Sinalungat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa pagbabalik sa lumang academic calendar para sa elementarya at high school.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Abril 10, sinuportahan ni Marcos ang panawagan para sa Department of Education (DepEd) na pabilisin ang hakbang na ibalik ang kalendaryo ng paaralan sa Hunyo hanggang Marso upang maiwasan na manatili ang mga mag-aaral at guro sa mga silid-aralan na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan sa panahon ng pinakamainit na mga buwan ng taon. Sinabi niya:
“Hangga’t maaari gusto natin maibalik sa dati dahil I think medyo may consensus na talaga na mas maganda ‘yung dating schedule. Kaya’t hindi naman sinasabi na hindi natin gagawin before next year or the year after that… Hanggang may paraan ay gagawin natin ng paraan para mapaaga at mapabilis ang pagbalik sa normal na schedule ng mga bata.”
(“Hangga’t maaari gusto natin maibalik sa dati dahil tingin ko medyo may consensus na talaga na mas maganda ‘yung dating schedule. Kaya’t hindi naman sinasabi na hindi natin gagawin bago ang susunod na taon o pagkatapos ng taon na yun… Hanggang may paraan ay gagawin natin ng paraan para mapaaga at mapabilis ang pagbalik sa normal na schedule ng mga bata.”)
Pinagmulan: INQUIRER.net, Marcos says gov’t to find ways to revert to old school calendar, Abril 10, 2024, panoorin mula 0:42 hanggang 1:16
ANG KATOTOHANAN
Sa isang panayam sa mga mamamahayag noong Abril 8, sinabi ni Duterte na hindi maaaring agad na lumipat ang DepEd sa lumang kalendaryo ng paaralan dahil “hindi nila maaaring ikompromiso” ang kalusugan ng mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pag-alis ng kanilang panahon ng pahinga.
“Hindi natin pwedeng idire-diretso ang mga klase dahil kailangan ng pahinga hindi lang ng teacher kundi ng mga mag-aaral,” paliwanag niya.
Noong Pebrero ngayong taon, inihayag ng DepEd sa pamamagitan ng Department Order No. 003 s. ng 2024 ang unti-unting pagbabalik sa loob ng dalawang taong yugto sa nakaraang akademikong kalendaryo kung saan ang mga klase ay tumatakbo mula Hunyo hanggang Marso at ang pahinga sa paaralan ay mula Abril hanggang Mayo.
Sa naturang utos, ang kasalukuyang school year ay isinaayos upang magtapos sa Mayo 31 habang ang SY 2024-2025 ay magsisimula sa Hulyo 29, at magtatapos sa Mayo 16, 2025. Binago din nito ang iskedyul para sa mga susunod na kalendaryong pang-akademiko sa SY 2026-2027 na magsisimula ng Hunyo at magtatapos ng Marso sa susunod na taon.
Sa isang pahayag noong Abril 9, iminungkahi ng Teacher’s Dignity Coalition ang isang paraan upang mapabilis ang pagbabalik sa lumang kalendaryo sa pamamagitan ng pagpapaikli ng mga araw ng pasukan para sa SY 2024-2025, na maituturing na isang “transition period.”
“Dapat itong matapos sa Abril 11, 2025, mas maaga kaysa sa plano ng DepEd na Mayo 16, 2025. Kaya, tinitiyak na dalawang linggo lamang ng Abril ang magagamit sa mga klase, iniiwasan ang buong buwan ng Mayo. Sa aming mga kalkulasyon, ito ay magiging humigit-kumulang 170 araw, hindi malayo sa 179 araw ng taong ito (SY 2023–2024),” sinabi sa pahayag.
Gayunpaman, nanindigan ang DepEd at ipinagtanggol ang timeline na itinakda nito habang sinasabing hihingi ito ng paglilinaw sa Pangulo hinggil sa kanyang pinakahuling pahayag.
Ipinaliwanag ng DepEd na ang nakatakdang paglilipat ay produkto ng “malawak na konsultasyon” sa mga stakeholder at ang pagbabawas ng timeline ay magkakaroon ng “malaking epekto” sa mga resulta ng pagkatuto at kapakanan ng mga mag-aaral.
Inulit din nito na sa panahon ng sobrang init ng panahon, pinapayagan na ang mga paaralan na lumipat sa alternatibong paraan ng paghahatid ng pag-aaral na nasa pagpapasya ng mga pinuno ng paaralan. Ito ay isang “mas agaran at epektibong tugon sa mga kondisyon ng init sa halip na mga pabigla-biglang pagbabago na higit na makakokompromiso sa learning recovery,” sinabi ng departamento.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Duterte explains why return to old school calendar cannot be rushed
- ANC 24/7, VP Duterte: Return to old school calendar can’t be rushed | ANC, April 9, 2024
- Manila Bulletin, ‘Kailangan ng pahinga’: Duterte explains why DepEd cannot revert to June-March school calendar early, April 8, 2024
- Inquirer.net, DepEd: Return to old school calendar can’t be rushed, April 8, 2024
- Philstar.com, Reverting to old school calendar can’t be rushed – DepEd, April 9, 2024
Department of Education, Department Order No. 003 s. of 2024, Feb. 19, 2024
Teachers’ Dignity Coalition (TDC), TDC SAYS SWIFT RETURN TO JUNE-MARCH CALENDAR POSSIBLE WITHOUT COMPROMISING VACATION, April 9, 2024
Department of Education, OFFICIAL STATEMENT On speeding up the calendar shift, April 10, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)