Mali si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago sa pagsabing walang naitayo na anumang imprastraktura o ginawang paraan ang gobyerno para malutas ang matinding trapiko sa Metro Manila sa nakaraang 40 taon. Ang MMDA mismo ay itinatag 24 taon na ang nakalilipas upang matugunan iyon.
PAHAYAG
Sa isang “open letter” na nai-post noong Agosto 15 sa kanyang opisyal na Facebook page, pinatutsadahan ni Pialogo ang mga pampublikong opisyal na pumuna sa mahigpit na pagpapatupad ng MMDA sa yellow lane policy sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), na naging sanhi ng matinding trapik at naapektuhan ang daan-daang mga commuter sa mga mga unang linggo ng implementasyon.
Sinabi niya:
“Wala naman tayong ginawa for (sa loob ng) 40 years (taon) [lalo na] in terms of traffic management and infrastructure (sa mga tuntunin ng pamamahala ng trapiko at imprastraktura)…Cars keep on multiplying while roads are (sic) not (Ang mga kotse ay patuloy na dumarami habang ang mga kalsada ay hindi). Sa mga nagmamagaling, iba noon, iba ngayon.”
Pinagmulan: Celine Pialago official Facebook page, Mukang uulitin ko ulit ang aking open letter, Agosto 15, 2019
ANG KATOTOHANAN
Mali si Pialago. Ang mismong MMDA — ang ahensya na kinakatawan niya — ay itinatag noong 1995 upang matugunan ang “transport at traffic management” sa Metro Manila, bukod sa iba pa.
Sa ilalim ng Republic Act 7924, na nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos, kasama sa mga gawain ng MMDA ang:
“formulation, coordination and monitoring of policies, standards, programs and projects to rationalize the existing transport operations, infrastructure requirements, the use of thoroughfares, and promotions of safe and convenient movement of persons and goods
(pagbabalangkas, koordinasyon at pagsubaybay sa mga patakaran, pamantayan, programa at proyekto upang maging makatuwiran ang umiiral na mga operasyon ng transportasyon, mga kinakailangan sa imprastraktura, paggamit ng mga daanan, at promosyon ng ligtas at maginhawang pagkilos ng mga tao at kalakal).”
Ang “probisyon para sa mass transport system,” ang paglikha ng isang sistema ng regulasyon para sa mga gumagamit ng kalsada, at ang pagpapatupad ng mga programa sa edukasyon sa trapiko ay bahagi din ng mandato ng MMDA.
Ang tatlong mga transit system sa Metro Manila – lahat para magbigay ng alternatibong paraan ng transportasyon upang mabawasan ang kasikipan ng trapiko – na may daan-daang libong mga pasahero araw-araw ay nagsimula ng operasyon sa pagitan ng 1984 at 2003, patunay na mali ang pahayag ni Pialago na walang ginawa ang pamahalaan sa nakaraang 40 taon.
Narito ang ilan sa mga proyekto ng gobyerno sa mga nakaraang taon upang matugunan ang kasikipan ng trapiko sa Metro Manila.
Ang Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3), isang rapid transit system na tumatakbo sa EDSA, ay nagsimula ng operasyon noong 2000 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Dinisenyo upang magdala ng hindi bababa sa 23,000 mga pasahero bawat oras bawat direksyon, ang MRT-3 ay “cornerstone ng pinagsamang diskarte ng Department of Transportation & Communication (ngayon, Department of Transportation o DOTr) upang maibsan ang matinding pagsikip ng trapiko sa kahabaan ng EDSA,” ayon sa website nito.
Bago ang pagtatayo ng MRT-3, ang Light Rail Transit System Line 1 (LRT-1), na tumatakbo mula sa east-west na direksyon mula Roosevelt hanggang Baclaran, ay nagsimula ng operasyon noong 1984 sa panahon ng namayapang diktador Ferdinand Marcos. Iniuugnay ng LRT-1 ang mga lungsod ng Quezon City, Caloocan, Maynila, Pasay, at Parañaque.
Pagkaraan ng 19 taon, sa panguluhan ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2003, binuksan sa publiko ang LRT System Line 2 (LRT-2) na tumatakbo pangkalahatan sa isang east-west na direksyon na dumadaan sa limang lungsod ng Metro Manila tulad ng Pasig, Marikina, Quezon City, San Juan at Maynila.
Ang mga linya ng LRT 1 at 2 ay pinatatakbo ng Light Rail Transit Authority (LRTA), isang government-owned-and-controlled corporation na nakakabit sa Department of Transportation.
Ang Ortigas Interchange, na kilala rin bilang EDSA-Ortigas Interchange o Ortigas Flyover, ay itinayo noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino. Matatagpuan sa pagitan ng Mandaluyong at Quezon City, una itong binuksan noong Disyembre 1991, ayon sa ulat ng Manila Standard sa parehong taon. (Tingnan ang Gadon claim on Cory infra false ng University of the Philippines Journalism Department para sa Tsek.ph)
Inilunsad noong 2015, ang Premium Point-to-Point (P2P) Bus Service, isang inisyatibo ng DOTr, ay nag-aalok sa mga commuter ng “isa pang maaasahan at ligtas na paraan ng transportasyon at nakakatulong sa pagbawas ng dami ng trapiko sa Metro Manila at higit pa,” ayon sa website nito.
Hanggang Setyembre 2019, ang serbisyo ng bus na P2P ay nagpapatakbo ng 43 na ruta sa buong 56 stop sa Metro Manila at kalapit na mga lungsod.
Mga Pinagmulan
Celine Pialago official Facebook page, Mukang uulitin ko ulit ang aking open letter, Aug. 15, 2019
Metropolitan Manila Development Authority, Republic Act 7924
Department of Transportation and Communication – Metro Rail Transit System Line 3, About
Department of Transportation – Light Rail Transit Authority, About Us
Official Gazette, Executive Order 603
Tsek.ph, Gadon claims on Cory infra false, April 3, 2019
Malacanang.gov.ph, The AQUINO MANAGEMENT Of The PRESIDENCY
Official website, Premium Point-to-Point (P2P) Bus Service
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)