Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Ang pakana sa likod ng mga scam: Bakit hindi namamatay ang mga death hoax

Anong isang mabilis na paraan para kumita ng pera ang iyong website?

By VERA Files

Jun 9, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Anong isang mabilis na paraan para kumita ng pera ang iyong website?

“Patayin” ang mga pampublikong personalidad at celebrity.

At kung paniniwalaan ang lahat ng bagay na nasa internet, sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, dating First Lady Imelda Marcos at ang pinakamayamang tao sa bansa na si Henry Sy Sr. ay namatay nang hindi bababa sa dalawang beses sa loob ng nakaraang dalawang taon.

Nitong Mayo lamang, hindi bababa sa anim na celebrity ang “namatay” — Robin Padilla, Baron Geisler, Shaina Magdayao, Eddie Garcia, ang artistang Mr. Bean na si Rowan Atkinson, at Jet Li.

Ang mga ulat kamakailan tungkol sa kanilang pagkamatay dahil sa mga malubhang sakit, pagkakabangga ng kotse o pumalpak na stunt ay peke lahat, ikinalat ng mga promotor ng fake news para makuha ang atensyon ng mga mambabasa at kumita ang kanilang social media (website).

Ang mga death hoax ay hindi na bago, ngunit makikita sa pagtatasa ng VERA Files na ang mga pekeng istorya na lumabas nitong Mayo ay may parehong istilo ng panlilinlang at advertisement codes, na nagpapahiwatig na iisang network ng mga magkakaugnay na website ang maaaring nasa likod ng lahat ng pamemeke at humahakot ng lahat ng pera.

Natuklasan 1: Umiiwas sa Internet security promotor ng death hoax

Mula Mayo 10 hanggang 19, hindi bababa sa siyam na death hoaxes ang umikot sa social media matapos mai-post sa anim na website:

  • cdmstv.info
  • damdamag.abalsimot.com
  • mannagado.com
  • pagsakdotidolyares.com
  • orasna.gmplustv.com
  • 24oras.gmplustv.com

Nagkukunwaring tunay na balita at gamit ang mga headline na “breaking news,” ang bawat post na ito ay may kasamang video na nagpapahiwatig na isang ulat tungkol sa pagkamatay ng tinutukoy na sikat na personalidad.

Sa loob ng dalawang segundo, isang kahina-hinalang Facebook “security check” ang lalabas bago ang mismong pangalan ng namatay na pampublikong personalidad na nabanggit, na mag uudyok sa mga nanonood na ibahagi ang video; kapag nag-click, ang pop-up ay mapupunta sa isang post na babalik sa parehong kuwento.

Ang pagbubukas ng mga video sa Youtube ay magbibigay daan sa mga ulat na walang kinalaman sa tinutukoy na celebrity, kundi sa isang balita noong Mayo 2, 2017, sa GMA News kaugnay ng pagkamatay ng aktor na si Romeo Vasquez o isang pagkilala noong Pebrero 20, 201,7 ng Fox News sa kanyang reporter na si Brenda Buttner na namatay sa kanser.

Ang mga gumagawa ng death hoax ay nagpaplano maigi para hindi maharang, sabi ng Flemish application developer na si Maarten Schenck, na sumusubaybay at naglalantad ng maling impormasyon online.

Ang Facebook “security check ” na nakita sa mga death hoax nitong Mayo ay nauna nang ginamit sa “The Great Rowan Atkinson Death Hoax of March 18, 2017,” ang tawag ni Schenck dito, na naglarawan sa panlalansi na “mapanlinlang.”

“Bakit ito mapanlinlang? Nangangahulugan na ang may-ari ng site ay maaaring magkalat ng ‘binhi’ ng maramihang mga bersyon ng kuwento sa Facebook, bawat isa ay may ibang indibidwal na URL, na magiging mas mahirap harangin ang kuwento,” sinulat ni Schenck sa kanyang teknikal na pagsusuri.

Natuklasan 2: Mga promotor ng death hoax nagkukunwaring mapagkakatiwalaan

Dalawa sa anim na mga website, para madagdagan ang kredibilidad, ay nagkunwaring may koneksyon sa mainstream media na GMA News Online sa pamamagitan ng paggamit ng mga mapanlinlang na URL:

  • orasna.gmplustv.com
  • 24oras.gmplustv.com

Ang mga promotor ng death hoax ay gumagamit ng ilang mga paraan ng panloloko. Gumagawa sila ng mga impostor na site na ginagaya ang mga URL ng mga lehitimong tanggapan ng media. Sabi ni Schenck, “Habang mas kapanipaniwalang ang panlolokong iniharap, mas mahusay itong gagana.”

