Dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan ang gobyerno na mangutang ng napakalaking P3.2 trilyon upang pamahalaan ang walang katulad na krisis sa kalusugan at ekonomiya na kinabibilangan ng pagbibigay ng mga stimulus package para sa maliliit na negosyo, mga benepisyo sa nawalan ng trabaho, mga insentibo at tulong pinansyal para sa health at iba pang kinakailangang manggagawa.
Ang pambansang utang noong 2021, isang taon matapos tumama ang pandemya, ay umabot sa P11.72 trilyon na higit sa kalahati (60.4%) ng gross domestic product (GDP) ng bansa o ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng bansa sa isang partikular na panahon.
Sa simula ng 2023, isang international debt watcher ang nag-ulat na ang Pilipinas ay kabilang sa ilang mga bansa na makakakita ng pagbaba sa kanilang debt stock “ng ilang percentage points” batay sa inaasahang mataas na nominal na GDP growth.
“Ngunit ang kanilang mga pasanin sa utang ay mananatili pa rin na mas mataas sa mga antas bago nag pandemic,” sinabi ng Moody’s Investors Service, isang integrated financial risk assessment firm na nakabase sa United States (U.S.), noong Enero 9.
Magkano ang natitirang utang ng Pilipinas? Mapapamahalaan pa ba ito? Ano ang ginagawa ng gobyerno upang mapagaan ang pasanin sa utang? Nakipag-usap ang VERA Files Fact Check sa mga ekonomista upang himayin ang mga obligasyon sa utang ng bansa:
1. Magkano ang utang ng Pilipinas?
Dahil sa pandemic-induced na pangungutang ng gobyerno, ang kabuuang utang ng bansa ay lumobo sa pinakamataas na record na P13.64 trilyon mula sa mga domestic at foreign lender hanggang noong Nobyembre 2022, ayon sa Bureau of Treasury (BTr). Ito ay tumaas ng P3.15 bilyon o 0.02% mula sa nakaraang buwan “pangunahin dahil sa epekto ng halaga ng lokal na pera” laban sa dolyar ng U.S. sa mga foreign currency loan. Bumagsak ang piso ng hanggang 16.7% sa all-time low na P59 kada $1 noong Oktubre.
Tingnan ang infographic na ito na naglalarawan sa profile ng utang ng Pilipinas:
Sa pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P5.26-trilyong budget para sa 2023, kailangang humiram ang gobyerno ng P2.207 trilyon pa para mapunan ang inaasahang budget deficit. Ito ay P1.65 trilyon mula sa domestic sources at P553.5 bilyon mula sa external sources.
2. Mapapamahalaan ba ang kasalukuyang utang? Mapapanatili ba ito?
Noong Disyembre 2022, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang “debt burden nananatiling mapapamahalaan” kumpara sa ibang mga bansa tulad ng Indonesia, Thailand, Malaysia, Peru, at Mexico.
Ipinapakita ng datos mula sa BTr na ang ratio ng utang sa GDP na 63.7% noong Nobyembre ay ang pinakamataas sa loob ng 17 taon at mas mataas sa international threshold para sa debt sustainability na 60%.
Nagbabala si Nicholas Mapa, senior economist sa ING Bank, na habang tumatagal ang debt-to-GDP ratio ay nananatili sa itaas ng antas na ito, mas “madaling tablan” ang Pilipinas sa pagbaba ng credit rating “ng hindi bababa sa isa sa mga rating agency.”
Ang isang downgrade ay mangangahulugan ng mas mataas na mga gastos sa pangungutang at ito ay maaaring magkaroon ng “negatibong epekto” sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis dahil ang gobyerno ay “maaaring kailanganin na taasan ang mga buwis upang masagot ang pagtaas ng utang para sa mas mahal na financing,” paliwanag niya.
Ang mas mataas na mga gastos sa pangungutang ay maaari ding mangahulugan na ang mga antas ng utang ay “maaaring mas malaki” o “magiging mas maliit ang pagpopondo at suporta ng pamahalaan para sa mga programa nito” dahil ang pera ay mapupunta sa pagbabayad ng interes sa mga pautang na ito. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos contradicts Diokno on giving ‘ayuda’ amid COVID-19 crisis)
Tinutukoy ng U.S. Securities and Exchange Commission ang credit rating bilang “isang pagtatasa ng kakayahan ng isang entity na bayaran ang mga obligasyong pinansyal nito.” Binanggit ng BSP na ang Pilipinas ay may “malakas na credit profile” mula sa hindi bababa sa tatlong credit rating agencies: Moody’s, S&P Global, at Fitch Ratings.
3. Ano ang ginagawa ng pamahalaan upang mapagaan ang pasanin sa utang?
Batay sa isinabatas na 2023 budget program, magbabayad ang gobyerno ng P582.32 bilyon para sa pagbabayad ng interes at P28.7 bilyon para sa net lending.
Hindi kasama rito ang P1.01 trilyon para sa principal amortization “bilang expense item sa ilalim ng anumang accounting standard” dahil ito ay “pagbabayad ng debt obligations mula sa mga gastusin na naitala na noong nakaraan,” ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Bukod sa awtomatikong alokasyon para sa pagbabayad ng utang sa budget, sinabi ng Marcos economic team na uunahin nitong palakasin ang paglago ng ekonomiya ng 6.5% hanggang 8% at target na ibaba ang debt-to-GDP ratio sa 50% sa 2028. Ipinapalagay ng projection ang 2% hanggang 4% inflation rate at foreign exchange rates sa pagitan ng P51 at P55.
