Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte nagbago ng isip – mula ‘gagamitin’ hanggang sa ‘huwag pansinin’ ang PCA ruling

Mula sa kanyang limang araw na opisyal na pagbisita sa China, si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpalit ng posisyon – mula sa "gagamitin" naging "huwag pansinin" ang makasaysayang panalo ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea sa Permanent Court of Arbitration (PCA).

By VERA Files

Sep 17, 2019

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mula sa kanyang limang araw na opisyal na pagbisita sa China, si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpalit ng posisyon – mula sa “gagamitin” naging “huwag pansinin” ang makasaysayang panalo ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea sa Permanent Court of Arbitration (PCA).

Sa isang talumpati noong Set. 10, sinabi ni Duterte na siya at si Chinese President Xi Jinping ay nagkasundo na “huwag pansinin” ang pinagtatalunan sa West Philippine Sea — kasama ang panalo sa PCA — upang makagawa ng higit pang “pang-ekonomiya” na kasunduan, tulad ng joint oil at gas exploration sa lugar.

Taliwas ito sa mga pahayag ni Duterte at ng Palasyo bago ang pagbisita na “dumating na ang oras” para “gamitin” ng pangulo ang PCA ruling.

Gayon pa man, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na sa memorandum of understanding at kasunod na Terms of Reference sa paggalugad ng langis at gas ay hindi kinakailangan na isantabi ang arbitral ruling:

The terms of reference really just fleshes out the memorandum of agreement which is very clear: no legal position of either side is compromised when you enter into this agreement

(Ang terms of reference ay talagang dinetalye lamang ang memorandum of agreement na napakalinaw: walang ligal na posisyon ng magkabilang panig ang nakompromiso kapag pumasok ka sa kasunduang ito).”

Pinagmulan: ABS-CBN News, Joint oil, gas exploration deal won’t compromise PH arbitral win: Locsin, Set. 11, 2019

Noong Hulyo 2016, nagpasya ang PCA pabor sa Pilipinas, na idineklara ang ilang mga feature sa South China Sea na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Pinawalang-bisa rin nito ang pag-angkin ng teritoryo ng China batay sa nine-dash line na sumasaklaw sa halos 80 porsyento ng buong South China Sea. Iba pang mga bansa — Brunei, Malaysia, Taiwan, at Vietnam – ay nag-aangkin din ng ilang mga bahagi ng lugar. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte says the name ‘South China Sea’ reflects China’s historical claim)

Sa gitna ng pagtatalo sa teritoryo, si Duterte ay nakipagmabutihan sa China mula nang maging pangulo ng bansa noong 2016. Sa natitirang tatlong taon sa kanyang anim na taong termino, kahit ang mga “biro” ng pangulo sa bagay na ito ay nagbago.

Noong Abril 2016, sinabi ng kandidato sa pagkapangulo na si Duterte na “sasakay siya ng jet ski” sa West Philippine Sea na dala-dala ang watawat ng Pilipinas upang “itulos ang pag-angkin ng bansa” kung tinanggihan ng China ang desisyon ng PCA. Noong Marso 2018, inamin niya na isa itong “biro.”

Ngayon, si Duterte, sa parehong talumpati noong Set. 10, ay nagsabing sakaling magkaroon ng giyera laban sa China dahil sa pagtatalo, mas gugustuhin niyang “magtago”:

I want (Gusto ko sina) [former Foreign Affairs Secretary Albert] Del Rosario and [Supreme Court Senior Associate Justice Antonio] Carpio leading the way (ang mangunguna). Ako magtago lang ako sa kusina doon sa barko, hindi ako magpunta doon sa deck.”

Pinagmulan: RTVMalacanang, Oath-Taking Ceremony ng Malacañang Press Corps (MPC), Presidential Photojournalists Association (PPA), at Malacañang Cameramen Association (MCA), Set. 10, 2019, panoorin mula 1:03:35 hanggang 1:03: 56

Panoorin kung paano nagbago ang paninindigan ng pangulo sa PCA ruling.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacanang, Oath-Taking Ceremony of the Malacañang Press Corps (MPC), Presidential Photojournalists Association (PPA), and Malacañang Cameramen Association (MCA), Sept. 10, 2019

Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitration Award, July 12, 2016

Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE: SOUTH CHINA SEA ARBITRATION AWARD, July 12, 2016

RTVMalacanang, Press Briefing, Aug. 6, 2019

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.