Halimbawa, bago ang orasna.gmplustv.com at 24oras.gmplustv.com nitong Mayo, mga impostor na site na abs-cbn-breaking-news.blogspot.com, viral-abscbn.blogspot.com at ww1.abs.cbn-tv.com, na ginaya ang URL ng media network ABS-CBN, ang nag post simula ng taong ito ng mga pekeng ulat na namatay sina Jinkee Pacquiao at Ely Buendia.

Ang mga celebrity ay nag-post ng “patunay na sila ay buhay” sa social media ilang sandali lamang matapos ang maging viral ang mga panloloko. (Tingnan ang: Jinkee Pacquiao’s Instagram post, Ely Buendia’s tweet, VERA FILES FACT CHECK: Maine Mendoza’s death a hoax)

Natuklasan 3: Ang mga gumawa ng death hoax ay lumikha ng maraming pagkakakitaan ng pera

Sa sandaling matapos ang pag-load ng bawat siyam na kuwento, ang mga mambabasa ay may makakakuha ng hindi bababa sa mga 20 patalastas na kukuha ng higit na mas malaking espasyo kaysa sa aktwal na nilalaman, mula sa mga mahimalang diyeta at sex pills hanggang sa mga “herbal” na gamot at paraan para sa mabilis pagyaman.

Ang lahat ng anim na website ay may iisang Google Analytics ID (UA-27839201) at ilang magkakaparehong Google Adsense ID (ca-pub-7673427120527181, ca-pub-4056248652527790, ca-pub-1596817368955612), na nagpapahiwatig na isa lamang indibidwal o grupo ang nasa likod ng mga hoax.

Ang Google Analytics at Google Adsense ay mga programa na pinapatakbo ng Google upang subaybayan at pamahalaan ang mga advertisement sa website. Mayroon silang mga ID, o mga tagapagpakilala na bukod-tangi sa isang publisher at maaaring gamitin sa mga website na pagmamay-ari ng publisher.

Sa kabuuan, 76 mga domain ang gumagamit ng Analytics ID UA-27839201, kabilang ang cdnmstv.com, csvnmstvsg.com at news.sharedtodaytv.com, na isang taon na ang nakararaan ay naglabas na ng mga death hoax tungkol sa mga aktor na sina Atkinson at Dwayne Johnson.

Ang News.sharedtodaytv.com, na naglathala noong 2017 ng death hoax tungkol kay Mr. Bean, gumagamit ng Adsense ID ca-pub-1596817368955612 sa mannagado.com at damdamag.abalsimot.com, na nag-post nitong Mayo ng hoaxes tungkol sa kanila Geisler at Garcia.

Ang dami ng mga patalastas sa mga website na naglathala ng mga death hoax ay malinaw na nagpapakita na “pera ang isang malaking puwersa para sa mga ganitong uri ng panloloko,” sabi ni Schenck. Naniniwala siya na ang mga patalastas na ito ay tumatakbo para sa eksaktong uri ng madla na hinahanap ng mga kliyente ng network ng ad nito: “Ang mga taong naniniwala sa anumang bagay sa internet at magki-click sa lahat ng iyong inilagay sa harap nila.”

Ang mga death hoax ay “lumulunod sa kritikal na pag-unawa ng mga tao kahit paano, na humahantong sa pagkilos base sa kanilang damdamin sa halip na katwiran,” sabi ni Schenck. “Ang kanilang unang pag-iisip ay ‘O! Ito ay kakila-kilabot! imbes na’ Oh? Totoo ba ito?'”

Ang mga pekeng obitaryo na ito ay maaaring hindi magdala ng kaparehong implikasyon sa pampublikong polisiya tulad ng mga pekeng balita sa pulitika, ngunit ang mga epekto nito ay hindi dapat maliitin.

“Maaari rin silang makawasak ng damdamin sa mga kaibigan at pamilya ng target, at ang kanilang mga tagahanga, sa isang paraan na lalong mas malalim kaysa sa pagiging kasangkot sa isang pekeng pagsasabwatan, korapsyon o sex scandal na hoax,” sabi ni Schenck.

Ang fact-checking website na Snopes, na sumusubaybay sa mga death hoax, kabilang sa iba pa, ay nagsasabi sa mga gumagamit ng social media na “huwag madaling maniwala, laging magtanong, at laging magsaliksik ng ilang mga minuto” para maiwasang malaglag sa mga death hoax.

“Huwag magtiwala sa iyong nabasa maliban kung ito ay mula sa nauna nang naeksamin na site. Maging mapaghinala sa mga headline na mukhang nagnanais magpasilakbo ng galit – ang mga pag-click bunsod ng matinding galit ay nagdadala ng trapiko sa web para sa mga ito,” sabi ng Snopes. – Celine Samson

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.