Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: LTO Chief bumaligtad sa sinabing contingency plan para sa kakulangan ng mga plaka

WHAT WAS CLAIMED

Ipinagbabawal ang pag-print ng sarili plaka.

OUR VERDICT

Flip-flop:

Ang mga may-ari ng sasakyan ay “maaaring gumawa ng plate number” kung walang inisyu ang Land Transportation Office.

By VERA Files

May 3, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa gitna ng inaasahang kakulangan sa supply ng mga plaka para sa mga motorsiklo at sasakyan, binago ni Land Transportation Office (LTO) chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang kanyang naunang pahayag na maaaring “gumawa” ng plate number ang mga may-ari ng sasakyan para matugunan ang isyu ng kakulangan.

PAHAYAG

Sa isang press briefing noong Abril 27, sinabi ni Tugade:

“Unang-una po siguro, nais ko lang pong bigyang liwanag na bawal po mag-print ng sariling plaka. Bawal po gumawa ng sariling plaka. Ang natukoy ko po doon sa nabanggit ko ay dalawang uri po no’ng plaka: Mayro’n po tayong temporary plate at meron din po tayong improvised plate. Pero nais ko lang pong ulitin ulit bawal po mag-print ng sariling plaka.”

 

Pinagmulan: Land Transportation Office – Philippines, LTO PRESS CONFERENCE, Abril 27, 2023, panoorin mula 00:05 hanggang 00:51

ANG KATOTOHANAN

Binawi ni Tugade ang kanyang pahayag noong nakaraang araw nang sabihin niya na ang mga may-ari ng mga sasakyang de-motor ay maaaring “‘gumawa ng kanilang sariling plaka”‘ bilang bahagi ng contingency plan ng LTO upang matugunan ang nakaambang kakulangan.

Noong Abril 26, sinabi ii Tugade, sa isang panayam sa ANC:

“One of the contingencies that we have in place is to allow the temporary issuances of motor vehicle plates and motorcycle plates by the owner. So, for example, ‘yung motorcycle owners, in the absence of a plate number, they can create a plate number and on the plate number it will state the motor vehicle file number of the motorcycle.”

(“Isa sa mga contingency na mayroon tayo ay payagan ang pansamantalang pag-iisyu ng mga motor vehicle plates at motorcycle plates ng may-ari. Kaya, halimbawa, ‘yung motorcycle owners, kapag walang plate number, puwede silang gumawa ng plate number at sa plate number nakalagay ang motor vehicle file number ng motorsiklo.”)

 

Pinagmulan: ANC 24/7, Headstart: LTO Chief Jay Art Tugade on ID cards shortage, extension of driver’s license validity, Abril 26, 2023, panoorin mula 18:09 hanggang 18:47

Dagdag pa niya, ibe-verify ng mga opisyal ng LTO ang mga plate number na ito sa pamamagitan ng pagtutugma ng kanilang mga file number sa nakasaad sa registration certificate ng sasakyan, katulad ng mga kasalukuyang protocol para sa mga bagong sasakyan.

VERIFIED FLIP-FLOP: LTO Chief bumaligtad sa sinabing contingency plan para sa kakulangan ng mga plaka

Bukod sa pag-iisyu ng mga opisyal na plaka, pinapayagan ng LTO ang mga may-ari at driver ng sasakyan na gumamit ng pansamantalang plaka o improvised plate.

Sa press briefing noong Abril 27, ipinaliwanag ni Tugade na ang tinutukoy niyang pansamantalang mga plaka ay ang ibinibigay ng mga car dealer para sa mga bagong kotse at motorsiklo. Naglalaman ang mga ito ng conduction sticker para sa mga kotse at ang file number ng sasakyang de-motor para sa mga motorsiklo.

Noong Marso 10, naglabas ang LTO ng memorandum na nagpapahintulot sa paggamit ng mga pansamantalang plaka habang tinutugunan ng ahensya ang backlog sa paggawa at pag-iisyu ng mga plaka. Inuulit nito ang utos ng ahensya noong Enero 11, 2017 na nagbibigay ng mga detalye para sa mga pansamantalang plaka na dapat sundin ng mga dealers na accredited ng LTO.

Ang mga improvised plate naman ay ginagamit bilang substitute plate ng mga may-ari ng sasakyan na ang mga opisyal na plaka ay ninakaw, nawala, nasira o nabasag. Ang parehong uri ng mga plaka ay nangangailangan ng pahintulot para magamit mula sa LTO.

Noong press time, iniulat ng LTO na ang pinakahuling imbentaryo nito ay nagpapakita na mayroon lamang isang milyong mga plaka sa stock nito para sa mga motorsiklo at 300,000 para sa mga sasakyang de-motor sa buong bansa.

Nauna rito, ibinunyag din ng ahensya na nauubusan na ng stock ng mga plastic driver’s license card, na humihimok sa mga opisina ng LTO na ilabas ang mga temporary driver’s license documents na naka-print sa likod ng mga opisyal na resibo.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Land Transportation Office – Philippines, LTO PRESS CONFERENCE, April 27, 2023

ANC 24/7, Headstart: LTO Chief Jay Art Tugade on ID cards shortage, extension of driver’s license validity, April 26, 2023

Land Transportation Office – Philippines, Reiteration of Memorandum Dated 11 January 2017, March 10, 2023

Land Transportation Office – Philippines, Memorandum: Conduction Sticker Number as Temporary License Plate Number, Feb. 20, 2017

Metropolitan Manila Development Authority, Rules on Plate Numbers, updated June 7, 2022

Land Transportation Office – Philippines, PRESS CONFERENCE 4/20/2023, April 27, 2023

Land Transportation Office – Philippines, Dahil sa kapos na suplay ng plastic cards

OFFICIAL RECEIPT NG DRIVER’S LICENSE, PANSAMANTALANG IPAGAGAMIT BILANG LISENSYA – LTO, April 20, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.