Sa hindi bababa sa dalawang social media posts, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang ekonomiya ng Pilipinas ay nangunguna sa lahat ng bansa sa Asia pagdating sa paglaki ng projected gross domestic product (GDP) batay sa ulat ng International Monetary Fund (IMF) noong Abril. Ito ay hindi totoo.
PAHAYAG
Nag-post ang pangulo ng litrato ng GDP growth forecast ng Pilipinas kumpara sa mga bansa sa Asia na may caption na:
“Nangunguna ang ekonomiya ng Pilipinas sa buong Asya sa 6% nitong projected GDP growth ayon sa World Economic Outlook na inilabas ng International Monetary Fund nitong Abril.”
(“Nangunguna ang ekonomiya ng Pilipinas sa buong Asia sa 6% nitong projected GDP growth ayon sa World Economic Outlook na inilabas ng International Monetary Fund nitong Abril.”)
Pinagmulan: Bongbong Marcos’ official Facebook and Twitter accounts, Nangunguna ang ekonomiya… (archived links), Abril 21, 2023
Ang Department of Finance ay naglathala ng katulad na tweet makalipas ang dalawang araw:
“In its WEO (April 2023), the IMF raised the country’s growth forecast from 5% to 6% — the highest in Asia — and lowered the global growth projection from 2.9% to 2.8%.”
(“Sa WEO nito (Abril 2023), itinaas ng IMF ang forecast ng paglago ng bansa mula 5% hanggang 6% — ang pinakamataas sa Asia — at ibinaba ang global growth projection mula 2.9% hanggang 2.8%.”)
Pinagmulan: Opisyal na Twitter account ng Department of Finance, The @IMFNews expects (archive), Abril 23, 2023
Noong Abril 20, nakita ng VERA Files Fact Check ang parehong post sa Twitter account ng pangulo na nag label sa India at China bilang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Tinanggal na ito.
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag, hindi pinakamataas ang projected GDP growth ng Pilipinas sa mga bansa sa Asia. Pang apat ang ranggo nito sa listahan ng IMF ng 30 emerging at developing economies sa rehiyon, na may projected GDP growth na 6%. Nangunguna ang Palau na may 8.7%, sinundan ng Maldives na may 7.2%.
Habang nangunguna ang Pilipinas sa mga miyembro ng ASEAN sa mga tuntunin ng tinatayang GDP growth ngayong taon, ipinapakita ng mga projection ng IMF na sa 2024, babagal ang ekonomiya sa 5.8% growth.
Ang India at China ay hindi miyembro ng ASEAN at hindi rin sila kabilang sa mga founding state ng grupo.
BACKSTORY
Binago ng IMF ang 2023 projected GDP growth ng Pilipinas sa 6% noong Abril, mula sa 5.0% noong Enero ngayong taon.
Ang pagtaas ay maaaring maiugnay sa muling pagbubukas ng China ng ekonomiya nito, na pakikinabangan ng Pilipinas, sabi ni Krishna Srinivasan, direktor ng Asia-Pacific Department ng IMF.
Gayunpaman, ibinaba ng IMF ang global GDP growth outlook nito sa 2.8%, mula sa 2.9% sa nakaraang forecast nito noong huling bahagi ng Enero. Inaasahan nito ang paglago na aabot sa 3.0% sa 2028, na inilalarawan ng fund bilang “pinakamababang medium-term forecast sa mga dekada.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Bongbong Marcos’ official Facebook and Twitter accounts, Nangunguna ang ekonomiya…, April 21, 2023
Department of Finance official Twitter account, The @IMFNews expects…, April 23, 2023
Bongbong Marcos’ official Twitter account, Lalo pa nating…, April 20, 2023
Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), About ASEAN, Accessed April 26, 2023
International Monetary Fund, Emerging and Developing Economies in Asia, April 11, 2023
International Monetary Fund, Database—WEO Groups and Aggregates Information, October 2021
Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ASEAN member states, Accessed April 26, 2023
Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), History: The Founding of ASEAN, Accessed April 26, 2023
Backstory
- Business World Online, MF hikes Philippine growth outlook, April 12, 2023
- Manila Bulletin, IMF raises PH 2023 growth forecast to 6%, April 12, 2023
- CNN Philippines, IMF hikes PH growth outlook for 2023 to 6%, April 12, 2023
- International Monetary Fund, Transcript of April 2023 Asia and Pacific Department Press Briefing, April 13, 2023
- International Monetary Fund, World Economic Outlook: A Rocky Recovery, April 11, 2023
- International Monetary Fund, World Economic Outlook: Inflation Peaking Amid Low Growth, Jan. 31, 2023
- World Economic Forum, IMF warns of weakest medium-term global growth outlook in 30 years, and other economy stories you need to read this week, April 14, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)