Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte sa Jerusalem: Nagbitaw ng maling pahayag o umamin sa paglabag ng batas kaugnay ng eleksyon

Sa pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga negosyanteng Israeli, isa sa dalawa ang kanyang ginawa -- nagbigay ng maling pahayag o umamin sa isang paglabag sa alituntunin ng eleksyon nang sinabi niyang pinondohan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang kanyang kandidatura.

By VERA Files

Sep 20, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga negosyanteng Israeli, isa sa dalawa ang kanyang ginawa — nagbigay ng maling pahayag o umamin sa isang paglabag sa alituntunin ng eleksyon nang sinabi niyang pinondohan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang kanyang kandidatura.

PAHAYAG

Sa Jerusalem noong Septiyembre 4, sa pirmahan ng mga kasunduan sa mga namumuhunan mula sa pribadong sektor, ipinakilala ni Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete, kasama si Tugade na sinabi niyang “may bilyun-bilyon” at “pinondohan” ang kanyang kandidatura:

“Hindi niya kailangang magnakaw. May bilyun-bilyon siya. Pinondohan nga niya ang aking kandidatura.”

Source: Presidential Communications Operations Office, Talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pirmahan ng mga kasunduan sa mga taga pribadong sektor ng Israel, Setyembre 4, 2018, panoorin mula 43: 23-43: 28

FACT

Ang mga dokumentong nakuha ng VERA Files ilang mga buwan pagkatapos ng pampanguluhan eleksiyon ng 2016 ay nagpapakita na si Duterte at ang kanyang partidong Partido Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ay naglista ng 183 mga donor sa kampanya sa kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ang pangalan ni Tugade ay wala sa alinmang listahan.

Ipinakikita ng SOCE ang lahat ng mga ginastos ng isang kandidato, ang listahan ng kanyang mga funder at kung ano ang kanilang iniambag sa panahon ng kampanya mula Pebrero 9 hanggang Mayo 7.

Ipinaguutos ng Omnibus Election Code sa mga kandidato na maghain ng “buo, totoo at detalyadong” SOCE 30 araw pagkatapos ng araw ng halalan.

Ang hindi pagkilala ng mga donor ay katumbas ng paglabag sa batas kaugnay ng halalan, sinabi noon ng Commission on Elections Campaign Finance Office sa VERA Files.

Ang mga kandidato at mga partidong pampulitika na mapapatunayang lumabag sa batas ay nahaharap sa mga parusa mula sa mga multa hanggang sa pagkakabilanggo at diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong tanggapan.

Ayon sa SOCE na isinumite nina Duterte at PDP-Laban, ang kanilang pinakamalaking donor ay si Antonio Floirendo Jr. na nagkaloob ng kabuuang P100 milyon, P75 milyon direkta sa presidente at P25 milyon sa kanyang partido.

Si Floirendo ay mula sa pamilyang nagmamay-ari ng pinakamalaking negosyo ng pang aangkat ng saging sa bansa at ilang real estate holdings.

Si Tugade, isang abogado at negosyanteng may interes sa trucking at shipping, ay nag-aral sa San Beda College tulad ni Duterte.

Bago itinalagang transport secretary noong 2016, siya ang chief executive officer ng Clark Development Corp. na pag-aari ng gobyerno.

Noong una, sinabi rin ni Duterte na pinondohan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang kanyang kampanya.

Hindi rin lumilitaw ang pangalan ni Marcos sa SOCE Duterte o ng PDP-Laban; itinanggi rin niya ang pahayag, na nagsasabi na ito ay isa pang “biro” mula sa pangulo. (Tingnan ang VERA Files Fact Check: Did Imee fund Duterte’s campaign?)

Mga pinagkunan ng impormasyon:

Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Duterte during the signing of the agreements with the private sector in Israel, Jerusalem, Sept. 4, 2018

Statement of Contributions and Expenditures, Rodrigo Duterte

Statement of Contributions and Expenditures, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban)

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.