Nakatakdang humarap ang House prosecution panel para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado sa Hunyo 11, ang huling araw ng sesyon ng 19th Congress, para basahin ang pitong kaso sa Articles of Impeachment.
Matapos basahin ng prosekusyon ang mga sakdal, maaaring magpulong na agad ang Senado bilang impeachment court para sa pormal na paglilitis.
Si Duterte ang ikalimang opisyal ng gobyerno at ang kauna-unahang bise presidente na na-impeach sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay matapos iendorso ng 215 miyembro ng House of Representatives ang impeachment complaint laban sa kanya noong Peb. 5. May dagdag na 25 congressmen ang nagpatotoo ng reklamo para sa kabuuang 240 signatories, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco noong Peb. 7.
Sa reklamo, inakusahan si Duterte ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption at iba pang high crimes kaugnay ng mga sumusunod:
- Pagsasabwatan para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez;
- Paglulustay ng P612.5 milyon sa confidential funds na may kaduda-dudang liquidation documents;
- Panunuhol at katiwalian sa Department of Education sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera kay dating DepEd undersecretary Gloria Jumamil-Mercado, pinuno ng procurement office; miyembro ng Bids and Awards Committee na si Resty Osias; Chief Accountant Rhunna Catalan; at, Special Disbursing Officer Edward Fajarda;
- Hindi maipaliwanag na kayamanan at hindi pagsisiwalat ng mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, kung saan ang kanyang kayamanan ay nagkaroon ng apat na dobleng pagtaas mula 2007 hanggang 2017;
- Pagkakasangkot sa extrajudicial killings sa pamamagitan ng Davao Death Squad sa Davao City;
- Destabilisasyon, insureksyon at mga pagsisikap na maghasik ng kaguluhan sa publiko, kabilang ang pag-boycott sa ikatlong state of the nation address (SONA) ng pangulo habang idineklara ang kanyang sarili na “designated survivor,” pangunguna sa mga rally na nananawagan sa pagbibitiw ng pangulo, paghadlang sa mga imbestigasyon ng kongreso sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga nasasakupan na huwag sumunod sa mga subpoena, pagbabanta sa buhay ng first couple at ni Romualdez; at,
- Ang kabuuan ng pag-uugali ng bise presidente bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Habang hinihintay ng bansa ang pagresolba ng isyu kung maaaring magpatuloy o hindi ang paglilitis sa bise presidente sa 20th Congress matapos itong magtipun-tipon sa Hulyo, balikan natin ang kasaysayan at pagkakasunud-sunod ng mga kaso ng impeachment sa bansa: