent earthquakes in Visayas and Mindanao, and we encourage everyone to get information only from official PHIVOLCS channels. Our goal is to inform, not to alarm.”
(Naiintindihan namin ang lumalalang pagkabahala ng mga tao dahil sa nakaraang mga lindol sa Visayas at Mindanao, at ineengganyo namin ang lahat na makibalita lang sa official social media accounts ng PHIVOLCS. Ang layunin namin ay magbigay-alam at hindi manakot.)
Sinabi rin ng research specialist na ang mga pag-aaral ng PHIVOLCS sa mga eksena ng paglindol at pagtingin sa mga panganib ay base sa science, para makapagbigay-gabay sa paghahanda, pagpaplano, at pagbabawas ng mga panganib.
Nagbabala ang official Facebook page ng PHIVOLCS laban sa mga pekeng video. Inilinaw nilang wala pang teknolohiya sa buong mundo ang kayang malaman kung saan at kailan yayanig ang mga lindol.
Ang video ay kumalat pagtapos sabihin ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol sa isang interview noong Oct. 13 na pataas nang pataas ang probabilidad na yayanig ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila habang papalapit nang papalapit ang 2058 o ang ika-400 na taon kung kailan huling niyanig ng malakas na lindol ang Metro Manila. Ipinaliwanag din ng PHIVOLCS director sa parehong interview na, sa kalkulasyon ng mga pag-aaral tungkol sa mga lindol na nangyari na, ang malakas na lindol sa isang lugar ay nangyayari tuwing 400 hanggang 600 na taon.
Ang video ay ini-upload ng pekeng Facebook page na DSWD Television (ginawa noong Sept. 3) at may lagpas 2.2 million views, 32,000 reactions, 7,200 shares at 2,100 comments.