Nang naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng monkeypox, sinabi ni Presidential Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang sakit ay “hindi partikular na nakamamatay.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) tungkol sa unang natukoy na kaso ng monkeypox sa bansa noong Hulyo 29, tinanong si Cruz-Angeles tungkol sa mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga tao kaugnay ng usapin.
Sinabi niya:
“First of all, it’s only one case. Number two, as you can see, it doesn’t affect the entire population. Number three, this is not like COVID[-19] that can be spread by air very easily and could possibly be fatal. This is not particularly fatal but it is of concern.”
(Una sa lahat, isang kaso lang ito. Pangalawa, tulad ng nakikita ninyo, hindi ito nakakaapekto sa buong populasyon. Pangatlo, hindi ito tulad ng COVID[-19] na napakadaling kumalat sa hangin at madali at posibleng makamatay. Ito ay hindi partikular na nakamamatay ngunit ito ay nakababahala.)
Pinagmulan: RVMalacańang, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Hulyo 29, 2022, panoorin mula 11:49 – 12:10 (idinagdag ang diin)
ANG KATOTOHANAN
Bagama’t ang monkeypox ay hindi kasing tindi ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19), ilang awtoridad sa kalusugan ang nagsabing maaari pa rin itong makamatay.
Ang monkeypox ay isang viral zoonotic disease, na nangangahulugang ang virus na sanhi nito ay orihinal na nailipat mula sa mga hayop patungo sa mga tao. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Dapat bang mag-alala ang mga Pilipino sa monkeypox?)
“Ang mga bagong panganak na sanggol, mga bata at mga taong may underlying immune deficiencies ay maaaring nasa panganib ng mas malubhang sintomas at kamatayan mula sa monkeypox,” isinulat ng World Health Organization (WHO) sa Ingles sa isang briefer noong Hulyo 12.
Sa isang Viber message sa media noong Hulyo 30, binigyang-diin ng DOH na “ang mga sintomas ng monkeypox ay banayad, at ang sakit ay bihirang nakamamatay.” Idinagdag nito na sa monkeypox na dulot ng virus mula sa West Africa, ang datos sa kasaysayan ay nagpakita ng 360 pagkamatay sa bawat 10,000 kaso. Ang mga pagkamatay mula sa monkeypox virus mula sa Congo Basin ay nasa 1,000 bawat 10,000.
Ang WHO ay nakapagtala ng 23,351 kaso ng monkeypox sa buong mundo, kabilang ang walong pagkamatay, lahat mula sa rehiyon ng Africa, hanggang Agosto 2.
Ayon sa Cleveland Clinic sa United States, “ang monkeypox ay maaaring humantong sa iba pang mga problema tulad ng pulmonya at mga impeksiyon sa utak o mga mata, na maaaring makamatay.”
Sinabi ng mga eksperto mula sa Johns Hopkins Medicine na ang sakit ay may death rate mula 1% hanggang 10%, batay sa datos mula sa mga kaso sa ilang mga bansa sa Africa. Idinagdag nila, gayunpaman, na ang bilang ng mga nasawi sa kasalukuyang outbreak ay “mas mababa.”
Sa isang briefer noong Hulyo 12, binanggit ng WHO na ang mga bilang ng pagkamatay sa monkeypox ay “maaaring labis ang pagtatantya.” Ang isang kadahilanan na nagdadagdag sa mga pagkakaiba sa mga bilang sa mga bansa ay ang “pagsubaybay sa monkeypox ay karaniwang limitado noong nakaraan,” sabi nito.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Hulyo 29, 2022
Department of Health, Personal communication, Hulyo 30, 2022
World Health Organization, 2022 Monkeypox Outbreak: Global Trends, Hulyo 28, 2022
Cleveland Clinic, Monkeypox: Causes, Symptoms, Treatment and Prevention, Hunyo 17, 2022
Johns Hopkins Medicine, Monkeypox | Johns Hopkins Medicine, Na-access noong Hulyo 30, 2022
Meedan Health Desk, What do we know about monkeypox?, Hunyo 6, 2022
World Health Organization, Monkeypox, Hulyo 12, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)