Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na ang pagpapa-unlad ng imprastraktura ng bansa ay nananatiling “nasa iskedyul.”
Ito ay nangangailangan ng konteksto. Ang ilang proyekto sa ilalim ng programang “Build Better More” ay naantala at ang mga petsa ng pagkumpleto ay binago dahil sa mga isyung may kinalaman sa right-of-way (ROW) acquisition, land turnover at kakulangan ng pondo.
PAHAYAG
Sinabi ni Marcos:
“As we enter the midterm, our infrastructure development remains sustained, strategic, and on schedule.”
(“Sa pagpasok natin sa midterm, ang ating infrastructure development ay nananatiling tuluy-tuloy, strategic, at nasa iskedyul.”)
Pinagmulan: RTVMalacanang, State of the Nation Address (SONA) 2024, Hulyo 22, 2024, panoorin mula 15:29 hanggang 15:36
Idinagdag ng pangulo na ang bansa ay nasa gitna ng isang “muling pagsilang ng perokaril,” na tinitiyak na ang mga isyu sa ROW ay malulutas upang “hindi makahadlang” sa pagpapaunlad ng imprastraktura.
ANG KATOTOHANAN
Ang mga petsa ng pagkumpleto ng hindi bababa sa anim sa 185 Infrastructure Flagship Projects (IFPs), kabilang ang Samal Island-Davao City (SIDC) Connector Bridge, ang Metro Manila Subway Project at ang Metro Rail Transit Line-7 (MRT-7), ay binago dahil sa mga pagkaantala.
Project | Start Date | Original Date of Completion | New & Revised Date of Completion |
Metro Manila Subway Project | 2018 | 2027 | 2029 (full operations) |
Samal Island-Davao City Connector Project | October 2022 | 2027 | September 2028 |
MRT-7 | April 20, 2016 | 2019 | Q4 2025 |
North South Commuter Railway (Malolos-Tutuban) | July 2, 2019 | Q4 2021 | Q4 2026, Q3 2029 |
North-South Commuter Railway – PNR North 2 (Malolos-Clark) | Sept. 18, 2021 | Q2 2023 | Q4 2024, Q4 2026 |
North-South Commuter Railway – PNR South (Manila-Calamba) | July 3, 2023 | April 2028 | Q1 2028, Q2 2029 |
Sa isang press release noong Hunyo 6, inamin ni Marcos na kailangang amyendahan ang proseso ng ROW, na binanggit na nagdulot ito ng “malaking pagkaantala” sa ilang mga IFP.
Ang ROW ay isang itinalagang bahagi ng isang ari-arian na nakalaan para gamitin sa isang proyekto ng pambansang pamahalaan, ayon sa Republic Act No. 10752.
Iniulat ng VERA Files noong Mayo na walang nakitang anumang pag-usad sa apat na kilometrong SIDC Connector Project mula nang magsimula ito noong Oktubre 2022 dahil sa hindi malutas na mga isyu ng ROW acquisition.
Ang linya ng MRT-7 ay nahaharap sa maraming pagkaantala kung saan ang pagkumpleto ng mga istasyon ng Bulacan ay itinulak sa 2027 dahil sa mga isyu sa ROW. Nagsimula ang pagtatayo nito noong Abril 2016 at unang nakatakdang maging operational nang 2020.
Samantala, may isyu ng land acquisition at huling mga bayad ang 33-kilometrong Metro Manila Subway Project, na orihinal na nakatakdang maging operational noong Hulyo 2027. Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang P488.48-bilyong proyekto ay 15% na kumpleto noong Hulyo 19.
Hiniling ni Marcos sa DOTr na maghanap ng alternatibong pagkukunan ng pondo para sa Tagum-Davao-Digos railway, na natigil matapos tumanggi ang gobyerno na kumuha ng Chinese loan para sa financing nito.
BACKSTORY
Sa 185 IFPs, tatlong proyekto ang natapos, walo ang under construction at anim ang naaprubahan noong Hulyo 2024. Ang indicative na kabuuang halaga ng mga proyektong ito ay nasa P9.14 trilyon.