Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Dela Rosa inulit ang maling pahayag na nahaharap siya sa kaso sa ICC

Binanggit na naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagdinig sa Senado ang maling impormasyon na mayroon siyang kaso sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Mapanlinlang din niyang sinabi na ipagpapatuloy niya ang kampanya kahit na siya ay "bitayin" ng korte na nakabase sa Netherlands.

By VERA Files

May 27, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Binanggit na naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagdinig sa Senado ang maling impormasyon na mayroon siyang kaso sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Mapanlinlang din niyang sinabi na ipagpapatuloy niya ang kampanya kahit na siya ay “bitayin” ng korte na nakabase sa Netherlands.

Iginiit ni Dela Rosa noong Peb. 17 na siya at si dating pangulong Rodrigo Duterte ay “co-accused” sa isang kaso sa ICC dahil sa kontrobersyal na “war on drugs” ng huli. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Bato mali sa pagsasabi na siya ay ‘co-accused’ ni Duterte sa imbestigasyon ng ICC)

PAHAYAG

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Mayo 23, nagpahayag ng pagkadismaya ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa pagkakasangkot ng 49 na anti-narcotics police operatives sa tangkang pagtatakip sa pag-aresto sa kanilang ang kapwa opisyal na si Rodolfo Mayo Jr., na sinasabing nagmamay-ari ng isang lending company sa Maynila kung saan hindi bababa sa 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon ang nasamsam noong Oktubre 2022.

Sinabi ni Dela Rosa:

“Ang kinasasama ng loob ko dito sa inyo,… makinig kayong lahat mga pulis. Ako, umaabot na ‘yong kaso ko sa ICC dahil sa paglalaban natin sa droga, dahil sa ating war on drugs. Tapos kayo pala, pera-pera ang iniisip ninyo. Kayo pa ang pasok sa sindikato.”

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines official YouTube channel, Committee on Public Order and Dangerous Drugs (May 23, 2023), Mayo 23, 2023, panoorin mula 02:37:07 hanggang 02:37:32

Sa huling bahagi ng halos anim na oras na pagdinig, sinabi niya:

“Ang buhay ko naka-alay na dito sa anti-drugs. ‘Yong adbokasiya ko ‘yan hanggang mamatay ako. Lalabanan ko ‘yang anti-drugs na ‘yan kahit na bitayin ‘nyo ko sa ICC, kahit sa’n tayo aabot dito.”

 

Pinagmulan: panoorin mula 04:44:56 hanggang 04:45:08

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t pinangalanan si Dela Rosa sa kahilingang ilunsad ang drug war probe noong 2021, hindi pa natukoy ni ICC Prosecutor Karim Khan ang sinumang mga suspek na kakasuhan ng mga krimen laban sa sangkatauhan na nangyari sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Inulit ni Dela Rosa ang maling pahayag na may kaso siya sa ICC Bagama’t pinangalanan si Dela Rosa sa kahilingan para ilunsad ang drug war probe noong 2021, wala pang pinangangalanan si ICC Prosecutor Karim Khan na mga suspek na maaaring makasuhan ng crimes against humanity kaugnay sa kampanya laban sa droga ng Duterte administration.

Bukod kay Dela Rosa, binanggit ni dating ICC prosecutor na si Fatou Bensouda, na humiling na buksan ang ganap na pagsisiyasat, si Duterte at ang iba pa niyang matataas na opisyal, tulad ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II, para sa pag-uudyok ng karahasan sa drug war, na humahantong sa ang pagpaslang sa libu-libong hinihinalang drug personalities.

Nagbigay din ng nakaliligaw na pahayag ang senador nang sinabi nitong handa siyang bitayin ng ICC para sa kanyang paglaban sa iligal na droga. Ang international tribunal ay nagpapataw lamang ng pagkakakulong na hanggang 30 taon o habambuhay na pagkakakulong at/o mga multa sa mga suspek na nahatulan ng mga internasyonal na krimen.

FACT CHECK: Nakaliligaw ang sinabi ni Dela Rosa na ipagpapatuloy niya ang laban sa droga kahit bitayin ng ICC Hindi nagpapataw ang ICC ng death penalty. Tanging pagkakakulong na aabot ng 30 taon o life imprisonment na may kasamang multa sa mga suspek na napatunayang gumawa ng international crimes ang iginagawad nito.

Bilang PNP chief mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018, ipinatupad ni Dela Rosa ang brutal na giyera kontra droga ni Duterte. Ang 12,000 hanggang 30,000 na pagpatay na may kaugnayan sa droga, na tinatantya ni Khan, at iba pang mga krimen, tulad ng arbitrary detention at sexual violence, mula Hulyo 2016 hanggang Marso 16, 2019 ang pinagtutuunan ng imbestigasyon ng ICC.

Saklaw din ng imbestigasyon ni Khan ang mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa rehiyon ng Davao mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016, kabilang ang mga pagpatay ng grupong vigilante na “Davao Death Squad”.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines official YouTube channel, Committee on Public Order and Dangerous Drugs (May 23, 2023), May 23, 2023

International Criminal Court official website, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed May 24, 2023

International Criminal Court, Public redacted version of “Request for authorisation of an investigation pursuant to article 15(3)”, June 14, 2021

Senate of the Philippines official, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa – Senate of the Philippines, Accessed May 23, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.