Naalala ko noong sinabi ni Transportation Secretary Art Tugade na ang nakakapikon na trapik na nararanasan sa Kalakhang Maynila ay nasa utak lang umano ng mga motorista.
Medyo napa-iling ako sa tinuran ng butihing Kalihim dahil pisikal na pagdurusa ang nararanasan ng mga mananakay at motorista sa tuwing aapak sila sa mga lansangan ng Metro Manila tulad ng EDSA.
Papaano ito naging “nasa isip lang natin?”
Pero noong basahin ko nang mabuti ang sinabi ni Tugade, medyo napa-ayon ako sa mga tinuturan niya. Nagiging dahilan ang trapik. Ito na ang pinakamadaling palusot kapag late tayo sa lakad o meeting. Madali sabihin dahil lahat tayo ay nararanasan ito.
Aaminin ko, ginamit ko na din ang dahilang ito paminsan kapag mahuhuli ako sa mga pagtitipon na pupuntahan ko. Ako na ang may sala pero trapik ang pagbibintangan.
“State of Mind,” sabi ni Tugade.
Kabilang sa state of mind ang pag-uugali. Masama ang ugali ng mga Pilipino kapag nagmamaneho. Walang disiplina at chaotic sila sa lansangan. Laging nagmamadali. Ayaw magbigay at mahilig sumingit para maka-una.
Huwag natin ituro ang iba. Lahat tayo ay ganito ang ugali, lalo na kapag nagmamadali o naiipit sa trapik. Masyado tayong utak api pag nagmamaneho. Kailangan pagbigyan agad tayo kahit tayo iyong galing sa likuran.
Susugod sa intersection sa red light at haharangan ang patawid na trapiko. Bibilisan ang takbo pag umilaw ang turn signal light ng katabing kotse para lumipat ng linya upang huwag ito pagbigyan lumipat ng lane.
Palipat-lipat ng linya sa trapik kahit deretso naman ang pupuntahan. Ginagamit nating paradahan ng mga sasakyan natin ang lansangan hanggang walang makadaan dito.
Totoo ang sinabi ni Tugade. May problema tayo sa pag-iisip kapag tayo ang nasa likod ng manibela. Iyon bang galit tayo sa sisingit sa atin sa pila sa Jollibee, pero iyon din ang ginagawa natin pag paakyat sa overpass sa Santolan. Iyong ayaw natin na sasabihan na bilisan natin maglakad sa pila pero ang tindi makabusina sa kotse sa harapan natin.
Mukhang kailangan natin ayusin ang ating paguugali sa pagmamaneho bago natin magawang maaayos ang sobrang tinding trapik. Dahil kabilang sa mga aspeto ng “Road Traffic Elements” ay ang kalye (engineering), sasakyan (motor vehicles), at drayber (motorists).
Ito ang sinisiguro ko sa inyo. Kahit anong dami ng kalye at husay ng saksakyan, kung barubal lahat ang drayber, trapik pa din ang kalalabasan niyan.
Siyempre, importante din na ipaalala kay Tugade, na ang pinaka-rurok ng disiplina ay ang “enforcement” ng mga batas trapiko na mukhang hindi na ginagampanan, o hindi alam gampanan, ng ating mga traffic managers.
Sa napakahabang panahon, nakaugalian na ng mga traffic enforcers ang manghuli at kumita, imbes na tulungan ayusin ang problema.