Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: PEKE ang video ni Trump na hinihikayat ang mga Pinoy na labanan ang mga korap na politiko

WHAT WAS CLAIMED

Hinikayat ni U.S. President Donald Trump ang mga Pilipino na tumindig laban sa mga korap na politiko

OUR VERDICT

Peke:

Ginamit ang AI para gayahin ang boses ni Trump at ipinatong sa video. Ang totoong video ay galing sa Associated Press noong June 22.

By VERA FILES

Jul 28, 2025

2-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

May ipinakakalat na video kung saan si United States President Donald Trump ay hinihikayat ang mga Pilipino na tumindig laban sa mga korap na politiko. Peke ito at inedit gamit ang artificial intelligence (AI).

Ini-upload sa TikTok noong July 15 ang video na ipinagmumukhang kinakausap ni Trump ang mga Pilipino. Sa unang apat na segundo lang ipinakita si Trump at iba’t ibang clips na ang kabuuan ng video, pero naririnig pa rin ang “boses” ni Trump:

“Beautiful people of the Philippines, your country is being robbed by corrupt politicians. They steal your money, betray your trust and sell out your future. But you have the power to stop them. Rise up, demand justice and take back your nation. The world is watching. Be brave, be bold and fight for the Philippines you deserve. God bless you!”

(Mabubuting mamamayang Pilipino, ang Pilipinas ay ninanakawan ng mga korap na politiko. Ninanakaw nila ang pera ninyo, sinisira ang tiwala ninyo at binebenta ang kinabukasan ninyo. Pero may kapangyarihan kayo para pigilan sila. Tumindig, manawagan ng katarungan at bawiin ang bansa ninyo. Nanonood ang mundo. Maging matapang, mapangahas at ipaglaban ang Pilipinas na nararapat sa inyo. Pagpalain kayo ng Diyos!)

Peke ito. Ginamit ang AI para gayahin ang boses ni Trump at ipinatong sa video.

Ang totoong video ay galing sa Associated Press noong June 22, kung kailan kinausap ni Trump ang mga Amerikano pagkatapos atakihin ng mga sundalong Amerikano ang mga nuclear site ng Iran. Walang nabanggit na kahit ano tungkol sa Pilipinas.

Isang palatandaang ginamitan ng AI ang video ay hindi tugma ang pagbukas-sara ng bibig ni Trump sa ginayang boses niya.

Ang pekeng video ay ipinakalat halos isang linggo pagkatapos patawan ng Amerika ng 20% na taripa ang mga produkto ng Pilipinas.

Noong July 22 ay binisita ni Pangulong Bongbong Marcos si Trump sa White House para makipagnegosasyon tungkol sa taripa.

Ang pekeng video ay ipina-fact-check ng isang Facebook netizen sa VERA Files Misinformation Tipline.

Hindi ito ang unang beses na pinasinungalingan ng VERA Files ang video ni Trump na inedit gamit ang AI.

Ang pekeng TikTok video ay may lagpas 865,300 views, 47,600 reactions, 4,850 shares at 3,020 comments. Ang kopyang ini-upload sa Facebook ni “Fearless shell” ay may lagpas 1,600,000 views, 45,000 reactions, 12,000 shares at 1,600 comments.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.