Ang nag-aapoy na kontrobersya sa muling pagpapaunlad ng century-old na pampublikong pamilihan ng Baguio City ay nagiging malaking isyu sa eleksyon sa Mayo at maaaring maging dahilan ng pagkatalo ni Mayor Benjamin Magalong sa puwesto na hawak niya sa nakalipas na anim na taon.
Ang proyekto ay bahagi ng 10-point agenda ng alkalde nang una siyang tumakbo sa posisyon noong 2019 matapos magretiro bilang deputy director general ng pambansang pulisya. Makalipas ang isang taon at pagkatapos ng ilang pampublikong konsultasyon, inaprubahan ng konseho ng lungsod ang master development plan para sa malaking gawaing ito na binalangkas ng isang technical working group.
Nang sumunod na dumating sa eksena ang mga malalaking mall developer, nagpahayag ang mga taga-Baguio ng kanilang mga alalahanin. At ngayong umangkas na sa kontrobersya ang mga kalaban ni Magalong sa eleksyon, ang inaasahan ng alkalde na kanyang pamana ay nasa panganib — kasama ang kanyang hinaharap sa pulitika.

Public market bilang isyu sa halalan
Noong Peb. 11, 2020, inanunsyo ni Magalong na ang market modernization project ay nakaakit sa mga malalaking kumpanya tulad ng Robinsons Land Corporation (RLC) at SM Prime Holdings Incorporated (SMPHI) at na ang lungsod ay magtataguyod ng public-private partnership (PPP) joint venture.
Nagbigay ang RLC at SMPHI ng mga unsolicited na panukala sa lokal na pamahalaan, na agad na nakakuha ng atensyon ng mga grupo ng civil society, mga tindero sa palengke, at mga residente na tutol sa “privatization” ng palengke. Sinabi ng mga netizen na “ibinenta ni Magalong ang Baguio sa mga korporasyon” sa kanyang pagnanais na mapaunlad ang palengke bilang isa sa pinakamahusay sa Asia at hindi lamang sa bansa.
Gayunpaman, sa kalaunan ay pumayag ang konseho ng lungsod na ituloy ang isang lease agreement kung saan ang pribadong sektor ay tutustusan at magtatayo ng isang mall na may katabing bagong palengke na walang gastos ang lokal na pamahalaan. Habang ang mall ay pinatatakbo ng pribadong kumpanya, ang pamilihan ay patatakbuhin ng city hall na magmamay-ari ng pasilidad pagkatapos ng lease period.
Tinanggap ni Magalong ang panukala ng SMPHI na P5.4 bilyon para sa proyektong itatayo sa loob ng apat at kalahating taon na may 50-taong leasehold. Sa pag-apruba ng kasunduan sa pamamagitan ng Memorandum No. 433, binanggit ng alkalde ang pagkakumpleto ng alok ng SMPHI, at sinabing makikinabang dito ang Baguio dahil kasama sa plano ang water treatment at mga solid waste management facility.
Sinabi rin ni Magalong na nagawa niyang bawasan ang lote para sa mall mula sa panukalang 70% hanggang 30%, at palakihin ang espasyo para sa pamilihan mula sa orihinal na 30% hanggang 70%. Ang unang alok ay isang pitong palapag na istraktura na may pampublikong pamilihan sa unang dalawang palapag.

Sa parehong memorandum, tinanggihan ni Magalong ang alok ng RLC na magtayo ng isang market building at mixed-use complex kahit na ito ay inirekomenda ng selection committee ng Public Private Partnership for the People.
Isinusulong ni Magalong, na naghahangad ng ikatlo at huling termino, ang PPP dahil ang lungsod ay kulang sa pondong kailangan para sa proyekto batay sa comparative analysis ng Baguio budget office. Batay sa pag-aaral na iyon sa iba’t ibang paraan upang tustusan ang modernisasyon ng palengke, ang equity at debt financing modalities ay hindi kakayaning pondohan nang matagalan.
Nabigyang-katwiran din ng alkalde ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng paggigiit na ang pag-modernize sa pampublikong pamilihan ng Baguio ay magwawakas sa mga katiwalian na laganap doon alinsunod sa kanyang krusada na “magandang pamamahala.”
