Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Mga impostor ng SSS at DSWD, nagpapakalat ng PEKENG New Year’s Day giveaway

WHAT WAS CLAIMED

May New Year’s Day giveaway ang SSS at DSWD ng mga regalo at ayuda

OUR VERDICT

Peke:

Pinabulaanan ng SSS at ng DSWD ang mga bogus site na nangangako sa mga netizen ng P7,000 New Year’s Day giveaways.

By VERA FILES

Jan 12, 2024

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Kumakalat sa Facebook at Messenger ang link sa mga pekeng website ng Social Security System (SSS) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nangangako ng ayuda at regalo para sa Bagong Taon.

Itinakwil ng SSS at DSWD ang mga pekeng giveaway post. 

Ang mga link, na may domain name na myselfio.xyz, ay papunta sa tatlong website na may pare-parehong paraan ng panloloko na napasinungalingan na ng VERA Files Fact Check.

(Basahin: ‘Mercury Drug’ P7k medical subsidy is FAKE)

Sa mga website na ito ay may pinasasagutang questionnaire sa mga netizen para sa pagkakataong manalo raw ng P7,000. May game din na kailangang laruin, pagkatapos ay sasabihang i-share ang mga link sa Facebook at hihingan ang mga naglaro ng personal na impormasyon. Ipadadala raw ang premyo diretso sa bahay ng mga mananalo sa loob ng lima hanggang pitong araw. 

May pekeng website nitong Jan. 9 na may pamagat na “Philippine Social Security System SSS- New Year social subsidies” at may picture ng SSS sa Ortigas noong 2019.

Nitong Jan. 8, nilinaw ng SSS na hindi sila nagpapa-raffle o namimigay ng pera o mga regalo. Babala ng SSS:

“Ang mga mensaheng ito ay isang paraan ng panloloko upang makuha ang inyong personal na data – huwag maniwala dito at huwag na ikalat sa iba.” 

Isa pang pekeng website ang may pamagat namang “Department of Social Welfare and Development – new Year’s gift.” Ginamit din nito ang picture ng DSWD Field Office 12 mula sa Philippine News Agency.

Pinasinungalingan na ng DSWD noong November ang mga kagaya nitong pekeng website na nangangako rin ng mga papremyong pera. 

May iba pang link na papunta sa website na nagpapanggap na 7-Eleven naman. Pero walang ipino-post na giveaway ang mga official social media page at website ng 7-Eleven. Ang ibang scammer, nagpanggap naman na ibang pribadong kompanya. 

Ang ganitong modus ay kumalat na rin sa ibang lugar gaya ng Africa, India at Indonesia.

Ayon sa Philstar, nakapagtala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group ng 11,071 kaso ng panloloko sa internet (online scam) noong 2023. Ito ang nangungunang krimen sa internet noong nakaraang taon. 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.