May TikTok video na nagsasabing ang Department of Social Welfare and Development ay namimigay ng P2,000 hanggang P6,000 sa mga estudyante kada Sabado mula June 7 hanggang 28. Hindi ito totoo.
Ini-upload noong June 3, ginamit ng video ang logo ng DSWD at may nakasulat na:
DSWD EDUCATIONAL ASSISTANCE
CASH ASSISTANCE:
COLLEGE – P6,000.00
SENIOR HIGHSCHOOL – P4,000.00
JUNIOR HIGHSCHOOL – P3,000.00
ELEMENTARY – P2,000.00
PAYOUT SCHEDULE
JUNE 7, 2025
JUNE 14, 2025
JUNE 21, 2025
JUNE 28, 2025
NO WALK IN / ONLINE REGISTRATION ONLY!
(Sa TikTok Profile Namin Ang Registration Form)
Ginamit din ng video ang balita ng GMA tungkol sa ayuda ng DSWD noon pang 2022.

Noong June 5 ay nilinaw ng DSWD na hindi na sila direktang namimigay ng ayuda sa mga estudyante:
“Sa halip, ipinatutupad ng Kagawaran ang reformatted educational assistance sa pamamagitan ng Tara, Basa! Tutoring Program, isang Cash-for-Work (CFW) intervention kung saan ang mga benepisyaryo ay tumatanggap ng financial assistance kapalit ng pagtuturo bilang tutors sa mga elementary students na hirap o hindi pa marunong magbasa,” paliwanag ng ahensya.
Sa ilalim ng Tara, Basa!, ang mga nagtuturo, na karamiha’y nasa kolehiyo, ay tatanggap ng P500 araw-araw sa loob ng tatlong linggo.
Ang pekeng video ay kumalat dalawang linggo bago ang pasukan sa June 16.
Pekeng account na DSWD NEWS UPDATE (111,300 followers) ang nag-upload ng video na may 4.3 million views, 110,500 reactions, 2,585 comments, at 22,900 shares.
Noong nakaraang taon ay pinasinungalingan din ng VERA Files ang kagayang TikTok video na nagtuturo naman kung paano makakuha ang mga estudyante ng P5,000 hanggang P10,000 sa DSWD. Hindi rin ito totoo at ginamit lang para kunin ang personal na impormasyon ng mga nag-register.