Nang manalasa ang bagyong Carina, kumalat sa Facebook (FB) ang ilang picture na nagpapakita raw ng kasalukuyang baha sa Bacoor, Cavite. Kailangan nito ng konteksto.
May apat na litratong umikot sa FB mula July 24:
- dalawang picture na nagpapakita ng hanggang-tuhod na baha malapit sa SM Bacoor,
- isang nagpapakita ng mga pasaherong nakapayong habang nakapila sa binabahang kalye, at
- isang malabong picture ng isa pang binabahang kalye.
Isa sa mga post ay may caption na: “TINGNAN | lubog pa din sa baha ang ilang parte ng Bacoor kabilang na sa Tirona Highway malapit sa isang Mall.”
Kapag hinanap sa internet ang mga picture ng baha sa Bacoor, madidiskubreng ang dalawa ay mula pa noong 2018.
Pero kahit noon pa ang mga picture, totoong binaha nitong Hulyo ang maraming parte ng Bacoor dahil sa bagyong Carina.
Noong July 24, nagbabala sa publiko ang Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office na ang lugar ng SM Bacoor at kalapit nitong mga kalsada ay binaha at ‘di nadaraanan ng magagaang sasakyan.
Pinalakas ng Bagyong Carina ang Hanging Habagat na nagdala ng mabigat na pag-ulan sa maraming rehiyon sa Luzon nitong nakaraang linggo.
Ang mga picture na inupload ng mga FB page na Cavite TV (ginawa noong July 30, 2020) at Proud Caviteño (Oct. 4, 2017) ay may kabuuang higit 2,800 interactions, 400 comments at 3,300 shares.