Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kanyang administrasyon ay naglalagay ng “patuloy na tulong” para sa proteksyong panlipunan at kabuhayan “sa tuktok” ng listahan ng prayoridad nito. Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa isang seremonya ng pamamahagi ng tulong sa Palo, Leyte noong Nob. 8, sinabi ni Marcos na inutusan niya ang mga miyembro ng Gabinete na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino “hanggang sa makatayo sila sa sarili nilang mga paa.”
Bagamat binanggit na ang ekonomiya ng Pilipinas ay “umiigi,” sinabi ng pangulo na kailangan pang tugunan ng gobyerno ang tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo. Idinagdag niya:
“That is what we are putting … at the top of our priority list is the continuing assistance … at ang (and the) assistance ay hindi lamang ‘yung ayuda, pati na para sa (is not only in terms of cash, but also for) livelihood, pati na mga para sa mga (including) MSMEs [micro, small, and medium enterprises] na ating tinatawag.
“Iyan ang aming inilalagay… sa tuktok ng aming listahan ng priyoridad ang patuloy na pagtulong… at ang tulong ay hindi lamang ‘yung ayuda, pati na para sa pangkabuhayan, pati na mga para sa mga MSMEs [micro, small, and medium enterprises] na ating tinatawag.
‘Yung ating mga sari-sari store, ‘yung mga nagbebenta ng sigarilyo, ‘yung mga nag-aayos ng sasakyan … ‘yung mga maliliit na negosyong ganyan ay para makatayo ulit pagkatapos nitong pandemya. Dahan-dahang lumalabas ang pandemya para makatayo ulit, nandito rin ang gobyerno para tulungan kayo.”
Pinagmulan: RTVMalacañang, Distribution of Various Government Assistance in Leyte (Speech), Nob. 8, 2022, panoorin mula 2:44 hanggang 3:33
ANG KATOTOHANAN
Bagama’t inilagay ng administrasyong Marcos ang “social protection” bilang isa sa mga prayoridad ng budget para sa “human capital development,” sinabi ni Sonny Africa, executive director ng nonprofit na IBON Foundation, na ang kabuuang alokasyon para sa mga programang ito sa 2023 ay mas mababa ng P33.28 bilyon kaysa sa P262.67 bilyon para sa 2022.
Batay sa 2023 National Expenditure Program (NEP) at 2022 General Appropriations Act (GAA), ang mga programang tinapyasan ng budget sa susunod na taon ay: Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances, Supplementary Feeding, Sustainable Livelihood, Disaster response and management, Social welfare for distressed overseas Filipinos and trafficked persons sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE); at Social Protection and Welfare for OFWs Program sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng DOLE.
Tingnan ang datos sa infographic na ito:
Ang IBON Foundation ay isang nonprofit development organization na “naglalayong isulong ang pag-unawa sa socioeconomics na nagsisilbi sa mga interes at adhikain ng sambayanang Pilipino.”
Sa isang pagdinig ng komite ng Kamara sa 2023 budget noong Ago. 26, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pinapaboran niya ang pagpopondo sa mga kasalukuyang programa sa proteksyong panlipunan kaysa sa mga nauugnay sa COVID-19 pandemic, tulad ng Bayanihan I at II.
Sinabi niya na ang pagbibigay ng tulong ng mga programang ito ay magiging isang “pag-aaksaya ng pampublikong pondo” dahil sa “limitadong fiscal space.” Sinabi niya na ang bansa ay “ganap na nakabawi” mula sa krisis sa kalusugan.
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos kinokontra si Diokno sa pagbibigay ng ‘ayuda’ sa gitna ng COVID-19 crisis)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang, Distribution of Various Government Assistance in Leyte (Speech), Nov. 8, 2022
Sonny Africa, Personal communication (email), Nov. 9, 2022
Department of Budget and Management, 2023 Budget Priorities Framework (Expenditure Priorities)
Department of Budget and Management, General Appropriations Act FY 2022
Department of Budget and Management, National Expenditure Program (Volume 1)
Department of Budget and Management, National Expenditure Program (Volume 2)
Department of Budget and Management, National Expenditure Program (Volume 3)
House of Representatives, FY 2023 Budget Briefings (Committee) DBCC: DBM, NEDA, DOF, BSP ( Part 2 ), Aug. 26, 2022
Department of Finance, Diokno favors financing existing social protection programs over another round of COVID-19 cash subsidies, Aug. 30, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)