Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Bong Go mali sa pahayag na hindi ipinangako ni Duterte na lulutasin niya ang problema sa trapiko ng Metro Manila

Mali ang pahayag ni Sen. Christopher Lawrence "Bong" Go, ang dating Special Assistant to the President, na hindi nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na lutasin ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

By VERA Files

Oct 25, 2019

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang pahayag ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, ang dating Special Assistant to the President, na hindi nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na lutasin ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

PAHAYAG

Sa panayam noong Okt. 14, tinanong si Go tungkol sa mungkahi sa mga mambabatas na gumamit ng pampublikong transportasyon tuwing Lunes upang maranasan ang sitwasyon ng trapiko sa bansa.

Sinabi niya:

“Hindi po nangangako si Pangulong Duterte na maso-solve niya [ang trapiko], even during the (kahit na noong panahon ng) [presidential] campaign (kampanya [na pampanguluhan]) of (ng) 2016. Ako po mismo narinig ko hindi po siya nangangako. Mahirap talaga. Maybe (Siguro) mabawasan lang po, bigyan ng kaunting solusyon iyong trapiko. Pero to solve (para lutasin), napakahirap talagang i-solve (malutas) iyong traffic (trapiko) sa Metro Manila.

Pinagmulan: News5Everywhere, Bong Go sa panukalang mag-commute ang mga mambabatas, Okt. 14, 2018, panoorin mula 1:58 hanggang 1:26

ANG KATOTOHANAN

Mali si Go; Inamin mismo ni Duterte na ang “tanging” pangako na hindi niya natupad ay ang paglutas ng trapiko sa EDSA:

“Nangako ako sa inyo, wala akong pangako na hindi ko natupad except (maliban) ‘yang [trapiko sa] EDSA. Nangako ako ng free tuition (libreng matrikula), nandiyan na ang batas. Nangako ako ng free (libreng) universal health care, pirmado ko na ang batas.”

Pinagmulan: RTVMalacanang, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Campally Rally (Speech) 2/23/2019, Peb. 24, 2019, panoorin mula 44:59 hanggang 45:21

Sa ikatlo at panghuling debate para sa pampanguluhan noong 2016, nilinaw ng kandidatong si Duterte ang kanyang mga naunang pahayag na walang “solusyon” sa pagsikip ng trapiko sa Metro Manila:

No, I said there is no immediate and urgent solution there (Hindi, ang sabi ko walang agaran at kagyat na solusyon doon). As I’m saying, as long as we continue to pump in new cars…traffic would always be a problem (Tulad ng sinasabi ko, hangga’t patuloy tayong nagpapasok ng mga bagong kotse…palaging magiging problema ang trapiko). It’s (Ito ay) mass trans – ‘yung (the) mass transit…dagdagan mo ng train (tren) ang extension…dahan-dahan lang. That is doable in six years (Magagawa iyan sa loob ng anim na taon).”

Pinagmulan: ABS-CBN News, PiliPinas Debates 2016, Abril 24, 2016, panoorin mula 1:50:27 hanggang 1:50:58

Bilang isang pangmatagalang solusyon, pabirong sinabi ni Duterte na kokopyahin niya ang mungkahi ng yumaong senador Miriam Defensor-Santiago, ang kanyang kalaban noon, na magtatag ng isang bagong “capital city” sa Clark sa Angeles City, Pampanga.

Sa inaakala niyang isang “agarang solusyon” sa problema sa trapiko, sinabi ni Duterte na aabutin siya ng “mga isa o dalawang taon upang maayos” ang mga kasalukuyang metro at light rain transits ng Maynila at “bumuo ng mga bagong tren.”

Sa kanyang pagdalo sa programang Give Us This Day ng pastor na nakabase sa Davao na si Apollo Quiboloy noong Hunyo, ipinagmalaki ni Duterte ang pagpapabilis ng biyahe mula sa Cubao, Quezon City hanggang sa Makati City:

You just wait (Maghintay ka lang). Ayaw ko mag-ano but things will improve maybe, God willing (ngunit mapabubuti siguro ang mga bagay, sa tulong ng Diyos), (in) December (sa Disyembre) smooth sailing (mabilis) na. You don’t have to worry about traffic (Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa trapiko). Cubao and (at) Makati is just about five minutes (ay mga limang minuto na lang (ang layo).”

Pinagmulan: Apollo Quiboloy, GIVE US THIS DAY by Pastor Apollo C. Quiboloy with special guest Philippine Pres. Rodrigo Duterte, Hunyo 8, 2019, panoorin mula 2:08:55 hanggang 2:09:13

Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa isang forum noong nakaraang Hulyo na ang limang minutong paglalakbay mula sa Makati hanggang Quezon City ay posible sa pamamagitan ng proyektong Metro Manila Skyway Stage 3, na nakatakdang makumpleto sa 2020.

Noong Agosto, sinabi ni Duterte na “hahayaan na lamang niyang mabulok ang EDSA” matapos ang kanyang panawagan para sa emergency powers para matugunan ang problema sa trapiko sa EDSA ay binatikos bilang isang paraan para sa posibleng katiwalian. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte flip-flops on asking for emergency powers)

 

Mga Pinagmulan

News5Everywhere, Bong Go sa panukalang mag-commute ang mga mambabatas, Oct. 14, 2018

Proposal for lawmakers to commute every Monday

RTVMalacanang, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Campaign Rally (Speech) 2/23/2019, Feb. 24, 2019

ABS-CBN News, PiliPinas Debates 2016, April 24, 2016

Apollo Quiboloy, GIVE US THIS DAY by Pastor Apollo C. Quiboloy with special guest Philippine Pres. Rodrigo Duterte, June 8, 2019

Secretary Carlos Dominguez, 2019 Pre-SONA Economic and Infrastructure Forum, PICC, Pasay City, July 1, 2019, July 2, 2019

Presidential Communications Operations Office, Inauguration of the 7.5-MWP Tumingad Solar Power Project (Speech) 8/21/2019, Aug. 21, 2019

Presidential Communications Operations Office, THE PRESIDENT’S REPORT TO THE PEOPLE 2016 – 2018

Presidential Communications Operations Office, President Duterte to new LNB officials: End corruption, Sept. 20, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.