Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Pahayag ni Kitty na ‘nakakaalis at nakakauwi nang ligtas’ ang mga kabataan noong administrasyong Duterte HINDI TOTOO

WHAT WAS CLAIMED

Sinabi ni Kitty Duterte na sa ilalim ng pagkapangulo ng kanyang ama na si Rodrigo Duterte, ang mga kabataan ay nakakaalis at nakauuwi nang ligtas, na nagpapahiwatig na mas ligtas ang mga lansangan noon.

OUR VERDICT

Mali:

Ipinakikita sa parehong opisyal at hindi opisyal na mga istatistika na libu-libong tao, kabilang ang mga teenager at mga bata, ang napatay sa pagpapatupad ng brutal na giyera laban sa droga ng administrasyong Duterte.

By VERA Files

May 8, 2025

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Veronica “Kitty” Duterte, anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sa isang campaign rally kamakailan na ang mga kabataan ay “nakakaalis at nakakauwi nang ligtas” sa ilalim ng pagkapangulo ng kanyang ama, na nagpapahiwatig na mas ligtas ang mga lansangan noong mga taong iyon. Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Noong Mayo 4, nagsalita ang pinakabatang anak ni Duterte sa Quezon City campaign rally ng mga kandidatong senador na suportado ni Duterte sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Sinabi niya:

“Naaalala niyo po ba noong panahon ni PRRD, nakakaalis at nakakauwi nang ligtas ang mga anak niyo? Ibalik natin ang ganoong pamamahala sa bansa.

Pinagmulan: ANC 24/7, LOOK: Kitty Duterte, Honeylet Avanceña call for ‘DuterTen’ bloc vote at PDP-Laban sortie in QC | ANC, Mayo 5, 2025, panoorin mula 5:06 hanggang 5:21

ANG KATOTOHANAN

Habang sinasabi ng kampo ni Duterte na ang digmaan laban sa droga ng dating pangulo ay nagpababa ng mga krimen at nagpabuti ng kapayapaan at kaayusan sa maraming komunidad, ipinakikita ng parehong opisyal at hindi opisyal na mga istatistika na libu-libong tao, kabilang ang mga teenager at mga bata, ang napatay sa pagpapatupad nito.

Mali ang sinabi ni Kitty Duterte na sa ilalim ng pamamahala ng kanyang ama, nakaaalis at nakauuwi nang ligtas ang mga bata.

Noong 2022, iniulat ng Real Numbers PH ng Philippine Drug Enforcement Agency na 6,252 indibidwal ang namatay sa panahon ng mga anti-drug operation. Gayunpaman, sa pagtatasa ng mga human rights group at ni International Criminal Court Prosecutor Karim Khan, umabot sa humigit-kumulang 12,000 hanggang 30,000 ang mga namatay sa mga operasyon ng pulisya at mga insidente na may kaugnayan sa droga.

Ang isang ulat na inilathala ng World Organization Against Torture (OMCT) at ng Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC) noong 2020 ay nagdokumento rin ng 122 bata na namatay, na may edad 1 hanggang 17 taong gulang, sa pagitan ng Hulyo 2016 at Disyembre 2019.

“Ang bilang na ito ay minimum lamang: dahil ang mga magulang at mga kamag-anak ay madalas na natatakot sa paghihiganti para mag-ulat o tumestigo, malamang na ang aktwal na mga bilang ay mas mataas,” ayon sa ulat.

Ibinatay ng OMCT at CLDRC ang kanilang imbestigasyon sa impormasyon na direktang nakalap kung saan pinatay ang mga bata. Napag-alaman na 38.5% ng mga pagpatay ay ginawa ng mga pulis sa habang may mga operasyon, habang 61.5% ay pinatay sa mga insidente na may kaugnayan sa droga ng hindi kilalang mga indibidwal, na ang ilan ay may “direktang koneksyon sa pulisya.”

Sa pagdedetalye ng anim na kaso, kung saan isang 20-buwang gulang na babae ang pinakabatang biktima, tinukoy ng ulat ang apat na pattern sa mga pangyayari at paraan kung paano pinatay ang mga bata:

  • Bilang mga direktang target (kadalasan ay may katwiran ng umano’y “pagtanggol sa sarili,” o ang sadyang pag-patay sa isang bata na nakasaksi ng isa pang pagpatay)
  • Bilang mga proxy, kapag ang mga tunay na target ay hindi matagpuan
  • Bilang resulta ng maling pagkakakilanlan
  • Bilang tinatawag na “collateral damage” (napatay dahil sa mga ligaw na bala sa panahon ng operasyon ng pulisya).

Nang lumabas ang ulat, isang kaso lamang na kinasasangkutan ng pagpatay sa 17-taong-gulang na estudyante sa Maynila na si Kian delos Santos ang nakasama, na kalaunan ay humantong sa isang conviction noong Nob. 29, 2018.

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.