Sa pagdinig ng House appropriations committee sa panukalang P2.03-bilyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025, sinabi ni Vice President Sara Duterte na “[hindi] niya naunawaan kung bakit ang isang taong nahatulan ng child abuse ay nakaupo pa rin sa puwesto sa House.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa pagdinig noong Agosto 27, tinawag ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pansin ni Duterte dahil sa kanyang pagtanggi na magbigay ng direktang sagot sa mga tanong sa notice of disallowance na inisyu ng Commission on Audit sa confidential funds ng OVP noong 2022.
Sumagot si Duterte, isang abogado na Education secretary din hanggang sa siya ay nagbitiw noong Hunyo 19, na sina Castro at Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chair ng appropriations committee, ay “one-sided.” Panoorin ang video na ito:
Pinagmulan: House of Representatives, COMMITTEE ON APPROPRIATIONS – BUDGET BRIEFING/HEARINGS OF THE FY 2025 PROPOSED BUDGET (OVP), Aug. 27, 2024, panoorin mula 2:01:17 hanggang 2:01:36 at mula 2:07:35 hanggang 2:08:08
ANG KATOTOHANAN
Bagamat walang binanggit na pangalan ang bise presidente, tinitingnan niya si Castro nang banggitin niya ang “isang taong nahatulan ng child abuse” sa kanyang tugon. Si Castro ay napatunayang nagkasala ng child abuse, ngunit ang kaso ay may nakabinbin na apela at siya ay hindi tinatanggal sa puwesto.
Sa desisyon noong Hulyo 3, hinatulang guilty ng Tagum Regional Trial Court (RTC) Branch 2 si Castro at 12 iba pa dahil sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610, na kinabibilangan ng “anumang uri ng abuso sa bata, pagpapabaya o eksploytasyon.” Gayunpaman, si Castro, kasama ang 12 iba pang respondents, ay naghain ng notice of appeal sa parehong korte noong Hulyo 22 para iangat ang kanilang kaso sa Court of Appeals.
“Tulad ng alam natin, hindi pa final ang desisyon. Mayroon pa tayong Court of Appeals, mayroon pa tayong Korte Suprema. Hanggang ang kaso ay hindi final, walang final na conviction,” sabi ni Castro sa magkahalong Ingles at Filipino sa panayam noong Hulyo 16 sa Hot Copy ng ABS-CBN.
Ang isang perpektong apela – isinampa at binayaran nang nasa oras – ay sinususpinde ang paghatol o pinal na utos maliban kung iba ang itinakda ng Court of Appeals, ang batas, o ang mga tuntunin ng civil procedure, batay sa Section 8(b) ng Rule 42 ng 2019 Amendments sa 1997 Rules of Civil Procedure.
BACKSTORY
Sa desisyon noong Hulyo 3, hinatulan ng Tagum RTC Branch 2 sa Davao Del Norte si Castro at ang 12 iba pang respondent ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong at inutusan silang magbayad ng P20,000 sa bawat isa sa 14 na biktima.