May YouTube video na nagsasabing umalis ang mga namumuhunan sa Pilipinas dahil nag-resign si Vice President Sara Duterte sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos. Walang basehan ito.
Walang opisyal o pinagkakatiwalaang sources ang nagsasabing may agarang epekto sa kompiyansa ng mga namumuhunan ang pagre-resign ni VP Sara bilang secretary ng Department of Education at vice chair ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ini-upload noong June 20, isang araw pagtapos mag-resign ni VP Sara, ang video ay may pamagat na:
“Matapos MAG-RESIGN sa DEPED ni VP SARA| Ilang INVESTORS UMATRAS NA!?| PBBM, INILAGLAG sa ERE?!”
Ang thumbnail ay may nakasulat na: ILANG INVESTORS NA SUPPORTER NI VP SARA AATRAS NA NG PLEDGE SA GOBYERNO | ILANG MGA PROYEKTO METETENGGA?
Walang patunay ang ang mga ito. Walang ahensiya ng gobyerno o grupo ng mga negosyo ang nagsasabing umatras na ang ilang dayuhang namumuhunan sa Pilipinas dahil nag-resign si VP Sara.
Ang thumbnail ay may picture din ng headline na: “Foreign investor commitments down sharply” (Mga pangako ng mga dayuhang namumuhunan, tahasang bumaba). Ang picture ay balita ng Inquirer noon pang May 17, isang buwan na bago pa nag-resign si VP Sara.
Sinasabi ng video na, ayon daw sa mga balita, bilyong-bilyong pisong puhunan at ayuda ng mga international foundation ay hindi na raw ibibigay sa Pilipinas dahil nag-resign si VP Sara. Walang ganitong mga balita sa kahit anong media outlet.
Pinakikita rin ng video ang resignation speech ni VP Sara at mga opinyon ng mga vlogger na nagsasabing dapat lang na nag-resign na si VP Sara sa gabinete ni PBBM.
Ini-upload ng YouTube channel na Showbiz Fanaticz, ang video na walang basehan ay may higit 92,700 interactions. Maraming Facebook netizen ang nag-repost din ng link.