Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Bato mali sa pagsasabi na siya ay ‘co-accused’ ni Duterte sa imbestigasyon ng ICC

WHAT WAS CLAIMED

Si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ay akusado sa kasong may kinalaman sa mga pagpatay kaugnay ng drug war na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC).

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Bagama’t pinangalanan sina Dela Rosa at dating pangulong Rodrigo Duterte sa hiniling na imbestigasyon ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda noong Hunyo 2021, walang tinukoy na mga suspek sa drug probe ang Office of the Prosecutor.

By VERA Files

Feb 21, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), na siya ay akusado sa kasong may kinalaman sa drug-related killings na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC). Ito ay hindi totoo.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag matapos maghain ng resolusyon noong Peb. 15 ang 19 na mambabatas, sa pangunguna ni dating pangulo-ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, na humihimok sa House of Representatives na magbigay ng “walang pag-aalinlangang suporta” kay dating pangulong Rodrigo Duterte kasunod ang desisyon ng ICC na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito sa mga pagpatay.

(Basahin AT A GLANCE: House Resolution to support Duterte vs ICC probe)

PAHAYAG

Sa isang press conference noong Peb.17, nagpasalamat si Dela Rosa sa mga mambabatas na lumagda sa resolusyon:

“I am very grateful to our colleagues in the House of Representatives, (e)specially to [Senior Deputy Speaker] GMA for spearheading the resolution. I cannot do the same in the Senate since it is very self-serving on my part being (sic) co-accused with the former president.

“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa ating mga kasamahan sa House of Representatives, lalo na kay [Senior Deputy Speaker] GMA sa pangunguna sa pagsulong ng resolusyon. Hindi ko iyan magagawa sa Senado dahil magiging masyadong self-serving para sa akin dahil akusado ako kasama ang dating pangulo.”

 

Pinagmulan: Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa official Facebook page, Nagbigay reaksyon si Sen. Bato sa ngayon’y isinusulong na H.Res.780 (archive), Peb. 17, 2023

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t pinangalanan sina Dela Rosa at Duterte noong Hunyo 2021 na kahilingan para sa imbestigasyon ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda, walang mga suspek sa drug probe na natukoy ng Office of the Prosecutor.

“Ang karamihan ng mga pampublikong pahayag na ginawa ni Duterte at iba pang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na sumusuporta at, sa ilang mga pagkakataon, humihimok sa publiko na patayin ang mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng droga ay nagpapahiwatig din ng isang patakaran ng Estado na atakehin ang mga sibilyan,” isinulat ni Bensouda sa kanyang kahilingan noong 2021.

Binanggit din niya ang mga pahayag ni Dela Rosa bago pa man ito maging hepe ng PNP.

“Bago ipahayag bilang kauna-unahang hepe ng Pambansang Pulisya ng administrasyong Duterte, ipinaliwanag ni Dela Rosa ang ‘focus’ ng nalalapit na [War on Drugs] policy na ‘papatayin ang mga sangkot sa droga. Magkakaroon ng mga pagpatay sa illegal drug trade’,” sinabi ni Bensouda.

Noong Enero 26, nagpasya ang ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa drug war ni Duterte at sa 2011-2016 Davao Death Squad killings para sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan. Ang Article 7, paragraph 1 ng Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, ay tumutukoy sa mga krimen laban sa sangkatauhan bilang bahagi ng isang “laganap o sistematikong pag-atake na nakadirekta laban sa sinumang populasyon ng sibilyan, na may kaalaman sa pag-atake.”

Ayon sa website ng ICC, maaaring hilingin ng prosecutor nito sa Pre-Trial Chamber na mag-isyu ng summons o arrest warrants pagkatapos matukoy ang mga suspek na pinaka responsable sa krimeng iniimbestigahan. Ang hukuman ay umaasa sa mga partido ng estado ng ICC upang ipatupad ang mga warrant na ito.

Inabisuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang korte noong Peb. 3 na iaapela nito ang desisyon na magpatuloy sa pagsisiyasat at mayroon hanggang Marso 13 para maghain ng apela.

(Basahin ICC grants PH government request to extend deadline for filing of appeal brief)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa official Facebook page, Nagbigay reaksyon si Sen. Bato sa ngayo’y isinusulong na H.Res.780, Feb. 17, 2023

International Criminal Court, Public redacted version of “Request for authorisation of an investigation pursuant to article 15(3)”, 24 May 2021, ICC-01/21-7-SECRET-Exp, June 14, 2021

International Criminal Court, Rome Statute, accessed on Feb. 20, 2023

International Criminal Court, How the Court Works, accessed on Feb. 20, 2023

International Criminal Court, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023

International Criminal Court, Decision on the Republic of the Philippines’ application for extension of time to file the appeal brief, Feb. 17, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.