Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Mga vaccination card, negatibong COVID-19 tests HINDI na kinakailangan para makaboto sa 2022 halalan

Sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, umiikot sa social media ang maling impormasyon na kailangan ng mga botante na magpakita ng vaccination card o negatibong RT-PCR test para makaboto sa Mayo 9.

By VERA Files

Feb 10, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, umiikot sa social media ang maling impormasyon na kailangan ng mga botante na magpakita ng vaccination card o negatibong RT-PCR test para makaboto sa Mayo 9.

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na hindi ito totoo, at nilinaw na hindi obligado ang mga botante na kumuha ng jab o ipakita ang kanilang proof of vaccination sa araw ng halalan. Ang negatibong RT-PCR test ay hindi rin ipinag-uutos.

PAHAYAG

Sa isang newscast noong Enero 27 ng media organization na News5, ang reporter na si Marie Ann Los Baños ay nagbigay sa mga manonood ng walkthrough kung ano ang kailangan nilang ihanda para sa “pandemic na halalan.” Sa pagbanggit sa Comelec bilang kanyang source, sinabi niya na ang mga botante ay kinakailangang magsuot ng face mask at face shield.

Pagkatapos ay sinabi niya:

“Pagdating po sa inyong voting precinct, kailangan niyo pong i-present ang inyong vaccination card. Sabi ng Comelec, required daw po na vaccinated (nabakunahan) kayo bago kayo makaboto.

Pero para naman sa mga hindi bakunado na gusto pa ring ma-exercise ang karapatan nilang bumoto, kailangan niyo pong dalhin ang pinakahuli ninyong RT-PCR test result at kailangang nag-negative po kayo.”

Pinagmulan: News5 Facebook Page, FRONTLINE TONIGHT, Enero 27, 2022, panoorin mula 19:35 hanggang 19:58

Ang hindi tumpak na ulat ay nai-post din sa opisyal na TikTok account ng News5 noong Enero 28.

Batay sa social media monitoring tool CrowdTangle, ang clip ay ibinahagi ng isang netizen sa ilang Facebook (FB) groups kabilang ang NETIZENS FOR CONSCIENCE AND BRAVERY na may 44,400 miyembro, Gising Na Pinoy na may 28,700 miyembro, at NCR LOCKDOWN, Sentro ng Komunikasyon ng Metro Manilans na may 15,600 miyembro.

Bilang tugon sa maling impormasyon, isang FB user ang nagsulat sa comments section, “Katakotakot (sic) na abala sa botante tiyak baka kakaunti ang mga makakaboto mabuti pa ipagpaliban n[a] lang m[u]na ang eleksyon… kapag bumalik na sa normal saka ituloy ang eleksyon.”

ANG KATOTOHANAN

Sa isang media forum noong Peb. 8, pinabulaanan ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang ulat at sinabing: “Ito ay hindi totoo. Hindi namin iniuutos ang pagpapabakuna. Hindi kami nangangailangan ng patunay ng pagbabakuna. Hindi rin namin hinihiling ang mga RT-PCR test para sa mga botante.”

Ang komisyon ay paulit-ulit itinanggi ang pahayag na ito.

Noon pang Oktubre ng nakaraang taon, sinagot ni Jimenez ang isang netizen na nagtanong sa kanya sa Twitter kung ang gobyerno ay maaaring magpatupad ng “no vaccine, no vote” policy. Sabi niya, “No (Hindi). Walang kinalaman ang vaccination status sa karapatang bumoto.”

 

 

Naglabas na rin ng step-by-step guide ang Comelec kung paano bumoto sa Mayo 9.

Totoong ang mga botante ay kinakailangang magsuot ng mga face mask at face shield, ayon kay Jimenez sa isang online forum noong Enero 26.

Sa pagpasok sa presinto, ang mga botante ay sasailalim sa isang health screening kasama ang isang pagsusuri ng temperatura at mga sintomas.

Ipinaliwanag ng noo’y commissioner Antonio Kho Jr. sa isang Laging Handa Public Briefing noong Mayo 28, 2021 na kapag ang isang botante ay may temperatura na higit sa 37 degrees Celsius, hihilingin sa kanila na magpahinga at pagkatapos ay muli silang susuriin.

“Kung talagang mataas ang kaniyang temperature, lalampas ng 37.5, hindi ho siya [papupuntahin] doon sa kaniyang presinto,” ani Kho.

“Mayroon ho kaming special precinct, ang tinatawag ho nating isolated polling place. Doon ho siya boboto … para lang hindi makahalo siya sa ibang tao, but we will also give him or give her the right to vote (pero ibibigay namin sa kanya ang karapatan na bumoto),” idinagdag niya.

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

Mga Pinagmulan

Commission on Elections, MediaCon 2022, Feb. 8, 2022

CNN Philippines, Comelec: Vaccination card, negative COVID test not required for voting, Sept. 11, 2021

Interaksyon, No vaccine, no vote? Comelec spox says COVID-19 vax status not required on poll day, Oct. 7, 2021

Philippine News Agency, Unvaccinated voters allowed in 2022 polls: Comelec exec, Dec. 4, 2021

Inquirer.net, ‘No vaccine, no vote’ unconstitutional, says Comelec, Dec. 4, 2021

Panay News, ‘VAXXED OR NOT, YOU CAN VOTE;’ Comelec: COVID jab not a requisite to cast ballot, Jan. 19, 2022

Twitter account of James Jimenez, No. Walang kinalaman ang vaccination status sa karapatang bumoto, Oct. 7, 2021

Commission on Elections, MAKE your one vote count. Here’s a step by step guide to cast your vote securely and safely. #VoteSAFE #StaySAFE Pilipinas!, Jan. 31, 2022

Kapihan sa Manila Bay Forum with Marichu Villanueva, Kapihan sa Manila Bay with James Jimenez Head Education and Information Dept. of Comelec, Jan. 26, 2022

People’s Television Network, Alamin ang mga paghahanda ng COMELEC para malaking pagbabago na inaasahang mangyayari sa darating…, May 28, 2021

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.