Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Kandidato pagka-senador, Charlie Gaddi mali sa datos ng OFWs, pagmimina

Mali si Gaddi ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority at Mines and Geosciences Bureau.

By CONTRIBUTED BY VJ BACUNGAN

Mar 19, 2019

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Masyadong pinababa ng independyenteng kandidato pagka-senador na si Charlie Gaddi ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFW) at mali rin ang ibinigay niyang halaga ng lokal na industriya ng pagmimina sa isang debate sa telebisyon.

 

PAHAYAG

Noong Marso 3 “Harapan” town hall debate ng ABS-CBN, si Gaddi at ang iba pang mga kandidato ay tinanong kung paano nila matutugunan ang kontraktwalisasyon o “endo,” kung saan ang mga empleyado ay tinatanggap sa kumpanya para sa limitadong panahon at patuloy na inuulit ang kanilang kontrata para maiwasan ang pagbabayad ng mga benepisyong natatanggap ng mga regular na empleyado.

Sumagot si Gaddi na ang ugat ng problema ay ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas, na humantong sa pagtratrabaho ng maraming mga Pilipino sa ibang bansa:

“Ang problema po natin ngayon, ang ating ekonomiya ay walang kakayahan na magbigay ng trabaho. Ito ay pinatutunayan ng pito hanggang 10,000 Pilipino na ngayon ay nasa isang bansa.”

Pinagmulan: ABS-CBN News, Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate, Marso 3, 2019, panoorin mula 40: 27-40: 42

Si Gaddi ay tinanong din sa segment na “Fast Talk” sa parehong debate kung susuportahan niya ba ang pagbabawal sa pagmimina sa Pilipinas. Sinabi niyang dapat itong pansamantalang suspindihin:

 

“Pansamantala itigil muna dahil kinakailangan i-rationalize po natin ‘yan. Hindi po natin nakikita kung saan napupunta yung mga tax (buwis) na iyan. Ang totoo, pangatlo tayo sa merong pinakamalalaking mina sa mundo. Meron po tayong $875 bilyon na halaga ng mina, pero saan po napupunta ang kita niyan?”

Pinagmulan: ABS-CBN News, Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate, Marso 3, 2019, panoorin mula 1: 03: 19-1: 03: 48

 

ANG KATOTOHANAN

Ang pinakabagong mga datos mula sa Philippine Statistics Authority ay nagpapakita na mula Abril hanggang Setyembre 2017 humigit-kumulang 2.3 milyong manggagawang Pilipino ang na-deploy sa ibang bansa, na nag-remit ng tinatayang P205.2 bilyon.

Ang Philippine Overseas Employment Agency, ang pangunahing ahensya ng gobyerno na inatasang mag-monitor at mangasiwa sa mga ahensya ng recruitment sa bansa, ay nagsabing sa isang paunang ulat na 1,050,621 OFWs ang na-deploy mula Enero hanggang Hunyo 2018 — 950,809 na land-based at 99,812 sea-based na manggagawa.

Samantala, sa pinakahuling ulat sa Mineral Industry Statistics ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ay tinatantya ang 2017 gross production value ng industriya ng pagmimina, na may kinalaman sa kabuuang halaga ng mga mineral na nakuha, sa P170.2 bilyon o $ 3.2 bilyon.

Ang large-scale metallic mining ang may pinakamalaking kontribusyon na P109.5 bilyon, sumunod ang small-scale gold mining na may P900 milyon, at non-metallic mining, P59.8 bilyon. Sinabi rin ng MGB na ang industriya ay nagbayad ng P25.7 bilyon na buwis sa taong iyon at kumita ng higit sa $ 4.25 bilyon (P224 bilyon) mula sa mga mineral at non-mineral export.

Sinabi ng MGB na noong 2012 ang Pilipinas ay panlima sa buong mundo sa pangkalahatang mga reserbang mineral, na may tinatayang $840 bilyon na hindi pa nakukuhang deposito ng mineral tulad ng ginto, tanso, nikel, chromite, mangganese, pilak, at bakal.

 

 

MGA PINAGMULAN

ABS-CBN News, Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate, March 3, 2019

Mines and Geosciences Bureau, Mining Industry Statistics, Nov. 19, 2018

Philippine Overseas Employment Agency, Deployed Overseas Filipino Workers – By Type of Hiring (2006 to 1st semester 2018)

Philippine Statistics Authority, 2017 Survey on Overseas Filipinos, May 18, 2018

Senate Economic Planning Office, Realizing the Philippines’ Mining Potential, December 2013

 

(Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.)

(Ang VERA Files ay bahagi ng Tsek.ph, isang pagtutulungan sa fact-checking na inisyatibo ng akademya at ng media para sa 2019 midterm na halalan sa Pilipinas.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.