May ipinakakalat na video ni Vice President Sara Duterte kung saan ibinubunyag niya ang “investment” na sikreto raw ng administrasyong Bongbong Marcos. Peke ito.
Ini-upload sa Facebook noong July 11 ang video na ipinagmumukhang balita ng TV Patrol at may pamagat na:
“EXCLUSIVE: SARA DUTERTE’S POST-TRIAL INTERVIEW! SHE TOLD THE TRUTH!” (Interview kay VP Sara pagtapos ng trial: Sinabi niya ang katotohanan!)
At ipinagmumukhang sinabi niya na:
“Today, the Philippine government headed by Ferdinand Romulades (sic) Marcos Jr. is trying to silence me. False accusations are being brought against me only because I decided to tell the truth where the Filipino elite really gets their money from and how they live in luxury at the expense of a system hidden from ordinary people. It’s simple. They earn money on financial investments that no one will tell you about on TV. Anyone can enter this system, you only need P15,000 to start.”
(Ngayon, ang gobyerno ng Pilipinas na pinamumunuan ni Ferdinand Romualdes Marcos Jr ay sinusubukan akong patahimikin. Mga hindi totoong paratang ang ibinibintang sa akin dahil lang nagdesisyon akong sabihin ang katotohanan kung saan talaga kinukuha ng mayayamang Pilipino ang pera nila at paano sila namumuhay nang marangya sa pamamagitan ng sistemang sinisikreto sa mga ordinaryong tao. Simple lang: Kumikita sila sa mga investment na hindi ipinalalabas sa TV. Pero kahit sino ay puwedeng mamuhunan sa investment na ito. Kailangan mo lang ng 15,000 pesos para magsimula.)
Sinabi rin daw ni VP Sara na iaangat ng investment ang mahihirap na Pilipino.

Inedit ang video. Walang ineendorsong kahit anong investment si VP Sara, at wala rin siyang kahit anong interview pagtapos ng trial.
Inedit ang presscon ni VP Sara
Ang video ng press conference ni VP Sara noong June 27 ay inedit para lokohin ang mga netizen.
Sa presscon ay binatikos niya na hinayaan ng administrasyong Bongbong Marcos na arestuhin at imbestigahan ng International Criminal Court si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ang video ay pinatungan ng ginayang boses ni VP Sara at inedit para ang pagbukas-sara ng bibig niya ay makasabay sa pekeng script. (Ganito rin ang ginawa sa pekeng video ni Ramon Ang.)
Kaya mapapansing hindi natural ang pagbukas-sara ng bibig ni VP Sara, at ang boses niya sa totoong video ay mas mababa kaysa sa pekeng video:
Kinumpirma rin ng mga eksperto na ginamitan ng AI ang pekeng video
Nagpatulong ang VERA Files sa Deepfakes Analysis Unit (DAU) para kumpirmahing ginamitan ng artificial intelligence (AI) ang pekeng video.
Una nilang napansin ang pagbukas-sara ng bibig ni VP Sara:
“Her teeth are non-distinguishable as they blend together to form a white bar behind the lips. In some frames, as she opens her mouth, a few teeth to the sides (her cheek area) seem to disappear from view and reappear in subsequent frames.”
(Hindi makita ang mga ngipin niya, na mas mukhang isang puting bar lang. Sa ibang parte ng video, kapag binubuka niya ang bibig niya, may ilang ngipin sa gilid ng pisngi niya na parang nawawala at lumilitaw naman sa iba pang parte.)
Nagpatulong din ang DAU sa ConTrails AI, na napansin din ang mga palatandaan ng pag-eedit ng audio, gaya ng putol-putol na tunog:
“There are audible cuts/punctuations in her purported statements, similar to when disparate [or different] audio fragments are stitched together. This could be a sign of audio tampering.”
(Putol-putol ang mga sinasabi niya. Ganoon kapag may magkaibang audio na pinagdurugtong. Palatandaan iyon ng pag-eedit.)
Walang “post-trial interview” dahil wala pa rin namang trial
Sinabi sa pekeng video na pagtapos ng trial ang interview kay VP Sara. Imposible iyon dahil wala namang naganap na impeachment trial.
Lahat ng mga judge ng Supreme Court ay nagdesisyong ang tatlong impeachment complaint laban kay VP Sara ay labag sa Konstitusyon dahil bawal ang lagpas isang impeachment ng isang opisyal sa isang taon.
Nagsampa ng pang-apat na impeachment complaint ang House of Representatives dahil hindi pa rin tinutuloy ng Senado ang impeachment trial.
Pinipigilan ng desisyon ng Korte ang impeachment trial ng Senado kay VP Sara, at hindi puwedeng magsampa ulit ng impeachment complaint ang House hanggang Feb. 6, 2026. Noong Aug. 4 ay inapela ng House ang desisyon ng Korte.
Ang pekeng video ay ipinakalat noong dinalaw ni VP Sara ang tatay niya sa Netherlands. Si dating pangulong Duterte ay maghihintay hanggang Sept. 23, kung kailan magkakaroon ng “confirmation of charges” hearing kaugnay sa mga libo-libong namatay sa kanyang drug war.
Ang pekeng video ay may dalawang Facebook post na may pinagsamang 285,100 views, 1,910 shares, at 730 comments. Ang kopya nito sa TikTok ay may 287,700 views, 18,500 reactions, 3,970 shares, at 1,300 comments.