Hindi totoo ang pahayag ni Albay Rep. Joey Salceda na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay “natutulog sa trabaho” kaya huli sa pag-isyu ng mga advisory tungkol sa bagyong Enteng.
PAHAYAG
Sa isang Facebook post noong Setyembre 1, sinabi ni Salceda:
“Pagasa – sleeping on the job risking lives. How can we realize or be informed that there is a possible TC TD LPA in less than 12 hrs? What happened to PAR (Philippine Area of Responsibility) + 5 rule?”
(“Pagasa – natutulog sa trabaho, naglalagay ng mga buhay sa panganib. Paano natin malalaman na mayroong posibleng TC TD LPA sa loob ng wala pang 12 oras? Anong nangyari sa PAR (Philippine Area of Responsibility) + 5 rule?”)
Pinagmulan: Joey Sarte Salceda Facebook page, Pagasa – sleeping on the job risking lives… (archive), Setyembre 1, 2024
Ang LPA ay tumutukoy sa mga low-pressure area kung saan nagkakaroon ng mga tropical cyclone (TC). Ang mga tropical cyclone, tulad ng mga bagyo at malakas na unos, ay kadalasang nabubuo sa ibabaw ng tropical o subtropical waters at may organized at “matinding cyclonic na circulations.” Ang tropical depression (TD) ay isa sa pinakamababang klasipikasyon nito na may pinakamataas na lakas ng hangin na aabot sa 62 kilometro bawat oras.
Ang PAR+5 rule na tinutukoy ni Salceda ay isang panuntunan na nagpapalawak ng PAR ng humigit-kumulang limang degrees at nagbibigay-daan sa PAGASA na palawakin ang saklaw ng pagsubaybay nito at magbigay ng mga abiso sakaling magkaroon ng tropical cyclone sa labas ng PAR.
ANG KATOTOHANAN
Noon pang Agosto 28, naglabas ang PAGASA ng TC-Threat Potential forecast, na sinusuri ang posibilidad na magkaroon ng tropical cyclone sa loob ng PAR sa susunod na dalawang linggo. Ipinakita nito na posibleng mabubuo ang isang tropical cyclone mula Agosto 28 hanggang Setyembre 3.
Alas-4 ng umaga noong Agosto 29, binalaan ng PAGASA ang publiko tungkol sa cloud cluster sa dakong timog na bahagi ng bansa, na may mataas na tsansa na makapasok sa PAR at maging LPA.
Alas-4 ng hapon kinabukasan, iniulat nito ang pagbuo ng LPA at ang posibilidad na makapasok ito sa PAR sa loob ng 24 na oras at maging bagyo:
“[W]ithin the next 24 hours ay posible ho itong pumasok sa ating PAR at kasalukuyan, dahil nga nasa karagatan ito, hindi natin niru-rule out ‘yung possibility na ito ay maging isang bagyo at posibleng magdulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at sa Southern Luzon area sa mga susunod na araw kaya patuloy po tayong mag-antabay sa update na nilalabas natin.”
(“Sa susunod na 24 oras, posible ho itong pumasok sa ating PAR at kasalukuyan, dahil nga nasa karagatan ito, hindi natin iniaalis ang posibilidad na ito ay maging isang bagyo at posibleng magdulot ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Southern Luzon area sa mga susunod na araw kaya patuloy po tayong mag-antabay sa update na nilalabas natin.”)
Pinagmulan: Dost_pagasa Facebook page, Public Weather Forecast issued at 4PM | August 30, 2024 – Friday, Agosto 30, 2024, panoorin mula 1:38 hanggang 2:00
Makalipas ang hatinggabi noong Agosto 31, inihayag ng PAGASA na pumasok na ang LPA sa PAR at, mula noon, naglabas ng 24-oras na pampublikong taya ng panahon, na nagbabala sa ilang lugar sa “posibleng flash floods o landslides dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.”
Sa loob ng 24 na oras bago pormal na naging tropical depression Enteng ang LPA noong ika-8 ng umaga noong Setyembre 1, inilabas ng state weather bureau ang araw-araw na 4 a.m. at 4 p.m. na pampublikong taya ng panahon, Weather Advisory No. 1, hydrological forecast para sa Pampanga, Cagayan, Agno at Bicol river basin, mga update sa dam, pangkalahatang abiso sa pagbaha, at isang serye ng mga advisory sa pag-ulan at mga babala ng malakas na ulan.
Sa press briefing noong Setyembre 2, iginiit ni PAGASA administrator Nathaniel T. Servando na ipinapatupad ng ahensya ang PAR+5 rules.
“Ang pagkakaiba lang ng bagyong Enteng, ito ay nag-debelop mula low pressure area at ito’y naging isang ganap na bagyo malapit na po sa kalupaan ng Visayas, partikular na sa may silangang bahagi ng Samar Islands,” ipinaliwanag niya.
“Bago pa man naging bagyo ay nakapag-isyu na kami ng weather advisories… dahil sa mga pag-ulan na naranasan sa may dakong silangang bahagi ng Visayas kahit ito pa ay isang low pressure area pa lamang,” idinagdag niya.
Check out these sources
National Oceanic and Atmospheric Administration, Tropical Cyclone Introduction, Accessed Sept. 7, 2024
Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, About Tropical Cyclones, Accessed Sept. 7, 2024
Cauayan City DRRMO/Rescue 922, Tropical Cyclone (TC)-Threat Potential (archive), Aug. 28, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Public Weather Forecast issued at 4AM | August 29 2024 – Thursday, Aug. 29, 2024
Dost_pagasa Facebook page, As of 10:00 PM today, the Low Pressure Area (LPA) 930 km east of Mindanao entered the Philippine Area of Responsibility (PAR), Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, 24-HOUR PUBLIC WEATHER FORECAST, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, WEATHER ADVISORY NO. 01, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Pampanga River Basin Update, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Hydrological Forecast for Cagayan River Basin, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Hydrological Forecast for Agno River Basin, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Hydrological Forecast for Bicol River Basin, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, Dam updates, Aug. 31, 2024
Dost_pagasa Facebook page, General Flood Advisories, Aug. 31, 2024
DOST-PAGASA Weather Report YouTube channel, Press Briefing: Tropical Storm #EntengPH {YAGI} – 9:30 AM Update September 2, 2024 – Monday, Sept. 2, 2024