Kamakailan, natuklasan ang malakihang pandaraya na kinasasangkutan ng mga kolektor ng palengke na pamemeke ng mga opisyal na resibo ng arrival fee o “kwartais,” na nagresulta sa P50 milyon ng nawalang kita para sa lungsod. Sa ilalim ng kaayusang ito, ang entrance fee na binabayaran ng mga nagtitinda upang madala ang kanilang mga paninda para sa pagbebenta sa palengke ay mali at ibinababa sa mga resibong ibinibigay ng mga kolektor at kanilang mga kaalyado na nagbubulsa ng diperensya.
Tumatakbo sa ilalim ng Good Governance Alliance, ang 64-taong-gulang na mayor ay nagtataguyod para sa isang lungsod na “nakikinig at namamahala nang tapat.” Ang kanyang plataporma ay nangangako ng isang sustainable na ekonomiya para sa Baguio, mga trabaho at pagkakataon para sa lahat, at patas na pagmamay-ari ng lupa.
Ang karibal ni Magalong para sa pinakamataas na puwesto ng lungsod, si incumbent Baguio Rep. Marquez Go, ay sumusuporta sa rehabilitasyon ng palengke ngunit hindi sa pag-debelop nito bilang isang mall. Nais ng standard-bearer ng Team MakaBaguio ang “isang modernong pamilihan para sa mga tao, kung saan nakikilahok ang mga nagtitinda sa pamilihan sa bawat hakbang ng proseso.”
Sinabi ng team leader ni Go na si Imelda Sedano na naniniwala ang kongresista na ang lungsod mismo ang dapat bumuo ng sikat na Baguio market.
“Hindi natin kailangan ng mall sa palengke. Ang kailangan natin ay pagbutihin ito. Siguro hindi para, ayun nga, sabi natin hindi para na mall-ify. Kung hindi para gawin itong komunidad, isang siyudad, isang Baguio no ‘yung kung ano ‘yung Baguio na alam natin na palengke, kung saan pupunta ang tao at mamimili. Hindi ‘yung mall,” sinabi niya, nagsasalita para kay Go.

Sa kanyang mga pampublikong pahayag, muling iginiit ni Go na gusto niya ang isang pamilihan para sa mga tao, hindi para sa tubo, at kinukuwestiyon ang mabilis na pag-iisyu ng lungsod ng mga building permit para sa mga komersyal na establisimyento at matataas na mga gusali.
Iginiit ni Sedano na kayang bayaran ng lokal na pamahalaan ang gastos sa pagpapatayo ng modernong pamilihan dahil marami itong pinagkukunan ng pondo. Sinabi niya na alam ni Go kung paano pangasiwaan ang pagpapa-unlad ng palengke pagkatapos ng tatlong termino sa Kongreso. Sinabi niya na ang mga taga-Baguio ay nangangailangan ng isang tao na gumagawa ng kanyang sinabi, na itinuturo na nais lamang ni Go na tumulong sa lungsod, nagsumikap sa paglipas ng mga taon at nakakuha ng respeto ng mga residente.
Na may pondo ang pamahalaang lungsod para muling pag-debelop ng palengke ang posisyon din ng mga tindero at may-ari ng stall sa palengke.
“Kaya, sa amin, kung papalarin si Cong. Mark, tingin ko ang posisyon niya sa lahat ng ito ay gawin ang lungsod mas para sa tao. Kaya nga ‘yung team is team Maka-Baguio tayo,” idiniin niya.
Tutol din ang kasalukuyang councilor na si Benny Bomogao, isa pang kandidato pagka-mayor, sa partnership sa isang korporasyon. Sinasabing “laking palengke” kung saan siya ay isang “comboy” (transporter ng gulay) sa black market at naghatid ng mga dyaryo sa ilang may-ari ng stall, sinabi ni Bomogao na ang palengke ay dapat na idebelop ng gobyerno na may partisipasyon ng mga nagtitinda. Dapat ito ay “pro-Baguio at pro-taga-Baguio,” aniya.


Naniniwala si Bomogao na kapag naging “privatized” na ang pamilihan, maaaring mawala sa mga tao ang kanilang historical at cultural na koneksyon sa lugar. “Hindi ito simpleng gusali, ito ay puso ng lungsod,” aniya. Iginiit niya na dapat ay gawing moderno ang pamilihan ngunit kailangang nasa kamay ng komunidad.
