Binawi ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang kanyang unang anunsyo na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay karapat-dapat na makatanggap ng tulong pang-edukasyon sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng kanyang tanggapan.
Ito ay matapos dumagsa ang mga tao sa central office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City para sa unang pamamahagi ng cash aid noong Sabado, Agosto 20, at nagkaroon ng mga ulat ng stampede sa isang paaralan sa Zamboanga City na nagsilbing distribution center.
Sa ilalim ng programa, ang mga mag-aaral sa elementarya mula sa mga pamilyang nasa krisis ay kwalipikadong tumanggap ng P1,000; high school students, P2,000; senior high students, P3,000; at mga mag-aaral sa kolehiyo at vocational, P4,000. Maaaring makakuha ang isang pamilya ng tulong para sa hanggang tatlong anak.
PAHAYAG
Sa panayam sa CNN Philippines, nilinaw ni Tulfo na isang lider ng 4Ps ang nagtama sa kanya sa pamamagitan ng isang text message, na sinabing ang mga benepisyaryo ng programa, na nagbibigay na ng tulong pang-edukasyon, ay hindi kasama sa AICS batay sa patakaran ng gobyerno.
Sinabi niya:
“Opo, alam din po kasi nila ‘yan… na kasama po sa kondisyon na pinirmahan nila […] dahil ang 4Ps mismo ay isang klase na ng educational assistance. Para po sa mga bata ito… kasi hindi ka pwedeng maging 4Ps member kung wala kang anak na nag-aaral.”
Pinagmulan: CNN Philippines Official Youtube Channel, DSWD Sec. Erwin Tulfo | The Source, Agosto 22, 2022, panoorin mula 8:55 hanggang 9:15
Naunang binanggit ni Tulfo, sa parehong panayam, na nagkamali siya sa pagsabi sa isang “ambush interview” na kasama ang mga 4Ps recipients sa listahan ng mga karapat-dapat sa AICS program kasunod ng sandamakmak na tanong ng mga mamamahayag.
ANG KATOTOHANAN
Sa press briefing sa Palasyo ng Malacañang noong Agosto 18, apat na araw bago ang opisyal na pagpapatuloy ng face-to-face classes, inihayag ni Tulfo na mamimigay ang gobyerno ng cash assistance sa “indigent students” sa buong bansa sa ilalim ng AICS program ng DSWD.
Sa pagsagot sa isang katanungan upang linawin kung ang mga tumatanggap ng 4Ps ay kasama sa programa, sinabi ni Tulfo:
“Oo, sir. Kasama po sila sa programa na ito. At hindi lang po 4Ps, kahit hindi ka 4Ps. Marami po ang nagtatanong – magandang tanong po – kung hindi po kayo 4Ps pero kayo ho ay nasa krisis, lahat naman po ngayon ng mga mahihirap ay nasa krisis […] pwede po kayo.”
Pinagmulan: PTV Official Youtube Channel, WATCH: Press briefing with Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles | August 18, 2022, Agosto 18, 2022 panoorin mula 20:23 hanggang 20:44
BACKSTORY
Humingi ng paumanhin si Tulfo sa tinawag niyang “gulo” na nangyari noong Agosto 20. Sinabi niya na makikipagtulungan na ang DSWD sa Department of Interior and Local Government para maayos ang pamamahagi ng education assistance.
Parehong sinabi nina Tulfo at Assistant Social Welfare Secretary Rommel Lopez na dapat ibalik ng mga benepisyaryo ng 4Ps na nakatanggap ng cash aid noong Sabado ang pera. Kung mabibigo silang gawin ito, ang halaga ay ibabawas mula sa mga susunod na regular na conditional cash transfer na natatanggap nila sa ilalim ng programa.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Department of Social Welfare and Development, Memorandum Circular No. 15, Series of 2022, Hulyo 29, 2022
Department of Social Welfare and Development, Assistance to Individuals in Crisis Situation, Na-access noong Agosto 24, 2022
CNN Philippines, Gov’t to recalibrate system as long lines, large crowds hound educational aid rollout, Agosto 20, 2022
Inquirer.net Official Youtube Channel, Large crowd swarms DSWD central office for distribution of educational aid, Agosto 20, 2022
GMA News Online, Crowds flock to DSWD as it starts giving educational assistance, Agosto 20, 2022
Sunstar Zamboanga, Stampede mars education aid distribution, Agosto 21, 2022
Philstar.com, 29 hurt in stampede in Zambo educational cash aid payout, Agosto 20, 2022
Inquirer.net, 29 injured in stampede over DSWD cash aid payout in Zamboanga, Agosto 20, 2022
Department of Education, DepEd releases guidelines for School Year 2022-2023, Hulyo 12, 2022
PTV Official Youtube Channel, WATCH: Press briefing with Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles | August 18, 2022, Agosto 18, 2022
CNN Philippines Official Youtube Channel, DSWD Sec. Erwin Tulfo | The Source, Agosto 22, 2022
DSWD Official Facebook Page, BASAHIN I Mensahe ni Kalihim Erwin T. Tulfo, Agosto 20, 2022
ANC Official Youtube Channel, ‘I made a mistake’: DSWD Chief Tulfo apologizes for ‘chaotic’ distribution of education aid | ANC, Agosto 22, 2022
GMA News Online, 4Ps beneficiaries who received education aid need to refund grant —Tulfo, Agosto 22, 2022
Inquirer.net, DSWD: 4Ps grantees who got student aid must return money, Agosto 23, 2022
Radio Mindanao Network, Student cash aid na natanggap ng benepisyaryo ng 4Ps noong Sabado, ipinare-refund, Agosto 22, 2022
Department of Social Welfare and Development, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act: Implementing Rules and Regulations, Disyembre 10, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)