Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Department of Agriculture (DA) ay nakakakuha ng pinakamalaking bahagi ng pambansang budget pagkatapos ng Department of Education (DepEd). Sumasang-ayon si Agriculture Undersecretary Bernadette Romulo-Puyat.
Parehong mali.
PAHAYAG
Sa isang briefing noong Dis. 27 sa Lanao del Norte, tatlong araw pagkatapos ng bagyong Vinta sa Mindanao, sinabi ni Duterte:
“Malaki naman ang pondong nakalaan namin sa agriculture. Tingin ko, sunod sa education, ang pinakamalaki ay ang iyong departamento?”
Pinagmulan: Komento ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Meeting, Dis. 27, 2017, panoorin mula 24:14 hanggang 24:25
Tumango si Puyat.
FACT
Nakuha ng DA at mga ahensya sa ilalim nito ang ikasiyam na pinakamalaking bahagi ng 2017 pambansang budget, na may P45.22 bilyon.
Kabilang dito ang Agricultural Credit Policy Council, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Meat Inspection Service, Philippine Carabao Center, Philippine Center for Post-Harvest Development and Mechanization, Philippine Council for Agriculture and Fisheries at Philippine Fiber Industry Development Authority.
Dagdag dito, nakatanggap din ito ng P4.90 bilyon para sa suporta sa budget sa mga korporasyon ng gobyerno tulad ng National Dairy Authority, Philippine Crop Insurance Corporation, Philippine Fisheries Development Authority, Philippine Rice Research Institute, Philippine Sugar Corporation at Sugar Regulatory Administration.
Nakuha ng DepEd ang pinakamalaking bahagi ng 2017 budget sa P544.11 bilyon; sinusundan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), P454.72 bilyon; Department of Interior and Local Government (DILG), P148.04 bilyon; Department of National Defense (DND), P137.18 bilyon; Department of Social Welfare and Development (DSWD), P128.30 bilyon; Department of Health (DOH), P96.34 bilyon; mga state university at kolehiyo (SUCs), P58.72 bilyon; at Department of Transportation (DOTr), P53.35 bilyon.
Ang 2018 na pambansang budget, na pinirmahan ni Duterte noong Dis. 19, ay nagbibigay ng P53.34 bilyon sa DA at mga ahensya sa ilalim nito, ang ikasiyam din na pinakamalaking bahagi para sa taon. Nakatanggap din ang DA ng P6.47 bilyon para sa suporta sa budget sa mga korporasyon ng pamahalaan.
Sa pagkakataong ito, ang DPWH ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi sa P637.86 bilyon; kasunod ang DepEd, P553.31 bilyon; DILG, P170.76 bilyon; DND, P149.70 bilyon; DSWD, P141.81 bilyon; DOH, P107.30 bilyon; DOTr, P66.34 bilyon at SUCs, P62.12 bilyon.
Sa kanyang mensahe sa pagsusumite ng 2018 budget GAA, sinabi ni Duterte:
“Sa pamamagitan ng budget na ito, ilalatag natin ang pundasyon para sa isang matatag, maginhawa at panatag na buhay sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga nakapagpapalagong programa ng imprastraktura at mga makabagong ideya, nakapagbabawas ng hindi pagkakapantay-pantay na mga serbisyong panlipunan at mga hakbangin sa kapayapaan.”
Pinagmulan: Budget Message ng Presidente para sa 2018, Hulyo 24, 2017
Ang unang priyoridad na binanggit ay “pagbabawas ng hindi pagkakapantay-pantay,” kung saan ang “pagpapalawak ng mga oportunidad na pang-ekonomiya sa agrikultura, forestry, at pangingisda” ay nakalista.
Mga pinagmulan ng impormasyon:
Department of Budget and Management, Summary of 2018 General Appropriations Act
Department of Budget and Management, Summary of 2018 General Appropriations Act
DBM, President’s Budget Message, July 24, 2017
Department of Budget and Management, Summary of 2018 General Appropriations Act
DBM, Summary of 2017 General Appropriations Act
DBM, Summary of 2017 General Appropriations Act