Bumoto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng pabor sa pagpasok ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) noong siya ay senador noong 2011. Bilang head of state ngayon, idineklara niya noong Agosto 1 na hindi na muling sasali ang bansa sa korte na nakabase sa The Netherlands matapos mag-withdraw noong 2018.
Panoorin ang video na ito:
Noong Setyembre 2021, ang mga proseso sa ICC ay umusad sa isang imbestigasyon sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng pagsugpo ng pamahalaan sa ilegal na droga. Gayunpaman, ang pagsisiyasat ay pansamantalang nasuspinde pagkalipas ng dalawang buwan sa kahilingan ng gobyerno kay ICC prosecutor Karim Khan, kahalili ni Fatou Bensouda, na ipagpaliban para bigyan daan ang sariling imbestigasyon at paglilitis ng estado.
Ngunit nabigo ang gobyerno na kumbinsihin si Khan na itigil ang imbestigasyon. Noong Hunyo 24, hiniling niya sa pre-trial chamber ng ICC na payagan ang pagpapatuloy ng pagsisiyasat.
Habang hinihintay ang desisyon nito, inimbitahan ng chamber noong Hulyo 14 ang gobyerno ng Pilipinas at ang mga biktima ng giyera laban sa droga na magsumite hanggang Setyembre 8 ng karagdagang mga obserbasyon at komento sa kahilingan ni Khan.
Noong Agosto 1, sinabi ni Marcos na pag-aaralan ng kanyang legal team ang nararapat na tugon o aksyon sa imbitasyon ng chamber.
“Para alam natin ang gagawin natin kung sasagot tayo, kung hindi tayo sasagot. Kung sakali man sasagot tayo, anong magiging sagot natin? O posible din, basta hindi natin papansinin dahil hindi naman tayo sumasailalim sa kanila,” sinabi niya.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Office of the Press Secretary official website, Media interview of President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. during his visit to the Pasig City Sports Complex vaccination site for the PinasLakas Booster Vaccination Campaign (transcript), Agosto 1, 2022
Senate of the Philippines official website, Senate Journal for Session No. 12, Agosto 23, 2011
Senate of the Philippines official website, 15th Congress – Senate Resolution No. 546 (pdf), Na-access noong Agosto 2, 2022
Senate of the Philippines official website, Press Release – PRIB: Senate approves ratification of Rome Statute on final reading, Agosto 23, 2011
United Nations official website, Philippines ratifies the Rome Statute of the International Criminal Court, Agosto 30, 2011
United Nations official website, Notice of withdrawal to the Rome Statute of the Philippines, Marso 17, 2018
International Criminal Court official website, Information for victims (Republic of the Philippines), Na-access noong Agosto 4, 2022
International Criminal Court official website, Order inviting observations and victims’ views and concerns, Hulyo 14, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)