Tiyak akong marami sa mga motorista ang hindi alam ang gagawin kapag nasita ng traffic enforcer. Kanya-kanyang diskarte para makalusot. Kung kaya at may pagkakataon, ihaharurot na lang ng takbo ang sasakyang minamaneho. Ang iba, todo-tanggi sa paglabag. May ilan namang iisa-isahin ang mga kilalang tao sa gobyerno. Lahat na ‘ata, hahanapan ng koneksyon maging kaanak lang ang mga opisyal ng pamahalaan. May ibang motorista namang naninindak – uunahan nang sigaw ang traffic enforcer.
Gaya na lang ng viral video ng motoristang kalauna’y napag-alamang fiscal pala ng Department of Justice. Nakilala siya ng netizens sa katagang “5 minutes” matapos makipagtalo sa mga MMDA personnel na nanita sa kanya dahil sa illegal parking.
Tumanggi ang babaeng motorista na ibigay ang kanyang driver’s license. Nanakot pa siya noong kakasuhan niya ang mga traffic enforcer kapag tinow ang kanyang sasakyan.
Kung si Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Elvira Medina ang tatanungin, dapat maisama sa curriculum ng mga eskuwelahan ang driving lalo na ang mga batas-trapiko na nakapaloob dito. Aminado siyang marami ang nagmamanehong hindi alam ang traffic rules. Kaya madalas nasasangkot sa away-trapiko.
Aniya, “Motorists should know the rules of the game. When you learn to drive, learn to respect other people as well.” Limang bagay ang ipinunto ni Medina. Una, kung alam mong may paglabag ka, kilalanin ito. ‘Yan daw ang most civilized way. Ikalawa, sumunod sa batas-trapiko. Importante ring hindi makipagtalo sa traffic enforcer. ‘Ika nga ni Medina, “Show your breeding by not arguing.” Ikaapat, “Don’t abuse authority.” Huwag na huwag gamitin ang awtoridad o magbanggit ng mga kilalang pangalan para lang makalusot sa violation. At huli, alamin ang karapatan ng isang motorista.
Bilang motorista, kailangan mong itabi sa gilid ng kalsada ang iyong sasakyan kapag nasita ng traffic enforcer. Hindi ka dapat makaabala sa daloy ng trapiko. Karapatan mo bilang motorista na makilala ang nanghuli sa’yo. Dapat naka-uniporme ang enforcer, kita ang pangalan at opisinang kanyang kinakatawan. Kailangan ding maipaalam sa’yo ng enforcer ang dahilan ng panghuhuli at naging paglabag mo. Hindi rin dapat ura-uradang ibigay ang lisensiya sa nanghuli. Kailangan lang itong ipakita. Nakadepende sa bigat ng violation kung kukumpiskahin ang iyong driver’s license o hindi.
Kukunin lang ang iyong lisensiya kung sangkot ka sa road crash at kung naka-tatlo o higit pang violations. Kukumpiskahin din ang driver’s license kung peke ito, sangkot sa krimen ang iyong sasakyan, paggamit ng lisensiyang hindi sa’yo at pagpapagamit nito sa ibang tao.
Ang mga driver naman ng pampublikong sasakyan gaya ng jeep, bus at taxi na lumabag sa traffic violations, kukunin din ang lisensiya kung colorum, out of line, overcharging, over speeding, tampered taximeter, refusal to convey passengers at iba pa.
Nasa MMDA website ang kumpletong listahan.
Ayon pa sa MMDA, hindi rin pinahihintulutan ang mga enforcer nilang manghuli nang naka-grupo, maliban na lang kung special operations ang kanilang pakay. May mission order din ang mga enforcer nila. Importante raw na itanong at hingin muna ito ng nasitang motorista sa traffic enforcer.
Bawal din daw pababain ng enforcer ang nasitang motorista sa kanyang sasakyan. Ang pinaka-importante, bawal tumanggap ng anumang suhol ang mga enforcer mula sa mga motorista.
Sakaling may enforcers na lumabag sa mga nabanggit na patakaran ng MMDA, puwede raw silang isumbong sa Traffic Adjudication Board ng ahensiya. Maaari ring tumawag sa MMDA Hotline 136 or sa Metrobase number 0917-527-7304. Puwede ring mag-email sa email@mmda.gov.ph. Isama ang litrato o video kung meron kayo.
Ang sa akin lang, maging mahinahon ang bawat isa. Wala namang hindi nakukuha sa mabuting usapan. Kung nasita ka ng traffic enforcer, alamin ang iyong paglabag. Huwag basta gagawa ng alibi para lang makalusot. Sa mga enforcer naman, huwag ding abusuhin ang awtoridad n’yo. Manita lang nang naaayon sa batas.