Habang umiinit ang labanan ng tatlong nangunguna sa anim na kandidato sa pagka-mayor, ang kontrobersya sa hinaharap ng Baguio market ay nakakuha ng makabuluhang interes ng publiko at naging sentro ng usapin.
Sa kanyang caucus sa pampublikong palengke noong April 10, sinabi ni Magalong na ang mga tiwaling opisyal ay umupa ng mga tao para ilarawan siya bilang corrupt, na binanggit ang isang taxi scheme na nagsimula noong nakaraang taon. Binabayaran aniya ng mga tiwaling opisyal ang mga taxi driver na ito araw-araw para magsimula ng pakikipag-usap sa kanilang mga pasahero at sabihin sa kanila na si Magalong ay nagmamay-ari ng malalaking negosyo sa lungsod tulad ng Parkway Residences and Medical Center at GoodTaste Restaurant.
“Hindi kailanman, hindi kailanman sa lungsod ng Baguio nangyari na ganyan kadumi ang eleksyon po natin na gagamit ng kasinungalingan para manira,” paghihimutok ng mayor, at binanggit ang pagwasak sa Baguio, na isang “character city.” Ang tinutukoy niya ay ang 2023 Character City Ordinance na naglalayong itanim ang positibong values sa komunidad at hikayatin ang mga pampublikong opisyal na manguna sa isang character-based na diskarte na nagha-highlight sa katotohanan bilang isang human value.

Ang partido ni Magalong ay gumagamit ng social media para sa kanilang kampanya at patuloy na nagsasagawa ng mga caucus sa iba’t ibang barangay. Ang mga tagasuporta ay mayroon ding sariling Facebook group na “Good Governance: Get Involved! (Baguio).”
Nakikipag-ugnayan din si Go sa mga barangay para ipakita ang kanyang plataporma at humingi ng suporta. Sa social media, tinuligsa niya ang mga paratang na pagsusugal laban sa kanya at sinabing ang mga ari-arian ng kanyang pamilya ay resulta ng “40 taon ng pagsusumikap, dugo, at pawis.”
Si Bomogao, sa kabilang banda, ay bumalik sa pagkakampanya at ipinagpatuloy ang kanyang mga pagbisita sa barangay matapos ihinto ang kanyang kampanya dahil sa pagkamatay ng kanyang ama. Tumatakbo sa ilalim ng Timpuyog Ti Baguio, mayroon din siyang malakas na online presence, gamit ang kanyang Facebook page para isulong ang isang pamumuno na ginagabayan ng kanyang mantra: God-fearing Governance, Accountability, Transparency, Trustworthiness, Sincerity at Service Above Self.
Ang iconic Baguio public market
Matatagpuan sa ibabang dulo ng Session Road sa kahabaan ng Magsaysay Avenue, ang Baguio public market ay naging simbolo ng kultura ng lungsod sa loob ng ilang mga dekada. Orihinal na itinayo noong 1917, ang “lumang palengkeng bato” ay kung saan dinadala ng mga katutubo ng Benguet at Mountain Province ang kanilang mga pananim at kalakal para ikalakal. Nakaligtas ito sa mga pambobomba noong World War II, ngunit maraming insidente ng sunog ang unti-unting pinaliit ang lumang palengke na alam ng mga tao.
Sinabi ng archivist na si Erlyn Ruth Alcantara na ang pampublikong pamilihan ngayon, na may kabuuang sukat na humigit-kumulang 3.25 ektarya, ay gawa sa “anim na postwar na istruktura na natapos sa parehong batong Baguio na ginamit sa mga naunang gusali ng pamilihan.”
Naglalaman ito ng humigit-kumulang 4,000 tindero, na ang ilan sa kanila ay pinaniniwalaang sangkot sa mga ipinagbabawal na aktibidad tulad ng subleasing, ayon kay Public Order and Safety Division Chief Daryll Longid.







“Batay sa aming imbestigasyon, 50% ng mga stall dito sa pampublikng palenket ay ganoon ‘yung sitwasyon. Problematic,” pag-amin niya, at dinagdag na ang tanging lehitimong may-are ng mga stall at tindero ay ililipat sa relocation site oras na maumpisahan ang ginagawang bagong palengke.
