Tatlong maling impormasyon ang inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang chief legal counsel Salvador Panelo tungkol sa International Criminal Court (ICC) sa isang naka-record na pampublikong address noong Hulyo 28.
Sa pagtatapos ng kanyang lingguhang broadcast ng “Talk to the People,” malugod na tinanggap nina Duterte at Panelo ang desisyon ng Supreme Court (SC) noong Marso 16 na nagbabasura sa tatlong petisyon na kumuwestyon sa bisa ng unilateral na desisyon ng pangulo na kumalas ang Pilipinas mula sa ICC.
Gayunpaman, kinuwestiyon ng dalawang opisyal ang bahagi ng desisyon ng SC kung saan obligado pa rin ang Pilipinas na makipagtulungan sa korte na nakabase sa The Hague kahit na opisyal na itong umalis mula sa Rome Statute noong Marso 2019.
Isang kahilingan upang siyasatin ang mga hinihinalang krimen laban sa sangkatauhan sa Pilipinas sa pagkamatay ng 12,000 hanggang 30,000 na nauugnay sa giyera kontra droga ni Duterte ang nakabinbin sa Pre-Trial Chamber ng ICC.
Narito ang maling mga pahayag nina Duterte at Panelo:
Sa kooperasyon ng Pilipinas sa ICC
PAHAYAG 1
Panelo to Duterte: “Sapagka’t kung matatandaan ninyo, hindi po ba, ‘yung sa ICC ang inyong naging posisyon doon ay talagang wala silang jurisdiction. At kahit na nga mayroon, wala pa rin dahil ‘yung Article 127 maliwanag na sinasabi … kung nagsimula na ang imbestigasyon ng hukuman, kahit kumalas ka, puwede ka pa. Ang problema, hindi naman nagsimula ‘yung imbestigasyon sa hukuman, preliminary examination lamang.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Talk to the People, Hulyo 28, 2021, panoorin mula 1:18:24 hanggang 1:18:47 (transcript)
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Panelo, ang pag-oobliga sa isang estado na dating kapartido na magpatuloy na makipagtulungan sa ICC ay hindi limitado sa batayan ng isang nagpapatuloy na pagsisiyasat. Nakasaad sa Section 2 Article 127 ng Rome Statute na ang pag-atras ay hindi makakaapekto sa “anumang bagay” na isinaalang-alang na ng korte bago magkabisa ito.
“A State shall not be discharged, by reason of its withdrawal, from the obligations arising from this Statute while it was a Party to the Statute, including any financial obligations which may have accrued. Its withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective, nor shall it prejudice in any way the continued consideration of any matter which was already under consideration by the Court prior to the date on which the withdrawal became effective.” (emphasis ours)
(Ang isang Estado ay hindi dapat pakawalan, dahil sa pag-alis nito, mula sa mga obligasyong nagmumula sa Statute na ito habang ito ay isang Partido sa Statute, kasama ang anumang mga obligasyong pampinansyal na maaaring naipon. Ang pag-atras nito ay hindi makakaapekto sa anumang pakikipagtulungan sa Korte na may kaugnayan sa mga kriminal na pagsisiyasat at paglilitis na nauugnay sa kung saan may katungkulan ang kumalas na Estado na makipagtulungan at sinimulan bago ang petsa kung kailan naging epektibo ang pag-atras, at hindi rin ito makapinsala sa anumang paraan sa patuloy na pagsasaalang-alang ng anumang bagay na nasa ilalim ng pagsasaalang-alang ng Korte bago ang petsa kung kailan naging epektibo ang pag-kalas.) (amin ang pagbibigay diin)
Pinagmulan: International Criminal Court, Rome Statute, Na-access Agosto 3, 2021
Sinuportahan ng SC ang probisyon sa 101-pahinang desisyon nito noong Marso 16, na sinasabing ang Pilipinas ay “sakop at nakatali” na makipagtulungan sa ICC kahit na ang opisyal na pag-alis nito mula sa Rome Statute ay nagsimula noong Marso 2019.
Noong nakaraang Mayo, pormal na humiling ng pahintulot si dating ICC prosecutor Fatou Bensouda sa Pre-Trial Chamber ng korte na payagan ang kanyang tanggapan na imbestigahan ang mga pagpatay na nauugnay sa droga sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 17, 2019, noong ang bansa ay miyembro pa ng Statute.
Ibinatay ni Bensouda ang kahilingan sa mga natuklasan ng kanyang tanggapan sa tatlong taong paunang pagsusuri sa giyera laban sa droga ni Duterte na nagsimula noong Pebrero 2018, na naging mitsa ng utos ng pangulo na kumalas ang Pilipinas mula sa Rome Statute. Inakusahan niya ang mga opisyal ng gobyerno at pulisya nang pakikipagkutsaba sa mga grupo ng vigilante upang patayin ang hinihinalang drug personalities. (Tingnan ang Gov’t officials, police conspired to carry out Duterte’s war on drugs — ICC prosecutor)
Kung pagbibigyan ng chamber ang kahilingan ni Bensouda, ang kanyang kahalili na si Karim Khan ang maglulunsad ng pagsisiyasat, at ang mga warrant of arrest o summonses ay iiisyu sa mga Filipinong opisyal na sinasabing sangkot sa mga pagpatay upang mapilit silang humarap sa ICC.
