May mga YouTube video na nagsasabing ang mga senior citizen na may senior ID (identification card) ay makatatanggap daw ng ₱12,000 pension kada buwan dahil sa Universal Social Pension na nagsimula raw noong Sept. 30. Hindi ito totoo.
Hindi pa batas ang Universal Social Pension na magbibigay ng ₱1,000 hanggang ₱1,500 kada buwan sa mga senior.
Ini-upload noong Oct. 14 ang video na may thumbnail na picture ni Pangulong Bongbong Marcos at may nakasulat na:
“BASTA MAY ID MAY ₱12K ALL 60 YEARS OLD PATAAS UNIVERSAL SOCIAL PENSION”
At may pamagat na:
“ALL 60 YEARS OLD! LAHAT NG MAY SENIORS ID, AUTOMATIC MAY ₱12,000 UNIVERSAL SOCIAL PENSION”
Tatlo pang YouTube channel ang nag-upload ng video na may halos parehong thumbnail at pamagat. Isa rito ay sinasabing ipamimigay ang pension bago ang eleksyon, pero hindi sinabi kung alin.

Nakabinbin pa rin sa Senado ang Universal Social Pension hanggang ngayong October 2025. Layon nitong bigyan ng pension ang lahat ng mga senior, kahit ano pa ang estado sa buhay. Makatatanggap ng ₱1,500 kada buwan ang mahihirap na senior, at ₱1,000 naman sa mga may-kaya (na itataas sa ₱1,500 din pagtapos ng limang taon na maisabatas ang panukala).
Ang video ay pinasinungalingan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa kanilang Facebook post at press release noong Oct. 14:
“Mariing pinabulaanan ng Komisyon ang awtomatikong P12,000 pension sa lahat ng mga 60 edad pataas at may senior citizens ID. HINDI ITO TOTOO at pawang ‘clickbaiting’ lamang ang content dahil hindi pa pinal at aprubado ang nasabing pensyon.”
Sinabi rin ng NCSC na ang mga video ay ini-edit gamit ang AI (artificial intelligence). Inilinaw nilang pinag-aaralan pa ng mga mambabatas ang panukala. Inudyok din nila ang publiko, lalo na ang mga senior, na kumuha lang ng impormasyon sa official social media pages ng NCSC at ng iba pang ahensya ng gobyerno.
Ini-upload ng YouTube channel na PH Pension News (ginawa noong Aug. 7, 2025) ang video na may lagpas 11,000 views, 470 likes at 240 comments. Ang tatlo pang video ay may pinagsamang lagpas 28,600 views, 1,040 likes at 430 comments.

