Skip to content
post thumbnail

May puwang pa kaya ang single sa EDSA?

Isa ka ba sa libo-libong namroblema noong isang linggo nang simulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run ng High Occupancy Vehicle (HOV) lane policy?

By Julius Segovia

Aug 31, 2018

-minute read

Share This Article

:

Usap-usapan pa rin sa social media ang mga relationship status. Single ka ba? O LDR or in a long distance relationship? O ‘di kaya may karelasyon nga pero lagi rin namang solo sa biyahe? Isa ka ba sa libo-libong namroblema noong isang linggo nang simulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run ng High Occupancy Vehicle (HOV) lane policy?

Si Rael, isang financial consultant – EDSA ang biyahe araw-araw papuntang opisina sa Ortigas. Pero dahil single, wala raw siyang maisabay sa kanyang kotse. Kaya pa­sakit sa kanya ang pag-ban ng MMDA sa driver-only vehicles sa EDSA. Napilitan tuloy siyang mag-commute. Mahirap para sa gaya niyang sunod-sunod ang client meetings kada araw.

Kaya laking pasasala­mat ni Rael nang igarahe muna ng MMDA ang full implementation nito. Ngayon na sanang Huwebes, August 23, ang pagpapatupad nito. Pero ipinagpaliban muna ng ahensiya matapos ang Senate resolution na humihiling na ipahinto ang ban sa driver-only vehicles.

Sa datos ng MMDA noong 2017, umabot sa 247,527 ang bilang ng private vehicle sa EDSA – 67% daw ito ng kabuuang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa 11-kilometer stretch na highway na pumalo sa halos 370, 000 noong isang taon.
Naniniwala ang MMDA na malaking bawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA kung hindi papayagang bumiyahe ang mga private vehicle na driver lang ang sakay.

Sa press conference noong isang linggo, sinabi ni MMDA General Ma­nager Jose Arturo Garcia Jr. na muling magpupulong ang Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng 16 city mayors at 1 municipal mayor para pag-usapan ang naturang polisiya. Sa susunod na linggo naka-schedule ang meeting ng MMC.

Meeting of the Metro Manila Special Council on Aug. 24, 2018. Photo by MMDA

Siniguro naman ni MMDA Chairman Danilo Lim kay Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go na pag-aaralan at rerebisahin ding maigi ng MMC ang mga negatibong pa­nanaw ng riding public sa HOV lane policy.

Kahit pansamantalang iginarahe ang pagpapatupad nito, tuloy naman ang dry run. Ayon kay Garcia, tuloy ang dry run ng HOV lane policy sa EDSA hangga’t wala pang pinal na desisyon ang MMC ukol dito.

Pagtitiyak ng MMDA, wala silang huhulihin. Paaalalahanan lang daw nila ang mga motoristang masisita na nag-iisa sa kanilang sasakyan. Gagawin ito mula Lunes hanggang Biyernes tuwing rush hour – sa umaga sa pagitan ng 7AM at 10AM at sa gabi sa pagitan ng 6PM at 9PM.
Sa unang tatlong araw ng dry run, naitala sa 6,745 ang bilang ng violator ng HOV lane policy sa EDSA.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, panahon na para muling pag-aralan ng MMDA ang tamang solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Kung si Poe ang tatanungin, ‘di raw kailangan ng bagong polisiya. Ang kailangan daw – mahigpit na pagpapatupad ng mga kasalukuyang batas-trapiko.

Importante rin daw kung magsasagawa muna ng public consultations ang MMDA bago magpatupad ng anumang traffic scheme para hindi nabubulaga ang mga motorista.

Mismong Department of Transportation (DOTr), tila hindi rin pabor sa polisiyang ito ng MMDA.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Commuters Affairs Elvira Medina, kailangan muna itong pag-isipang mabuti ng MMDA. Unang-una, napipilitan daw ang mga motoristang magdala ng sariling sasakyan dahil kapos ang public mass transportation sa Pilipinas.

Kung maayos lang daw ang transport system sa ating bansa, malamang na mag-commute na lang ang mga motorista.

Kabilang daw sa 3-year standardization plan ng DOTr ang modernization ng public transport. Una na ang pag-modernize sa mga jeep. Kaya aalisin na ang mga kakarag-karag na hari ng kalsada. Isusunod dito ang mga bus at iba pang pampublikong sasakyan. Pati ang train system, pinapalawak ang sakop para maibsan din ang trapiko.

Kumpiyansa si Medina na maipapatupad ang planong ito bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang sa akin lang, bago tayo umangal – bigyan muna natin ng tsansa ang bagong traffic scheme sa EDSA na maipatupad. Hindi ka makakahanap ng partner kung lagi kang nagsosolo sa biyahe. Malay mo, sa pagko-commute mo makilala ang forever. E ‘di imbes na single, in a relationship na ang susunod mong status sa Facebook.

This story, first published at Abante Tonite, is produced under the Bloomberg Initiative Global Road Safety Media Fellowship implemented by the World Health Organization, Department of Transportation and VERA Files.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.