Skip to content
post thumbnail

VERA FILES CHECK: Sabi ni Duterte ang PH ay ‘hindi kailanman’ naging miyembro ng ICC. Ganoon ba?

Ipinagbigay-alam ng gobyerno ng Pilipinas noong Marso 17 sa United Nations Secretary General ang pag alis nito bilang bansang kabahagi sa Rome Statute "alinsunod sa mga kaugnay na probisyon" ng kasunduan.

By VERA Files

Apr 19, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Isang buwan mula nang sundin ng kanyang administrasyon ang tamang pamamaraan at umalis bilang bansang kabahagi sa Rome Statute na lumikha ng International Criminal Court (ICC), sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Pilipinas ay “hindi kailanman naging miyembro” ng tribunal.

PAHAYAG

Sa patutsada kay ICC Prosecutor Fatou Bensouda, si Duterte, sa isang pahayag noong Abril 13, ay nagsabi:

“Sinong pangalan nito, si Fatou, wala kang hurisdiksyon kahit na magsagawa ng paunang imbestigasyon. Walang batayan dahil hindi tayo kailanman — ang Pilipinas ay hindi kailanman, kailanman miyembro ng ICC dahil sa walang publikasyon.”

Pinagmulan: Arrival Speech ni President Rodrigo Duterte, Abril 13, 2018, Davao City, panoorin mula 54:51 hanggang 55:20

FACT

Ipinagbigay-alam ng gobyerno ng Pilipinas noong Marso 17 sa United Nations Secretary General ang pag alis nito bilang bansang kabahagi sa Rome Statute “alinsunod sa mga kaugnay na probisyon” ng kasunduan.

Nakasaad sa nakasulat na pasabi na pinirmahan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano:

“Ikinararangal ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas na ipagbigay-alam sa Secretary General, sa kanyang kapasidad bilang lagakan ng Roma Statute ng International Criminal Court, ang desisyon nito na mag-withdraw mula sa Rome Statute ng International Criminal Court alinsunod sa ang may-kaugnayang mga probisyon ng Batas.”

Pinagmulan: United Nations Treaty Collection, Rome Statute of the International Criminal Court, Philippines: Withdrawal

Ang Artikulo 127 ng Roma Statute ay nagsasaad:

“Ang isang Bansang Kabahagi ay maaaring, sa pamamagitan ng nakasulat na abiso sa Secretary-General of the United Nations, mag-withdraw mula sa Batas na ito.”

Pinagmulan: United Nations Treaty Collection, Rome Statute of the International Criminal Court, Philippines: Withdrawal

Ang withdrawal ay nangyari isang buwan matapos ipahayag ni Bensouda na ang ICC ay magbubukas ng preliminary examination sa mga krimen na sinasabing ginawa ng gobyerno ng Pilipinas sa giyera nito sa kampanya laban sa droga.

Ito ay magkakabisa sa Marso 19, 2019, na magtatapos sa pagiging kasapi ng Pilipinas sa ICC na nagsimula noong Agosto 23, 2011 nang pagtibayin ng Senado ang Rome Statute.

Noong Agosto 30, 2011, isang delegasyon ng mga kinatawan na pinamumunuan ni Sen. Loren Legarda ang nagdeposito ng instrumento ng pagpapatibay sa United Nations Office of Legal Affairs sa New York, at naging ika-117 na partido ang Pilipinas ng Batas.

Ang kasunduan ay umiral noong Nob. 1, 2011.

Simula noon, obligado ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC.

Noong Disyembre 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte, si Presidential Spokesperson Harry Roque ay nagbigay ng talumpati bilang kinatawan ng gobyerno sa ika-16 na Assembly of States Parties, isang taunang pagtitipon ng mga miyembro ng ICC upang talakayin ang budyet, magbigay ng pondo at piliin ang mga hukom at prosecutor ng korte.

Si Roque, sa kanyang talumpati, ay hinimok ang ICC na “labanan ang mga pagtatangka” na gamitin ang korte para “ibagsak ang mga pamahalaan.”

Noong 2016, sinabi ni Roque na ang pagpasa ng Republic Act No. 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity noong 2009 ay sinadya upang ipatupad ang mga obligasyon ng bansa bilang partido sa Rome Statute. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: ICC can strip off Duterte’s immunity)

Nauna niyang pinuri rin ang pagsali ng Pilipinas sa ICC noong 2011.

Sa mga tala ng ICC, ipinakikita na ang Pilipinas ay nag-ambag ng 397,896 euros (tinatayang P25.6 milyon) hanggang Marso 30, 2017, tulong sa pondong gastusin ng korte.

Sinabi ni Duterte sa maraming pagkakataon na ang hindi paglathala ng ratipikasyon ng Pilipinas sa Rome Statute ay nagpa-walang bisa nito.

Gayunpaman, isang executive order ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997 tungkol sa mga alituntunin sa mga internasyonal na kasunduan ay hindi binabanggit na kinakailangan ang publikasyon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Panelo’s claim about US and ICC misleading)

Mga pinagmulan:

Archive.org, ICC: At long last, Aug. 25, 2011. Retrieved from Harry Roque’s Blog April 19, 2018.

International Criminal Court, Assembly of States Parties Report of the Committee on Budget and Finance on the work of its twenty-eighth session

International Criminal Court, How the Court works

International Criminal Court, Statement of the Philippines Delivered By His Excellency Mr. Harry Roque, Presidential Spokesperson, Office of the President

International Criminal Court, The Philippines becomes the 117th State to join the Rome Statute system

Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines

Presidential Communications Operations Office, From the Presidential Spokesperson, March 14, 2018.

Senate of the Philippines, Senate approves ratification of Rome Statute on final reading

United Nations Treaty Collection, Rome Statute of the International Criminal Court, Philippines: Withdrawal

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.