Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Mali ang pahayag ni Sen. Revilla na si Imelda Marcos ang utak ng flood control tax

WHAT WAS CLAIMED

Si dating unang ginang Imelda Marcos ang pasimuno ng 25-centavo flood control tax na kinokolekta sa mga tiket sa sinehan noong 1972.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Ang 25-centavo flood tax ay ipinataw sa loob ng 15 taon sa ilalim ng Presidential Decree No. 18, na nilagdaan noong Okt. 7, 1972 ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., na lumikha ng Metropolitan Manila Flood Control and Drainage Council.
Maaaring napagkamalan ni Sen. Ramon Revilla Jr. ang flood control tax na may hiwalay na 25-centavo fee, na galing din sa movie ticket sales, na ipinatupad bilang “cultural development tax (CDT)” noong 1982 noong gobernador ng Metro Manila si Imelda Marcos.

By VERA Files

Aug 14, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Hindi totoo ang sinabi ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na si dating first lady Imelda Marcos ang nasa likod ng flood control tax noong 1972.

Ang 25-sentimong “special metropolitan flood tax” ay ipinataw sa tiket ng lahat ng sinehan sa Metro Manila alinsunod sa Presidential Decree (PD) No. 18 na nilagdaan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. dalawang linggo matapos niyang ipailalim ang buong bansa sa batas militar noong Set. 21, 1972.

PAHAYAG

Sa joint hearings ng Senate committees on public works ang environment, natural resources and climate change noong Agosto 9, sinabi ni Revilla, tagapangulo ng Committee on Public Works:

“As early as the 70s, no less than our president’s mother, madam Imelda Marcos, the mother of Senator Imee [Marcos], acknowledged the problem of flooding in our society. She even instituted the flood control tax collecting 25 centavos for the sale of movie tickets during the golden age of Philippine cinema, when the ticket booths were flocked by the public.”

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Committee on Public Works, Aug. 9, 2023, watch from 28:41 – 29:12

ANG KATOTOHANAN

Sa ilalim ng PD 18, na pinirmahan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong Okt. 7, 1972, ipinataw ang 25-sentimong special metropolitan flood tax na sa bawat tiket sa sinehan at kinolekta sa loob ng 15 taon. Itinatag ng PD 18 ang Metropolitan Manila Flood Control and Drainage Council (MMFCDC) na pinamunuan ng kalihim ng Public Works and Communications at miyembro nito ang 14 na mayors na bumuo ng Metropolitan Mayors Coordinating Council.

Maaaring nalito si Revilla sa flood control tax at “cultural development tax,” isa pang 25-sentimong buwis na ipinatupad ni Imelda Marcos bilang gobernador ng Metro Manila noong 1982. Siningil din ito sa movie tickets na, ayon sa isang ulat ng WE Forum, ay kinolekta kasabay ng flood control tax

#VERAFIED: MALI ang pahayag ni Sen. Revilla na si Imelda Marcos ang utak ng flood control tax Ang 25-sentimong buwis na kasama sa bawat tiket sa sinehan ay ipinataw sa ilalim ng Presidential Decree No. 18 na pinirmahan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong Oktubre 1972. Itinatag ng batas ang Metropolitan Manila Flood Control and Drainage Council, kung saan hindi kailanman naging miyembro ang dating unang ginang.

Itinatag ang MMFCDC upang bumuo at ipatupad ang isang flood control at drainage program para sa  Metro Manila.

Bago ipinasara ang Kongreso matapos ideklara ang batas militar noong Set. 21, 1972, inendorso ni Marcos Sr. na “urgent legislation” ang panukala ng Senado na magtatag ng programang flood at drainage control para sa Greater Manila Area.

Ang Metropolitan Mayors’ Coordinating Council (MMCC) ang nag-sponsor nito kasunod ng 20 araw na delubyo sa buong Luzon noong Hulyo 1972.

Isinailalim na lang sa PD 18 ang programa sa flood control na isinulong ng MMCC bago ideklara ang batas militar.

“Ang mga panukalang nagtatag sa MMFCDC at sa flood tax ay malinaw na hindi direktang nagmula sa mag-asawang Marcos,” ayon sa Marcos Regime Research Group ng UP Third World Studies Center.

Noong 1979, napasailalim ang MMFCDC sa bagong-tatag na Ministry of Public Works.

Sa isang referendum noong Peb. 27-28, 1975, bumoto ang mga residente ng Greater Manila Area para pagsamahin ang apat na siyudad at 13  munisipyo sa ilalim ng MMFCDC. Mula rito, binuo ang Metropolitan Manila Commission (MMC).

Nagsilbing gobernador ng Metro Manila at tagapangulo ng MMC si Imelda Marcos. Kaakibat nito, isa sa mga tungkulin ng MMC ang pag-ayos ng flood control sa buong metro.

Hindi kailanman naging miyembro ng MMFCDC si Imelda.

Itinakda sa PD 18 ang pangongolekta ng flood control tax sa loob ng 15 taon. Sa pagwawakas nito noong 1987, binuwag ang MMFCDC at ang Ministry of Public Works at itinatag ang Department of Public Works and Highways.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Official Gazette, Presidential Decree No. 18, s. 1972, Oct. 7, 1972

Official Gazette, Proclamation No. 1069, s. 1972, Aug. 31, 1972

Philippine Planning Journal, Vol. IV, No. 1, The Metropolitan Mayors Coordinating Council, Oct. 1972

The Manila Times, Group prods Senate on flood control bill, Aug. 28, 1972

Conrado de Quiros, Dead Aim: How Marcos Ambushed Philippine Democracy (pp. 277-278), 1997

Greg Bankoff, Cultures of Disaster: Society and Natural Hazard in the Philippines (p. 73), 2003

Philippine News Agency, Reminiscing on July-August 1972, 2023 typhoons and floods, Aug. 10, 2023

Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 546, s. 1979, July 23, 1979

Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1366, s. 1974, Dec. 31, 1974

Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1366-A, s. 1975, Jan. 12, 1975

Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1392, s. 1975, Feb. 20, 1975

Michael Pante, The Politics of Flood Control and the Making of Metro Manila, Philippine Studies: Historical & Ethnographic Viewpoints, Vol. 64, No. 3/4 (pp. 572-573), Sept.-Dec. 2016

Official Gazette, Presidential Decree No. 824, s. 1975, Nov. 7, 1975

Inquirer.net, Film academy strapped for cash, awards stalled, June 21, 2012

The Philippine Star, Where has the 25¢ flood tax gone?, Dec. 9, 2000

WE Forum, Moviegoers to pay additional ₱0.25 (pp. 1, 3), Dec. 1-2, 1982

Official Gazette, Executive Order No. 124, s. 1987, Jan. 30, 1987

UP Third World Studies Center, Personal communication (email), Aug. 10, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.