Isang mambabasa ng VERA Files Fact Check ang humiling na imbestigahan ang isang istorya online na nagsasabing si President Rodrigo Duterte ay lilitisin sa International Criminal Court (ICC) dahil sa extrajudicial killings o EJK.
Aming ineksamin. Gawa-gawa lang ang istorya.
Ang website na france24-tv.com, na naglabas ng istoryang “We are Going to Put Duterte on Trial in January—ICC,” ay ginagaya lang ang france24.com, isang internasyonal na kumpanya ng telebisyon sa France na nagbobrokas 24/7.
Ang pagdaragdag ng mga karakter tulad ng “-tv” sa URL ng mga website ng balita ay isang pangkaraniwang taktika ng mga website na nagpapanggap na lehitimo.
May iba pang palatandaan na ang France24-tv.com ay isang pekeng site ng balita — walang mga byline o mga pangalan ng sumulat; walang About US at Contact Us na mga seksyon. Ayon sa isang domain name lookup service, ang website ay nilikha lamang noong Okt. 14 at naglabas ng unang kuwento noong Okt. 20.
Nang hingan ng komento, sinabi ni Atty. Ruben Carranza ng International Center for Transitional Justice na kung ang piskal ng ICC ay magsasagawa ng isang pormal na hakbang, ito ay tinatawag na “preliminary examination.”
Dagdag pa, ito ay tutukoy sa sitwasyon sa isang bansa imbes na sa partikular na mga tao sa puntong iyon, sinabi ni Carranza.
Sa aming pagtsek, ang huling istorya ng France 24 kay Duterte noong Okt. 29 ay tungkol sa kanyang pagtalaga kay Rep. Harry Roque bilang presidential spokesperson.