Hindi totoo ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) ay “Puti” nang sagutin niya ang update noong Disyembre 2020 ng paunang pagsusuri ng korte sa mga hinihinalang krimen laban sa sangkatauhan na nagawa sa giyera ng gobyerno kontra droga.
PAHAYAG
Sa isang briefing noong Dis. 28, binatikos ni Duterte ang tribunal dahil sa umano’y “pakikialam” sa mga pangyayari sa Pilipinas:
“In the first place, why are you interfering in the affairs of my country and other countries? And who gave you the authority? By what divine law gave you the authority to … prosecute me in a … foreign land tapos ang nakaupo puro kayo mga Puti na ulol. You must be crazy.”
(Unang una, bakit ka nakikialam sa mga pangyayari sa aking bansa at ibang mga bansa? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad? Anong banal na batas ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na … usigin ako sa … ibang bansa tapos ang nakaupo puro kayo mga Puti na ulol. Nababaliw ka na.)”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Meeting of President Rodrigo Roa Duterte with the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, Dis. 28, 2020, panoorin mula 27:02 hanggang 27:28.
Ipinahihiwatig na ang ICC inquiry ay hindi kinakailangan, iginiit ng pangulo na ang mga korte ng Pilipinas ay “gumagana,” at tiniyak na susunod siya sa mga lokal na korte kung magpapasya ang mga ito na dapat siya makulong.
ANG KATOTOHANAN
Mahigit sa kalahati, o 10 sa 18 nakaupong hukom ng ICC, ay mula sa Africa, Latin America at Caribbean, at Asia-Pacific Groups of States, habang ang walo ay mula sa Eastern Europe, at Western European at Others Groups of States, ayon sa Judges of the Court briefer ng tribunal.
Si Judge Chile Eboe-Osuji, isang Nigerian national na may higit sa 25 taon na legal experience bago naging bahagi ng korte, ay nagsisilbing pangulo ng ICC sa loob ng tatlong taon matapos na mahalal sa posisyon ng iba pang mga hukom noong Marso 11, 2018.
Sa 18 na mga hukom, isa ang Filipino: si Raul Pangalangan, na nakatalaga sa Trial Division ng ICC. Ang kanyang termino sa tribunal ay magtatapos sa Marso 10.
Ang mga hukom ng ICC, na bawat isa ay karaniwang may isang siyam na taong termino, ay inihahalal ng Assembly of State Parties sa isang proseso na “isinasaalang-alang” ang “patas na representasyon ng kalalakihan at kababaihan” at “pantay na geographical distribution,” bukod sa iba pang mga pagsasaalang-alang.
Pinipili sila mula sa isang listahan ng mga kandidato na may “high moral character, walang kinikilingan, at integridad” na may “napatunayang kakayahan” at “kinakailangang karanasan” sa criminal law at procedure, o sa “mga kaugnay na larangan ng international law,” tulad ng mga batas sa mga karapatang pantao.
Sina Pangalangan at Geoffrey Henderson ng Trinidad and Tobago, gayunpaman, ay hindi manunungkulan ng buong siyam na taon bawat isa dahil pinunan nila ang mga bakanteng judicial na posisyon at itinutuloy na lamang ang natitirang panahon ng mga termino.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataong na ginawa ni Duterte ang maling pahayag na ito; sinabi Aniya ito nang hindi bababa sa tatlong beses sa mga talumpati at panayam noong Nobyembre 2018, Hulyo 2019, at Disyembre 2019.
Sa update nitong Disyembre 2020, sinabi ng ICC Office of the Prosecutor, na pinangunahan ni Fatou Bensouda, na nakakita ito ng “makatuwirang batayan upang maniwala” na ang mga krimen laban sa sangkatauhan ay nagawa sa pagpapatupad ng giyera kontra droga ni Duterte. Inaasahan na tatapusin ng tanggapan ni Bensouda ang paunang pagsusuri sa sitwasyon ng Pilipinas sa “unang kalahati” ng taong ito. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Mga update sa paunang pagsusuri ng ICC sa giyera laban sa droga ni Duterte)
Mga Pinagmulan
International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2020, Dec. 14, 2020
Presidential Communications Operations Office, Meeting of President Rodrigo Roa Duterte with the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, Dec. 28, 2020
PTV Official Facebook Account, WATCH: President Rodrigo #Duterte’s Talk to the Nation, Dec. 28, 2020
International Criminal Court, The Judges of the Court, Accessed Jan. 4, 2021
International Judicial Monitor, Justice in Profile: Chile Eboe-Osuji, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, Judge Chile Eboe-Osuji, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, Judge Raul Cano Pangalangan, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, Presidency and Chambers, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, Judicial Divisions, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, The Judges of the Court, Accessed Jan. 4, 2021
RTVMalacañang Official Youtube Channel, Meeting with the Filipino Community in Papua New Guinea (Speech) 11/16/2018, Nov. 16, 2018
Pastor Apollo C. Quiboloy Official Facebook Page, GUTD – July 16, 2019 with Philippine President Duterte, July 16, 2019
RTVMalacañang Official Youtube Channel, Closing Ceremony of the National ROTC Summit (Speech) 12/20/2019, Dec. 24, 2019
Presidential Communications Operations Office, From the Presidential Spokesperson, March 14, 2018
International Criminal Court, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed Jan. 5, 2021
International Criminal Court, The ICC at a Glance, Accessed Jan. 5, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)