May YouTube video na nagsasabing tinanggal ang buong budget ng Opisina ng Bise Presidente (OVP) para sa 2025. Hindi ito totoo. Sa kasalukuyan, habang sinisiyasat pa ito, nirekomenda ng Kamara na gawin itong P733.19 milyon, na 60% mas maliit sa hiningi ng OVP na P2.03 bilyon.
Ang video na in-upload noong Sept. 14 ay may pamagat na:
“KAKAPASOK LANG. Pagkatapos i-ZERO BUDGET ang OVP? Sen. Escudero Nagsalita na, GINISA si RISA TAMBA BBM?”
Ang 20-minutong video ay walang kahit anong patunay na sumusuporta sa pamagat nito. Sa halip ay nagpakita lang ito ng mga comment sa social media na binabatikos si Senadora Risa Hontiveros sa pagrerekomendang ilaan sa ibang ahensiya ang ilang line item sa OVP budget.
Ang maling video ay ipinakalat ilang araw matapos magmungkahi ang House Committee on Appropriations na bawasan ang proposed budget ng OVP.
Hindi pa aprubado ang budget ng opisina ni VP Sara. Sa interview sa Teleradyo noong Sept. 13, nilinaw ni Marikina Rep. Stella Quimbo na may pagkakataon pa ang OVP na depensahan ang budget nila sa plenaryo kahit naaprubahan na ng Kamara ang pagbabawas ng budget sa OVP pagkatapos nilang hindi siputin ang pagdinig ng Kamara noong Sept. 10.
Sinasabi rin ng video na sinabi raw ni Senate President Chiz Escudero na tama lang ang hinihinging P2.03 bilyong budget ni VP Sara. Pero hindi totoong sinabi iyon ni Sen. Chiz.
Katunayan, sinabi ni Sen. Chiz sa isang interview noong Sept. 12 na ang Kongreso ang may “power of the purse” o ang may hawak sa pitaka. Pero sinabi niya ring dapat palamigin muna ng Kamara at ng OVP ang mga ulo nila at isantabi ang mga bias habang tinatalakay ang budget.
Patuloy na kumalat ang video nang harapin ni VP Sara ang Kamara noong nakaraang linggo sa isang panel na nag-iimbestiga ng hinihinalang hindi tamang paggamit ng budget ng OVP. Tinanggihan ni VP Sara ang panunumpang magsabi ng totoo at kinatwirang resource person lang siya at hindi witness.
Ang video na in-upload ng YouTube channel na PINAS NEWS HEADLINES (ginawa noong July 24, 2017) ay may higit 219,000 views at 7,000 interactions.