Nangangailangan ng konteksto ang pahayag ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “ibibigay” niya sa Commission on Appointments (CA) ang nomination papers ng kanyang running mate at presumptive vice president na si Sara Duterte-Carpio bilang susunod na Education secretary.
PAHAYAG
Sa anim na minutong pagharap sa media noong Mayo 11, inihayag ni Marcos, ang nag-iisang anak na lalaki at kapangalan ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr., na sinimulan na niyang talakayin sa kanyang mga adviser ang mga taong itatalaga niya sa Gabinete at iba pang tanggapan ng gobyerno sa sandaling iproklama siya bilang susunod na pangulo ng bansa.
Sinabi ni Marcos, na naging miyembro ng CA noong manungkulan sa Senado:
“…I think I am already authorized … to announce the first nominee that we will be giving to the Commission on Appointments when the time comes should I be proclaimed. And that is that our incoming vice president (Duterte-Carpio) has agreed to take the brief of [the] Department of Education.”
(…Sa aking palagay, ako awtorisado nang … mag anunsyo ng aking unang nominee na ibibigay ko sa Commission on Appointments sa oras na ako ay maiproklama. At iyon ay pumayag na ang ating incoming vice president (Duterte-Carpio) na tanggapin ang posisyon sa Department of Education.)
Pinagmulan: Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. official Facebook page, LIVE: Presumptive president Bongbong Marcos makes a statement, Mayo 11, 2022, panoorin mula 4:40 hanggang 5:08
Batay sa patuloy na partial at unofficial vote count, parehong nangunguna sina Marcos Jr. at Duterte-Carpio sa presidential at vice presidential race na may mahigit 31 milyong boto bawat isa. Ang Kongreso, na kumikilos bilang board of canvassers para sa nangungunang dalawang posisyon sa ehekutibo, ay magsisimulang mag-canvas ng mga boto sa Mayo 24 at kalaunan ay ipoproklama ang mga nanalo sa katatapos na halalan noong Mayo 9.
KATOTOHANAN
Partikular na nakasaad sa Section 3, Article VII ng 1987 Constitution na ang bise presidente, kung italaga sa isang posisyon sa Gabinete, ay hindi na kailangang sumalang sa pagsusuri ng CA, na may mandato na aprubahan o hindi aprubahan ang mga appointment na ginawa ng pangulo.
“The Vice-President may be appointed as a Member of the Cabinet. Such appointment requires no confirmation.”
(Ang Bise-Presidente ay maaaring italaga bilang Miyembro ng Gabinete. Ang nasabing appointment ay hindi nangangailangan ng kumpirmasyon.)
Pinagmulan: 1987 Philippine Constitution, Section 3, paragraph 2, Na-access noong Mayo 13, 2022
Ang Gabinete ay opisyal na pamilya ng pangulo, na binubuo ng mga pinuno ng iba’t ibang line agencies sa executive branch, kabilang ang Deped.
Bukod sa Cabinet portfolio ng bise presidente, ang iba pang posisyon tulad ng commissioner ng Bureau of Customs, chairperson ng Commission on Human Rights, Ombudsman at mga deputy, mga mahistrado ng Korte Suprema at mga hukom ng mababang hukuman ay hindi nangangailangan ng kumpirmasyon ng CA .
Sa ilalim ng 1987 Constitution, na ginawa kasunod ng pagpapatalsik kay Marcos Sr. noong 1986, ang pangulo ay kinakailangang humingi ng pahintulot ng CA sa paghihirang ng “mga pinuno ng mga executive department, ambassador, iba pang mga pampublikong ministro at konsul, o mga opisyal ng Sandatahang Lakas mula sa ranggo ng koronel o kapitan ng hukbong-dagat, at iba pang mga opisyal na ang mga appointment ay nakatalaga sa kanya.” Ang CA ay may kapangyarihang aprubahan o hindi aprubahan ang mga appointment na ginawa ng pangulo.
Ang CA ay binubuo ng Senate president, 12 senador at 12 miyembro ng House of Representatives. Bagama’t ang mga miyembro nito ay mula sa Kongreso, ito ay isang independent constitutional body na may tungkuling tiyakin ang “checks and balances” sa kapangyarihan ng pangulo na maghirang ng mga opisyal sa gobyerno.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. official Facebook page, LIVE: Presumptive president Bongbong Marcos makes a statement, May 11, 2022
Senate of the Philippines official website, MARCOS TAKES OATH AS NEW CA MEMBER, Aug. 14, 2013
ABS-CBN News official website, Halalan 2022 Election Results, Accessed May 14, 2022
GMA News Online official website, Election Results, Accessed May 14, 2022
Parish Pastoral Council for Responsible Voting, National Local Elections, Accessed May 14, 2022
Official Gazette official website, The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, Accessed May 14, 2022
Commission on Appointments official website, Mandate, Accessed May 14, 2022
Commission on Appointments official website, Confirmation Process, Accessed May 14, 2022
Commission on Appointments official website, THE NEW RULES of the COMMISSION ON APPOINTMENTS and RULES OF THE STANDING COMMITTEES, Accessed May 14, 2022
Official Gazette official website, The Executive Branch, Accessed May 14, 2022
Commission on Appointments official website, Primer, Accessed May 14, 2022
Supreme Court official website, History, Accessed May 14, 2022
Senate of the Philippines official Facebook page, COC RECEPTION ROUNDUP, Accessed May 14, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)