“Hangga’t ang bansa ay nananatiling nagkakaisa at ang kanyang mga pinunong pampulitika at mga gumagawa ng polisiya ay nananatiling nakatuon sa paglago ng ekonomiya, ang kinabukasan ng Pilipinas ay nananatiling maliwanag,” isinulat ni Diokno sa isang pahayag noong Dis. 28 na nagdedeklara na “tapos na ang pinakamasama” para sa bansa at “inaasahan na ang mas mabuting mga taon.”
Gayunpaman, binigyang-diin ni Peña-Reyes na sa paglago ng ekonomiya kinakailangang “malampasan ang utang” at “malampasan ang inflation,” na umabot sa 14-taong peak na 8.1% sa pagtatapos ng 2022. Sa muling pagbubukas ng ekonomiya, sinabi niya na dapat isaalang-alang ng gobyerno ang endemicity ng COVID-19, ang muling pagbubukas ng China, at potensyal na kapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine na inamin ng National Economic Development Authority ay “headwinds” na nagbabanta sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Ito ay isang maselan na pagbabalanse. Hindi ka lang talaga nagmamadaling magbayad ng mga utang… Kung maglalaan ka ng malaking bahagi ng iyong budget sa pagbabayad ng utang, paano ang iba pang mga serbisyo? Kakaltas ka mula sa mga yan,” sinabi ni Reyes.
Binanggit din ni Rene Ofreneo, presidente ng Freedom from Debt Coalition, ang “major, major na mga problema sa ekonomiya economy, na maaring magpasama sa inaasahang magandang economic forecasts ng mga technocrat.” Binanggit niya ang “kakila-kilabot na mga kahinaan sa kahusayan ng mga operasyon ng pamahalaan na inilalarawan ng pagkasira ng mga circuit breaker sa paliparan ng NAIA,” “ang kawalang-katatagan/pagkakawatak-watak” sa loob ng militar at pambansang pulisya, at “ang walang katapusang krisis sa pagkain/agrikultura na makikita sa krisis sa sibuyas, krisis sa asin, krisis sa asukal, krisis sa mais, krisis sa bigas at iba pa.”
“Ang buong punto ay ang debt sustainability ay nakasalalay sa pangkalahatang tagumpay sa pagpapalago ng ekonomiya. Ang paghawak ng gobyerno sa krisis sa pagkain-agrikultura ay hindi nagbibigay kumpiyansa na ang bansa ay nasa landas upang maabot ang 6-8% taunang growth rate sa gitna ng pabagu-bago at hindi tiyak na kaayusan sa ekonomiya ng mundo,” aniya.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Dr. Ser Percival Peña-Reyes, Personal communication (Interview), Dr. Ser Percival Peña-Reyes, Jan. 9, 2023
Nicholas Mapa, Personal communication (Interview), Nicholas Mapa, Jan. 9, 2023
Dr. Rene Ofreneo (Freedom from Debt Coalition), Personal communication (Interview), Jan. 17, 2023
Department of Finance, Fiscal consolidation and resource mobilization plan necessary to reverse P3.2-T COVID-related debt and recover from economic crisis–DOF, May 25, 2022
Philippines may ease debt burden in 2023
- Moody’s Investors Service, Philippines, Government of | Reports | Moody’s, accessed Jan. 10, 2023
- PhilStar.com, Philippines debt may ease this year, Jan. 10, 2023
- BusinessWorld, Philippines to see decline in debt burden in 2023, Jan. 10, 2023
Bureau of the Treasury, National Government Debt Recorded at P13.64 Trillion as of end-November 2022, accessed Jan. 10, 2023
Bureau of the Treasury, National Government Debt, accessed Jan. 10, 2023
Bangko Sentral ng Pilipinas, FAQs on Public Sector on Foreign Borrowings, accessed Jan. 10, 2023
Department of Budget and Management, Fiscal Risks Statement 2023, accessed Jan. 17, 2023
Bangko Sentral ng Pilipinas, Bangko Sentral ng Pilipinas Statistics – External Accounts, accessed Jan. 10, 2023
Department of Budget and Management, General Appropriations Act 2023 (Volume 2)
Department of Budget and Management, Budget of Expenditures and Sources of Financing (2023) A2
International Monetary Fund, Factsheet – The Joint World Bank-IMF Debt Sustainability Framework for Low-Income Countries, accessed Jan. 10, 2023
Asian Development Bank, How Much Public Debt is Excessive for Asian Economies?, accessed Jan. 10, 2023
International Monetary Fund, Global Debt Reaches a Record $226 Trillion, accessed Jan. 10, 2023
Department of Finance, DOF clarifies debt burden only a tenth of the 2023 budget, Aug. 25, 2022
Philippines to bring down debt ratio to 50% by 2028
- Manila Bulletin, 50% debt ratio by 2028 achievable—DOF, Nov. 27, 2022
- BusinessWorld, Debt-to-GDP ratio seen to drop to 50% by 2028, Nov. 28, 2022
- Bloomberg, Philippines Sees Debt-to-GDP Ratio Falling to 50% by 2028, Nov. 27, 2022
Department of Budget and Management, MACROECONOMIC PARAMETERS ASSUMPTIONS, FYs 2022 – 2028, accessed Jan. 10, 2023
Department of Finance, THE WORST IS OVER AND THE BEST IS YET TO COME, Dec. 28, 2022
Philippine Statistics Authority, Press Conference on December 2022 Inflation, Jan. 9, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)