Walang kapangyarihan ang reelectionist na si Sen. Imee Marcos na ibalik si dating pangulong Rodrigo Duterte mula sa The Hague, taliwas sa sinabi ni Vice President Sara Duterte sa isang Cebu sortie kung saan umapela siya para sa mga boto para sa kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
PAHAYAG
Sa isang campaign rally noong Abril 27 sa Carcar City, Cebu, pinuri ng bise presidente si Imee sa pangunguna sa pagsisiyasat ng Senado noong Marso 11 kaugnay sa pag-aresto at paglipat sa nakatatandang Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands, at sa pagsuporta sa kanilang hinahangad na pagpapabalik sa kanyang ama.
Pagkatapos ay sumigaw ang mga tao ng, “Iuwi mo siya! Iuwi mo siya!,” na sinagot ng bise presidente sa pamamagitan ng pagpresenta sa senador sa entablado, at sinabing:
“Nasa iyo ang boto namin, Senator Imee Marcos, dahil ikaw ang magdadala sa kaniya (Rodrigo Duterte) pauwi galing sa The Hague, pabalik ng Pilipinas.
Pinagmulan: ANC 24/7 Youtube page, ‘She will bring Duterte back home’: VP Sara renews endorsement for Imee Marcos at Cebu sortie | ANC, Abril 27, 2025 (panoorin mula 5:14 hanggang 5:26)
ANG KATOTOHANAN
Dahil ang dating pangulo ay nasa gitna ng isang legal na proseso, partikular ang pre-trial stage, ng ICC, hindi siya basta makalalaya maliban kung aprubahan ng korte ang kanyang pansamantalang paglaya. Walang kapangyarihan ang isang senador na iuwi siya mula sa pagkakakulong.

“Para sa pansamantalang paglaya, kailangan itong iharap sa mga hukom at ang mga hukom ang magpapasya kung posible iyon,” sabi ng tagapagsalita ng ICC na si Fadi El Abdallah sa isang panayam sa NewsWatch Plus noong Marso 25.
Noong Abril, kinumpirma ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na ang isang kahilingan para sa pansamantalang pagpapalaya ay inumpisahan na.
Sa unang pagharap ng dating pangulo sa korte noong Marso 14, itinakda ng mga hukom ang kumpirmasyon ng mga kaso noong Set. 23 para sa mga paratang na mga krimen laban sa sangkatauhan.
Sa puntong ito, maaari lamang makalaya si Duterte kung magpapasya ang mga hukom na walang sapat na ebidensya para magpatuloy sa yugto ng paglilitis at tanggihan ang mga kasunod na apela na naglalayong baligtarin ang desisyon, kung mayroon man — sa madaling salita, kung isasara ng korte ang kaso.
BACKSTORY
Sa isang pahayag noong Marso 17 sa kanyang Facebook page, isinulat ni Sen. Marcos, “Nananawagan ako para sa isang agarang imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, isang isyu na sanhi ng malalim na pagkakahati sa bansa.”
Nang maglaon, pormal niyang inihayag na humiwalay na siya sa senatorial slate ng administrasyon na Alyansa. Noong Abril 14, ginawang opisyal nina Sen. Marcos at VP Duterte ang kanilang alyansa nang ilunsad nila ang political advertisement na ITIM, na nagpapatibay sa pag-endorso ng bise presidente para sa nakatatandang kapatid na babae ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Noong Abril 30, sinabi ng senador na ang pag-aresto sa dating pangulo noong Marso 11 ay “ilegal,” “politically motivated” at naging posible sa pamamagitan ng “pagtutulungan ng grupo” na binalak ng administrasyon ng kanyang kapatid noong Mayo 2024. Itinanggi ito ni Pangulong Marcos.