Dahil sa malamig na panahon at magagandang tanawin, ang Baguio ay patuloy na nagiging tourist attraction, na nagdala ng 1.56 million bisita noong nakaraang taon. Ang iconic na pamilihan ay isang regular na pinagmumulan ng mga pasalubong, mula sa iba’t ibang 6-for-100 na meryenda, halaman at bulaklak hanggang sa mga walis na gawa sa tiger grass. Patuloy itong umunlad bilang isang economic driver para sa lungsod, kung saan mabibili ang mga strawberry, gulay, local crafts, at souvenirs.
Malaki ang ginagampanan ng Baguio sa buhay pang-ekonomiya ng Cordilleras, na nag-aambag ng 46.8% ng gross domestic product ng rehiyon na P361.08 bilyon noong 2023.
Status ng proyekto
Sa caucus noong Abril 10, sinabi ni Magalong na ang panukalang merkado ng SMPHI ay ipadadala sa City Development Council (CDC) para sa pag-apruba at pagkatapos ay sa konseho ng lungsod, na muling magsasagawa ng ilang pampublikong konsultasyon.
Nakakuha na ang SMPHI ng certificate of successful negotiation noong Setyembre 2024, ayon sa iniaatas ng bagong batas ng PPP na pinagtibay noong 2023 para sa mga unsolicited na panukala sa lokal na antas na may Original Proponent Status. Pagkatapos maipasa ang CDC at ang konseho ng lungsod, bubuksan ang panukala para sa paghahambing ng hamon kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang ibang mga kumpanya na tugmaan o talunin ang alok ng SMPHI.
Ang Baguio Market Vendors Association ay nakalikom ng P4 bilyon para kontrahin ang SMPHI deal sa isang competitive challenge. Nagsumite ito ng panukala noong 2020 ngunit hindi nakumpleto ang mga kinakailangang dokumento para magpatuloy.
Ang Debate
Ilang beses nang inulit ni Magalong na ang modernong pamilihan ay pamamahalaan at patatakbuhin ng pamahalaang lungsod. Sinabi niya na nagsasagawa siya ng mga pampublikong konsultasyon upang turuan ang publiko dahil sa mga gawa-gawang istorya at kasinungalingan na nakapaligid sa proyekto.
“Kasinungalingan ‘yung privatization, kasinungalingan ‘yun. Kailangan ninyong suriin ang inyong impormasyon. Walang katotohanan ang sinasabing ‘yung palengke natin ay pamamahalaan ng isang pribadong grupo. Ang palengke ay pamamahalaan at patatakbuhin ng lokal na pamahalaan ng Baguio. Klarong-klaro ‘yan. Walang mababago diyan,” ipinilit ng mayor.

Inilarawan ni Ruel Caricativo, isang propesor sa political science sa University of the Philippines Baguio, ang mga konsultasyon bilang tokenistic dahil ang mga desisyon ay ginawa na sa likod ng mga eksena.
“Ang mga konsultasyon na ito, para bang FYI na lang,” sinabi niya.
Naniniwala si Caricativo na ang market “takeover ng mga pribadong interes” ay tahasang privatization at hindi modernisasyon.
“Karaniwan nilang binibigyang-katwiran ang kanilang mga patakaran bilang ‘makatuwiran’ at ‘mahusay’ ngunit mula lamang sa pananaw ng mga market fundamentalist na nagnanais na bigyang kapangyarihan ang pribadong sektor sa pagtugon sa mga pampublikong alalahanin. Anong mangyayari kapag ganito? Mayroon kang mga policymaker na pinapaboran ang pribadong interes na ang talagang layon ay upang kunin ang mas pribadong tubo mula sa mga tiyak na pampublikong kalakal, serbisyo, at espasyo,” aniya.
Ang privatization ay hindi lamang ang sagot sa pagpapabuti ng serbisyo publiko, dagdag ng propesor. May iba pang posibleng pagsasaayos, ipinunto niya, at ilang sektor at grupo sa lungsod ang nagbigay ng kanilang suporta kapag naabot ang isang pinagkakasunduan sa pinakamahusay na paraan upang gawin ito.
Naniniwala si Magalong na ang modernong pamilihan ng Baguio ay magiging “isa sa pinakamagagandang” mga pamilihan sa Asia, na binanggit na ang disenyo nito ay isang take-off mula sa arkitektura sa The Netherlands, Singapore, at Barcelona. Mapapabuti ang kalinisan at ang itatayong parking building na kayang mag-accommodate ng higit sa isang libong sasakyan ay makakaakit ng higit pang mga customer.
