Hindi bababa sa dalawang Facebook video ang nagsasabing ang mga may national ID o Philippine Identification System card ay makatatanggap ng ayudang 25,000 pesos. Peke ito at ginawa gamit ang artificial intelligence o AI.
Ang isang video na ini-upload noong Feb. 9 ay pinagmumukhang may babaeng nagbabalita at sinasabing:
“May national ID ka na ba? Bibigyan namin kayo ng 25,000 pesos cash assistance mula sa aming management. Magpalista lang sa link na nasa post namin, i-share ang video ng sampung beses, at dapat naka-follow ka sa page namin. Mag-comment ka din kung taga saan ka. Salamat.”
Peke ito pero marami pa ring nag-comment kung nasaan sila. Ang link sa caption ay website na nagbebenta ng power bank.
Ilang beses nang binalaan ng Philippine Statistics Authority ang publiko na hindi sila nagbibigay ng nasabing ayuda.

Sinalang ng VERA Files ang video sa AI-detection tool na Hive Moderation, at lumalabas na 98% ng video ay peke o gawang-AI.
Kahit simpleng Google search ay walang mapagkakatiwalaang balita tungkol sa nasabing ayuda.
Ang “25k ayuda” scam, na pinupuntirya ang mga may national ID, ay kumalat ulit sa kasagsagan ng mga scam ding nagpapanggap na ayuda naman ng DSWD, na kumakalat nito pang nakaraang ilang linggo.
Ang mga video na ini-upload ng page na Malasakit News Update: Balitang Sapat, Serbisyong Totoo (ginawa noong Feb. 2, 2026) ay may pinagsamang lagpas 349,000 views, 10,000 shares, at 1,500 reactions at comments.
