May ipinakakalat na video ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na kinokoronahan ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy. Kailangan nito ng konteksto.
Ipinakikita sa video ang isang seremonya ng professional membership organization na Royal Institution (RI) ng Singapore. Hindi ito relihiyosong seremonya na inaakala ng iba.
Noon pang Sept. 1 ay ipinakalat na sa Facebook (FB) ang mga video na kinokoronahan ang self-proclaimed “appointed son of God” na si Quiboloy. Naroon si Arroyo – suot-suot ang isang korona – habang naglalagay ng isa pang korona sa ulo ni Quiboloy.
Ayon sa video na ini-upload noong Sept. 11:
“PATI SI MADAM GLORIA NABALIW RIN TALAGA. APPOINTED SON OF GOD NAKAKULONG NA .”
Kailangan nito ng konteksto. Ang video ay kuha nang bigyan ng RI si Quiboloy ng titulong “Patron” sa isa nitong Special Convocation and Investiture Ceremony and Crowning noong 2019. Si Arroyo, na “patron” din ng RI, ay pumunta bilang witness. Si Quiboloy at Arroyo ay dalawa sa limang “patron” ng RI.
Ang RI ay isang multidisciplinary professional membership and accrediting organization na kumikilala sa mga ambag at tagumpay ng kanilang mga miyembro.
Ginawa ang koronasyon sa KOJC Hall sa Davao, pero hindi ito seremonya ng KOJC, na inakala ng maraming netizen.
RI ang pangkalahatang samahan ng higit 300 Royal Institute sa iba’t ibang larangan at propesyon. Naging korporasyon ang RI sa Pilipinas noong 2003 at nirehistro sa Security and Exchange Commission.
May mas naunang kopya ang video na in-upload ng isang netizen noong Sept. 3, 2019 at in-upload ulit ng One PH paglipas ng dalawang araw.
Suot nina Quiboloy at Arroyo ang korona at violet na kapa ng RI para sa mga “patron”.
Ayon sa kanilang website, ang RI ng Singapore ay nagbibigay ng membership titles, lifetime awards, recognition titles, at appointment order titles.
Sinasabi rin ng website na ang mga kinikilalang “patron” ng RI ay dapat nagtataglay ng katapatan, integridad at pagkamaawain; at natatangi, mabuti at dakilang pamumuno.
Ipinakalat ang video noong tumindi ang paghahanap kay Quiboloy. Inaresto siya noong Sept. 8 at kasalukuyang hinaharap ang patung-patong na kaso ng sexual at child abuse, at human trafficking.
Ang mga kopya ng video na in-upload ng dalawang FB netizen ay may pinagsamang higit 7,000 reactions, 2,400 comments, 2,800 shares at 750,000 views. Ang kopya namang in-upload ng FB page na Pinoy Avenue (nagsimula bilang Bisexual Nation sa FB noong April 6, 2018) ay may higit 18,000 reactions, 5,600 comments, 2,200 shares at 684,000 views.