“Kita mo ‘yung mga benepisyo niya. Benepisyo sa kapaligiran natin, makabubuti sa ating ekonomiya, at the same time, maayos na pamamahala,” sabi niya.
Ngunit sinabi ng mga tindero at iba pang stakeholder sa palengke na hindi sila nakonsulta nang maayos sa proyekto.
Si Alicia, na nagbebenta ng mga bulaklak at halaman sa loob ng 20 taon, at ang nagtitinda ng prutas na si Sharmaine, ay nagpahayag kung gaano sila naging walang boses sa pagsisikap na makipag-ugnayan sa mga awtoridad tungkol sa kanilang mga alalahanin. Siya ay matatag sa kanyang paninindigan na ang lungsod ay dapat gumamit ng sarili nitong pondo.

‘Yun ang nakikita ko ah, kasi nakikimeeting naman kami, pero parang wala kaming boses. Syempre nakakaiyak naman,” sabi ni Alicia. “‘Yung city government mismo ang magpapagawa kasi kaya naman ng lungsod, eh. Sa amin lang, bilangin mo, ilan kami dito oh? Saan napupunta ‘yung mga perang ina-ano ng mga businesswoman, businessman ‘di ba? Saan ba napupunta ‘yun?”
Sa kabilang banda, si Sharmaine, na halos anim na taon nang nagnenegosyo sa palengke, ay pumayag sa proyekto ngunit nag-aalala sa kanilang relocation site at sa pagpapatuloy ng kanyang kita habang isinasagawa ang konstruksiyon.
“Basta ‘yung kasiguraduhan sana na kung sakaling aayusin yan, syempre kailangan umalis kami eh. ‘Yung katiyakan sana na kami pa din ‘yung mag mananatili. At saka ‘yung isa pa doon, kung saan kami ililipat pansamantala kasi ang daming mawawalan ng trabaho talaga,” aniya.
Pamana o lost cause?
Sa isang forum ng mga kandidato kamakailan, idineklara ni Magalong na siya ang una at huli sa kanyang pamilya na tatakbo para sa isang posisyon sa pulitika. Kung magtatagumpay ang modernisasyon ng palengke, ito ay bababa sa kasaysayan ng Baguio bilang tagumpay ng kanyang administrasyon, ang isa na nagdulot ng katuparan ng isang proyektong naisip mula pa noong 1990s.
“Alam niya na ang kanyang panahon bilang mayor ay may limitasyon. Habang narito siya, ang gusto niyang gawin ay makaiwan siya ng magandang pamana sa mga tao. Hindi para sa kanya, para sa mga tao na magmamana dito sa ating siyudad,” sabi ni Longid, tinutukoy ang mayor.
Sinabi ni Caricativo na ang klima ng pulitika sa Baguio ay mailalarawan na ngayon ng patronage at dynastic na mga ambisyon na hinimok ng kompetisyon ng mga elite sa pulitika. Ang mga resulta ng halalan ay “magiging referendum kumbaga kung ang mga taga-Baguio ay payag sa dynastic leadership o hindi,” aniya, na tinutukoy ang mag-asawang Go. Ang asawa ng kongresista na si Soledad ay naghahangad na pumalit sa kanyang puwesto.
Si Magalong, sa kabilang banda, ay mahigpit na sumusunod sa local government code ngunit sinabi ng propesor na ang kanyang istilo ng pamamahala ay “managerial at technocratic.”
“Masyadong pagtitiwala sa tinatawag na ‘experts,’ na ang mga pananaw sa local issues ay hit-or-miss dahil hindi lapat sa lupa ang mga ito, kumbaga,” sabi niya tungkol sa administration ni Magalong.
Noong Abril 16, inatasan ni Magalong ang Baguio Assessor’s Office na buksan sa publiko ang mga rekord ng kanyang mga ari-arian at negosyo, isang akto ng transparency at mabuting pamamahala upang pabulaanan ang mga alegasyon na siya ang nagmamay-ari ng mga malalaking negosyo sa sentro ng lungsod.
Makukuha kaya ni Magalong ang kanyang pamana o mababasura ang kanyang alagang proyekto — kasama ang kanyang pangalan? Sa sandaling ito, ang sagot ay nakabitin sa malamig na hangin ng Baguio habang ang mga botante ay patungo sa botohan sa Mayo 12 na umaasa ng isang mas maliwanag na hinaharap.