Kinokontra ni Finance Secretary Benjamin Diokno si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa estado ng debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ng bansa.
Sinusukat ng ratio ang kabuuang utang ng gobyerno bilang porsyento ng GDP, na siyang halaga ng lahat ng mga produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng bansa sa loob ng isang tiyak na tagal ng panahon. Ito ay isang “pangunahing tagapagpahiwatig ng sustainability ng pananalapi ng pamahalaan,” ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development.
PAHAYAG
Sa isang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa panukalang 2024 budget sa House of Representatives, tinanong ni Albay Rep. Edcel Lagman ang economic managers tungkol sa mga implikasyon ng naunang pahayag ng pangulo tungkol sa debt-to-GDP ng bansa na ito ay “nakababahala.”
Sumagot si Diokno:
“Well I don’t know what’s the… Can anybody say…? It’s not worrisome, Your Honor. It’s not worrisome… I don’t know where…”
(“Ah hindi ko alam kung ano ang… Maaari bang sabihin ng kahit na sino…? Hindi ito nakababahala, Your Honor. Hindi ito nakababahala… Hindi ko alam kung saan…”)
Pinagmulan: House of Representatives, FY 2024 Budget Briefings (Committee) DBCC: DBM, NEDA, DOF, BSP (Part 2), Ago. 10, 2023, panoorin mula 24:33 hanggang 24:45
Idinagdag niya:
“The rule of thumb, Your Honor, before the crisis is that if your debt-to-GDP ratio is 60%, you’re okay… [R]emember, before the pandemic, Your Honor, our debt-to-GDP ratio was only in the neighborhood of 40% more or less. And we have to borrow money because of the pandemic, and it went up to around 62% but that’s still manageable, Your Honor. Right now, because of the pandemic, I would say that the new rule of thumb should be around 70%, Your Honor.”
(“Ang pamantayan, Your Honor, bago nangyari ang krisis ay kung ang iyong debt-to-GDP ratio ay 60%, okay ka… Tandaan, bago ang pandemic, Your Honor, ang ating debt-to-GDP ratio ay nasa 40% lamang humigit-kumulang. At kailangan nating humiram ng pera dahil sa pandemic, at umabot ito sa humigit-kumulang 62% ngunit ito ay mapapamahalaan pa rin, Your Honor. Sa ngayon, dahil sa pandemic, masasabi ko na ang bagong pamantayan ay dapat nasa 70% na, Your Honor.”)
Pinagmulan: panoorin mula 24:57 hanggang 25:37
Ang DBCC ay nagrerepaso at nag-aapruba sa mga macroeconomic target, revenue projection, borrowing level at ang taunang pambansang budget at mga prayoridad sa paggasta bago ito irekomenda sa Gabinete at sa pangulo. Binubuo ito ng Department of Budget and Management, National Economic and Development Authority, Department of Finance at Bangko Sentral ng Pilipinas at Office of the President.
FLIP-FLOP
Isang araw bago ang briefing, binanggit ni Marcos ang kanyang pagkabahala sa debt-to-GDP ratio ng bansa sa harap ng mga miyembro ng United States-Association of Southeast Asian Nations Business Council.
Sinabi niya:
“Although we worry about our debt-to-GDP ratio in the Philippines as it stands, it’s about 63% and that’s a little high for us, and it is not ideal. I’d say we’re doing better than our neighbors, perhaps. But nonetheless, it’s still something that we need to be looking at and the way that we believe we can pull ourselves out of that debt ratio and improve that debt ratio is through growth.”
(“Bagaman kami ay nag-aalala tungkol sa aming debt-to-GDP ratio sa Pilipinas, ito ay nasa 63% at iyon ay medyo mataas para sa amin, at hindi ito ideal. Masasabi kong mas mahusay kami kaysa sa aming mga kapitbahay, marahil. Ngunit gayunpaman, ito ay isang bagay pa rin na kailangan naming tingnan at ang paraan na pinaniniwalaan namin na mag-aalis sa aming sarili sa debt ratio na iyon at mapabuti ang debt ratio ay sa pamamagitan ng paglago (ng ekonomiya.”)
Pinagmulan: RVMalacañang, Courtesy Call of U.S.-ASEAN Business Council (Speech), Ago. 9, 2023, panoorin mula 17:18 hanggang 17:51
Target ng administrasyong Marcos na maabot ang GDP growth na 6.5% hanggang 8% sa 2024. (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Report ni Marcos sa SONA tungkol sa 6.4% GDP growth rate nangangailangan ng konteksto)
Iniulat ng Bureau of the Treasury na ang debt-to-GDP ratio ay nasa 61% noong Hunyo 2023. Itinuturing ng multilateral lenders tulad ng International Monetary Fund ang 60% na threshold bilang mapapamahalaan para sa mga umuunlad na ekonomiya tulad ng Pilipinas.
Nauna nang nagbabala si Nicholas Mapa, senior economist sa ING Bank, na habang tumatagal ang Pilipinas sa taas ng antas na ito, “mas magiging susceptible” ito sa credit rating downgrade “ng hindi bababa sa isa sa rating agencies.” Ang credit rating ay nagpapahiwatig ng kakayahan ng isang entity na bayaran ang mga obligasyong pinansyal nito.
Ang credit rating profile ng Pilipinas ay “stable outlook” sa pagtatasa ng hindi bababa sa tatlong ahensya: S&P Global, Fitch Ratings at Moody’s Investors.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: ‘Mapapamahalaan’ pa ba ang utang ng Pilipinas?)
BACKSTORY
Sa panukalang 2024 national expenditure program, ang mga pagbabayad ng interes sa utang ay umaabot sa P670.47 bilyon at P28.70 bilyon para sa net lending. Ang principal amortization, na hindi kasama sa panukalang budget, ay humigit-kumulang P1.24 trilyon.
Sa ilalim ng panukalang badyet, plano ng administrasyon na humiram ng P2.46 trilyon sa susunod na taon para tustusan ang budget deficit ng bansa, na umabot sa P551.7 bilyon noong Hunyo 2023
Idiniin ni Lagman na ang kabuuang debt servicing ay humigit-kumulang isang-katlo (o 32.9%) ng P5.76-trilyong pambansang budget.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Organisation for Economic Cooperation and Development official website, General government debt, accessed Aug. 17, 2023
Department of Budget and Management, 185th DBCC Meeting, accessed Aug. 17, 2023
United Nations Conference on Trade and Development, A world of debt: A growing burden to global prosperity, July 2023
U.S. Securities and Exchange Commission, Updated Investor Bulletin: The ABCs of Credit Ratings, accessed Aug. 17, 2023
S&P Global, Asia-Pacific Banking Country Snapshots_Pain Within Expectations, Aug. 9, 2023
Fitch Ratings, Fitch Revises Outlook on Philippines to Stable; Affirms at ‘BBB’, May 22, 2023
Moody’s Investors Service, Banking System Outlook – The Philippines: Outlook remains stable as economic recovery limits asset risks, March 1, 2023
Department of Budget and Management, Debt Service Fund-Interest Payment, accessed Aug. 17, 2023
Department of Budget and Management, National Government Fiscal Program, FY 2022-2026, accessed Aug. 17, 2023
Department of Budget and Management, National Government Debt Service Expenditures, FY 2022-2024, accessed Aug. 17, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)