Sa pagpapatibay ng Rome Statute
PAHAYAG 2
Duterte: “Walang kopya ang executive department kasi nga ang nangyari galing sa Congress (Kongreso), ni-ratify (pinagtibay) ng Congress (Kongreso), instead of returning the treaty as ratified by Congress (imbes na isauli ang treaty na pinagtibay ng Kongreso) dito sa executive department ni Estrada at that time (nung panahon na iyon), hindi na nila —- shinort (short) circuit nila. Dumiretso na kaagad sila sa Rome and appended the Philippine participation.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Talk to the People, Hulyo 28, 2021, panoorin mula 1:22:23 hanggang 1:23:03 (transcript)
ANG KATOTOHANAN
Pinagtibay ng gobyerno ng Pilipinas ang Rome Statute noong Agosto 2011, sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III. Isang delegasyon ng Pilipinas, kasama si dating senador Loren Legarda, ang nagsumite noong kalaunan ng buwan ng mga dokumento ng pagpapatibay ng statute sa United Nations (UN) headquarters sa New York City, United States (U.S.).
Tumagal ng 11 taon bago napagtibay ng gobyerno ang Rome Statute mula nang maging signatory ang Pilipinas noong Disyembre 2000 sa ilalim ni dating Pangulong Joseph Estrada. Noong Nobyembre 2011, ang statute ay nagkabisa sa Pilipinas.
Bilang pagsunod sa mga hinihiling ng 1987 Constitution, pinirmahan muna ni Aquino ang statute noong Mayo 2011, bago humingi ng pagsang-ayon ng Senado. Pagkalipas ng tatlong buwan noong Agosto 23, inaprubahan ng Senado ang pagpapatibay matapos magsagawa ng pagdinig kung saan ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at mga public interest group, kabilang ang foreign affairs at justice departments, ay ininendorso ang Rome Statute.
Ang iba pang mga pampublikong tanggapan na nagsulong ng statute ay ang Philippine National Police, Department of National Defense, Commission on Human Rights, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Security Council.
Sa komposisyon ng listahan ng mga hukom ng ICC
PAHAYAG 3
Duterte: “Bakit ako haharap ng husgado na puro puti ang mga p***** i** niya? Kung ako’y magpalitis — anong kasalanan ko — it will be before a Philippine court and before a Filipino judge (sa harap ng korte ng Pilipinas at sa harap ng Filipino judge) na kung sabihin niya na ako na death penalty. So be it (Sige lang); tanggapin ko.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Talk to the People, Hulyo 28, 2021, panoorin mula 1:28:58 hanggang 1:29:27 (transcript)
ANG KATOTOHANAN
Sampu sa 18 hukom sa ICC ay mula sa mga bansa ng Africa (4), Latin America at Caribbean (4), at Asia-Pacific (2). Walong iba pa ay mula sa Western at Eastern Europe at iba pang group of states.
Ayon sa Rome Statute, ang state parties lamang ang pinapayagan na pumili ng mga hukom sa ICC. Ang Assembly of States Parties ay naghahalal ng mga hukom, na karaniwang nagsisilbi ng isang siyam na taong termino, sa isang proseso na “isinasaalang-alang” ang “patas na representasyon ng kalalakihan at kababaihan” at “pantay na geographical distribution,” bukod sa iba pang mga dahilan.
Ang Pilipinas ay maaaring mag nominate at pumili ng mga hukom sa ICC kung hindi ito kumawala sa Rome Statute. Sa panahon ng pagiging miyembro nito sa Rome Statute, nakapaghirang ang Pilipinas ng tatlong Filipino sa ICC, na ang huling nominee ay noong 2017.
Si law professor Raul Pangalangan, na nagtapos ng kanyang anim na taong panunungkulan noong Marso, ang nag-iisang Filipino na nagsilbing hukom sa ICC. Ang yumaong senador Miriam Defensor-Santiago, na nagtulak sa pagpapatibay ng Rome Statute noong 2011, ay dapat na naging unang hukom na Filipino sa ICC, ngunit nagbitiw siya noong 2014, bago siya makapanumpa, dahil sa mga kadahilanang medikal.
Hindi bababa sa tatlong beses na gumawa si Duterte ng maling insinuasyon na ang mga hukom ng ICC ay halos mga “puti.” (Tignan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte mali sa pagsabing ‘lahat’ ng mga hukom ng ICC ay ‘Puti’ and ICYMI: Reiterating that he will not cooperate with the International Criminal Court – ICC, President Rody Duterte repeated on June 21 a wrong claim that the #ICC was a court of “white people.”)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, Talk to the People, July 28, 2021 (transcript)
International Criminal Court, Rome Statute, Accessed Aug. 3, 2021
United Nations, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed Aug. 3, 2021
Supreme Court, G.R. No. 238875/G.R. No. 239483/G.R. No. 240954. July 21, 2021
International Criminal Court, Statement of the Prosecutor, Fatou Bensouda, on her request to open an investigation of the Situation in the Philippines, June 14, 2021
International Criminal Court, Request for authorization , May 24, 2021
United Nations, Philippines ratifies the Rome Statute of the International Criminal Court, Aug. 30, 2011
Senate of the Philippines, Press Release – Legarda: The Philippines becomes 117th State Party to the Rome Statute of the International Criminal Court, Aug. 31, 2011
Official Gazette, Foreign Affairs Secretary urges Senate concurrence to Rome Statute establishing International Criminal Court | GOVPH, July 28, 2011
United Nations, Rome Statute, Accessed Aug. 4, 2021
Senate of the PhIlippines, Resolution No. 57, 15h Congress,, Aug. 23, 2011
International Criminal Court, Who’s who – Judicial Divisions, Accessed Aug. 4, 2021
International Criminal Court, Note Verbale, Aug. 25, 2017
International Criminal Court, Judge Raul Cano Pangalangan, Accessed Aug. 4, 2021
International Criminal Court, ICC W eekly Update #213, Accessed Aug. 4, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)