(Editor’s Note: Unang nilathala ang fact check na ito sa Ingles noong Mayo.)
Isang Facebook page na nagpapanggap na Department of Social Welfare and Development ang nagpo-post na namimigay raw ang DSWD ng limang libong pisong ayuda sa mga nag-register ng SIM. Peke ito.
Ang DSWD ay hindi namimigay ng ayuda sa mga nag-register ng SIM, at hindi inaatasan ng Sim Registration Act ang DSWD na mag-ayuda.
Noong May 4, ang pekeng Facebook page ng DSWD ay dalawang beses nag-post nang may parehong caption na:
“ATTENTION. Tinatawagan ang lahat ng mga naka REGISTER na ng SIM CARD, kunin nyo na ang 5k Ayuda MAG FILL UP SA LINK PARA MAIPADALA NA.”
Nasa caption din ang link sa website na libreng-ayuda-2022.blogspot.com. Ang blog ay tungkol sa pagre-register ng SIM at mga requirement para sa Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4PS. May mga patalastas din sa blogsite.
Mayroong picture na may logo ng DSWD ang mga post ng impostor ng departamento. Sinasabihan ng mga FB post ang mga netizen na mag-message sa page para makakuha ng ayuda.
Sa baba ng picture ay may QR codes daw ng official sim registration links, pero ang QR codes ay sa isa pang blog ng libreng-ayuda-2022.blogspot.com. Inedit ang QR codes mula sa infographic ng GCash noong 2022. Ang mga link na nasa blog ay lalo pang nililigaw ang mga netizen sa mga e-commerce websites at kaduda-dudang gaming at trading website.
Ang nagpo-post ng pekeng impormasyon ay ang “DSWD 4ps Update” (ginawa noong on July 27, 2022), na nagpakalat din kamakailan ng pekeng announcement ng DSWD, na pinasinungalingan din ng VERA Files.
(Basahin: Faux ‘DSWD’ page fools netizens with FAKE scholarship announcement)
Noong March 23, nagbabala ulit ang DSWD laban sa mga post tungkol sa “ayuda” na wala sa official social media accounts at website nila.
Pinasinungalingan din ng ABS-CBN at VERA Files noong 2022 at simula ng 2023 ang mga kagayang post na nangangako ng ayuda sa mga nag-register ng SIM.
Kumalat ulit ang mga post na may pekeng impormasyon isang linggo pagtapos i-announce ng Department of Information and Communications Technology ang pag-e-extend ng deadline ng pagre-register ng SIM hanggang July 25.
Ang mga post ng pekeng Facebook page ng DSWD ay nagka-2,361 interactions, áyon sa social media monitoring tool na CrowdTangle. Ilang Facebook group pa ang nag-share ng mga post.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)